2010
Doktrina at mga Tipan 1:38
Agosto 2010


Taludtod sa Taludtod

Doktrina at mga Tipan 1:38

Dapat nating dinggin ang lahat ng salita ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginooon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”

Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon

Narito ang ilang bagay na itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan tungkol sa paghahayag mula sa Diyos:

  • Nabubuhay ang tao sa pamamagitan ng bawat salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon (tingnan sa Deuteronomio 8:3; Mateo 4:4; D at T 98:11).

  • “Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama” (Mga Kawikaan 29:18).

  • Ang Panginoon ay walang gagawin kundi ihayag ang Kanyang lihim sa mga propeta (tingnan sa Amos 3:7).

  • Magbibigay ang Diyos sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin (tingnan sa 2 Nephi 28:30; D at T 98:12).

  • Anuman ang sabihin ng mga tagapaglingkod ng Diyos kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay ang magiging tinig ng Panginoon (tingnan sa D at T 68:4).

Ang aking salita ay hindi lilipas

Ang mga propesiya at mga pagpapalang binanggit ng mga propeta ng Panginoon ay hindi laging natutupad sa panahon o sa paraang inaasahan ng mga tao. Isipin ang ilang halimbawa ng mga propesiya at pagpapalang natupad sa hindi inaasahang panahon o pamamaraan, at isulat sa inyong journal kung paano ninyo maipamumuhay ang alituntuning ito.

Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod

Larawan
Elder M. Russell Ballard

“Hindi maliit na bagay, mga kapatid, na magkaroon ng propeta ng Diyos sa kalipunan natin. Dakila at kagila-gilalas ang mga pagpapalang dumarating sa ating buhay kapag pinakikinggan natin ang salita ng Panginoon na ibinigay sa atin sa pamamagitan niya [ng propeta]. … Kapag narinig natin ang payo ng Panginoon na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat positibo at kaagad ang ating pagtugon. Ipinakita ng kasaysayan na may kaligtasan, kapayapaan, pag-unlad, at kaligayahan sa pagtugon sa payo ng propeta tulad ng ginawa ni Nephi noong una: ‘Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon’ (1 Ne. 3:7).”

Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “His Word Ye Shall Receive,” Liahona, Hulyo 2001, 80.

Hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili

Larawan
President Gordon B. Hinckley

“Kapag nangungutya ang mga mamimintas, kapag nanlilibak ang mga kaaway, kapag minamaliit ng mga mapang-uyam ang gawaing ito, pumapasok sa isip ko ang kagila-gilalas na pahayag ng Pinakamakapangyarihan. Hindi binibigyang-katwiran ng Panginoon ang Kanyang Sarili sa Kanyang sinabi o ginawa. Bawat pangako ay tutuparin, bawat propesiya ay isasagawa.”

Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “The Order and Will of God,” Tambuli, Ago. 1989, 3.

Print