Nangungusap Tayo Tungkol Kay Cristo
Alam Niya ang Aking Pangalan
Noong 2007, inimbitahan ako ng University of Washington sa isang salu-salo bilang parangal sa mga babaeng atleta nito. Naglaro ako ng tennis sa unibersidad 44 na taon na ang nakalipas, at kami ng partner ko sa tennis ang naging kampeon sa Northwest sa larong dalawahan. Sa salu-salo, pararangalan ako sa aking tagumpay.
Habang papunta kami sa hapunan, dinaanan naming mag-asawa si Lynda, isang kaibigan noong mga estudyante pa kami. Siya rin ang nagpakilala sa akin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong 33 anyos ako. Tuwang-tuwa kaming makita ang dati naming eskwelahan at matatagal nang kaibigan.
Gayunpaman, nang kunin ko ang packet at name tag bago ang salu-salo, nadismaya ako nang makita ko na ang nakasulat na pangalan sa mga ito ay “Sharon Krull,” hindi Sherry Krull. “Ah, okay,” ang naisip ko, at binura ang Sharon at sa halip isinulat ang Sherry. Ngunit nagpatuloy ang pagkakamali sa buong magdamag. Kalaunan, nang ipakilala ako ng tagapagsalita bilang tatanggap ng parangal, tinawag niya akong “Sharon.” Ang plakeng ibinigay niya sa akin ay mali rin.
Hindi iyon malaking problema; nagpapasalamat ako na naimbitahan ako sa salu-salo, at nangako ang mga nangasiwa sa okasyon na papalitan ang plake nang may tamang pangalan.
Kinabukasan ay Linggo ng Pagkabuhay. Ginugol naming mag-asawa ang Biyernes Santo sa templo at ang maraming oras ng linggong iyon ay itinuon sa pagmumuni sa mga huling araw ng Tagapagligtas sa lupa. Ngunit ang pinakamagandang bahagi ng Linggo ng Pagkabuhay sa taong iyon ay nangyari sa sacrament meeting, nang ganito ang sabihin ng aming bishop: “Lubos akong nagpapasalamat na alam ng Panginoon ang pangalan ko.”
Nakadama ako nang malaking kagalakan. Bagama’t ikinasiya ko ang nakaraang gabi, higit ang kaligayahang nadama ko sa katotohanang ito kaysa sa nadama ko nang tanggapin ko “ang papuri ng mga tao.”
Nagpapasalamat din ako na alam ng Panginoon ang pangalan ko, ngunit ang mas mahalaga, masaya ako na sa edad na 33, nakilala ko ang Kanyang pangalan. Walang hanggan ang pasasalamat ko na noong magtanong ang dalawang misyonero kay Lynda kung may kilala siya na maaari nilang bisitahin, hindi siya natakot na baka magalit ako sa pagbibigay sa kanila ng pangalan ko.
Nalaman ko ang katotohanan tungkol sa Tagapagligtas sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon, na nagpapatotoo sa Kanya. At nang makilala ko ang Tagapagligtas at sumapi sa Kanyang Simbahan, naging bagong tao ako sa Kanya.
Nabago ang buhay ko mula noon, sa aking binyag at kumpirmasyon, at nabago itong muli noong magandang umaga ng Linggo ng Pagkabuhay nang makatanggap ako ng patotoo na talagang kilala o alam ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas ang ating mga pangalan. Hindi ko lubos na maipahayag ang kagalakan ko na makilala ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas—at malaman na kilala Nila ako.