Mula sa Misyon
Inilagay Siya ng Panginoon sa Aming Daraanan
Kailangan nating ibahagi ang ebanghelyo sa mga taong nakakasalamuha natin dahil hindi natin alam kung sino ang handang makinig sa ating mensahe.
Maalinsangan at matindi ang sikat ng araw noon sa Shìlín, Taipei, Taiwan, at kami ng kompanyon kong si Sister Verhagen ay nakasakay sa bisikleta para bisitahin ang isang miyembro. Tulad ng dati, masikip at mabagal ang daloy ng mga sasakyan. Puno ang kalsada ng mga kotse, motor scooter, at bisikleta na papunta sa iba’t ibang direksyon.
Tulad ng lagi kong ginagawa, sa tabi ng kalsada ako nagbisikleta para makaraan ang ibang sasakyan. Biglang-bigla, sumalpok ako at tumilapon sa lupa. Nang tumingala ako, nakita ko ang isang lalaki na paulit-ulit na humingi ng paumanhin. Iyon pala, nasa loob siya ng nakaparada niyang sasakyan sa gilid ng kalsada. Nang buksan niya ang pinto para lumabas, sumalpok ako rito. Hindi ko siya nakita, at hindi niya ako nakita.
Nang tingnan ko ang kanan kong binti, nakita ko na tinamaan ito nang husto. May malaking pasa ang binti ko at namamaga’t nangingitim. Isang ambulansya na kasunod lang namin ang huminto, sinuri ako, at diretso nang dinala sa ospital. Sinuri ang binti ko at isinailalim sa X-ray para makita kung may bali. Dumating din sa ospital ang lalaking nakaaksidente sa akin para tingnan kung AYOS ako.
Habang hinihintay ang resulta ng X-ray, kinausap namin ni Sister Verhagen ang lalaki, si Hsu Chung Wei. Paulit-ulit niyang itinanong ang kalagayan ko at humingi ng paumanhin sa nangyari. Humingi rin ako ng paumanhin at sinabi ko sa kanya na masaya ako na binti ko lang ang napinsala.
Nalaman namin na estudyante sa kolehiyo si Chung Wei at nag-aaral ng biyulin. Nang matagal-tagal na namin siyang kausap, sinabi namin, “Hindi ka naman namin pinipilit, pero kung gusto mong makinig sa aming mensahe, ikatutuwa naming maipakilala ka sa mga elder.” Nag-isip siya sandali at pumayag na pagkatapos. Nagpalitan kami ng impormasyon at nagtakda ng araw para maipakilala siya sa mga elder.
Dumating na ang resulta ng X-ray. Mabuti na lamang at walang bali ang binti ko. Kumikirot lang ito nang husto at pangit tingnan.
Kalaunan ng linggong iyon sinabi sa akin ni Elder Criddle na nakipagkita na sila ng kanyang kompanyon kay Chung Wei. Maayos na naituro ang lesson. Makalipas ang ilang linggo nalaman ko na dalawang beses na siyang nagsimba at nagpaplanong magpabinyag. Tuwang-tuwa ako at masiglang-masigla.
Noong Abril 27, 2002, nabinyagan si Chung Wei, ang pinakabagong miyembro ng Tien Mu Ward. Hindi ako nakadalo sa kanyang binyag dahil nalipat ako, pero nabalitaan ko na naging maayos ang kanyang binyag.
Kalaunan nakita ko ang misyonerong si Elder Packer na nag-interbyu kay Chung Wei bago ito binyagan. Tinanong siya ni Elder Packer kung bakit nakinig siya sa mga turo ng mga misyonero at nagdesisyong magpabinyag. Sinabi ni Chung Wei sa kanya na humanga siya sa pakikitungo namin ni Sister Verhagen sa kanya. Dahil naging mabait kami sa kanya at hindi namin ikinagalit ang aksidente, sinabi niyang siguro nga ay ito ang totoong Simbahan. Kalaunan, sa oras ng talakayan, nadama niya ang Espiritu at nagkaroon ng patotoo.
Nagpapasalamat ako na handa si Chung Wei. Masaya ako at sinunod niya ang mga pahiwatig ng Espiritu at nagpabinyag, at ngayon ay nasa kanya na ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Hindi ko alam na inilagay ng Ama sa Langit si Chung Wei sa daraanan ko nang araw na iyon. Hindi ko alam na handa siyang makinig ng ebanghelyo. Pero alam ko na kailangang lagi tayong maging mga disipulo ni Cristo at magsikap na kumilos nang tulad Niya. Alam ko na kailangan nating ibahagi ang ebanghelyo sa mga taong nakakasalamuha natin dahil hindi natin alam kung sino ang inihanda ng Panginoon para makinig ng ebanghelyo.