Makita ang Ating mga Sarili sa Panaginip ni Lehi
Mula sa mensahe sa debosyonal na ibinigay noong Enero 16, 2007, sa Brigham Young University. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa http://speeches.byu.edu.
Nasa panaginip ni Lehi ang lahat ng kailangan ng isang Banal sa mga Huling Araw upang maunawaan ang pagsubok ng buhay.
Hiniling ko sa departamento ng mga talaan ng Simbahan na sabihin sa akin kung ilan ang mga kabataang nasa kolehiyo sa Simbahan. Ang sagot nila, “1,974,001.”
“Mabuti,” ang naisip ko. “Magsasalita ako sa isa.”
Ang buhay ko sa kolehiyo ay nagsimula pagkatapos na pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Karamihan sa mga lalaki sa aming klase ay kababalik lang mula sa serbisyo sa military. Halos lahat kami ay mas matanda ang isip kaysa sa mga estudyante ng kolehiyo ngayon. Napagdaanan namin ang digmaan at marami kaming alaala. Ang ilan sa mga ito ay pinahalagahan namin; natuwa naman kami na nakalimutan na namin ang iba. Mas seryoso kami at hindi sumasali sa mga katuwaan at mga laro hindi tulad ng mga estudyante ngayon. Gusto naming umasenso sa buhay at alam naming edukasyon ang susi.
Ang buong buhay namin sa military ay nakatuon lang sa pakikipaglaban. Ganyan ang digmaan. Nabigyang-inspirasyon kami ng pag-ibig sa bayang-tinubuan. Ang maging tapat sa pakikipaglaban nang hindi sinisira ang iyong sarili sa espirituwal o moral ang pagsubok ng buhay.
Kayo rin ay nabubuhay sa panahon ng digmaan, ang espirituwal na digmaang walang katapusan. Ang digmaan mismo ngayon ay nangingibabaw sa mga gawain ng sangkatauhan. Ang kawalang-muwang ng inyong daigdig ay naglaho sa digmaan. Walang anumang bagay, gaano man ito kasama o hindi karapat-dapat, na hindi tinatanggap para sa mga pelikula o pagtatanghal o musika o pag-uusap. Parang nabaligtad na ang mundo. (Tingnan sa II Ni Pedro 2.)
Ang pormalidad, dignidad, kamarhalikahan, at paggalang sa awtoridad ay hinahamak. Ang kahinhinan at kalinisan ay napatatangay sa kaburaraan at di maayos na pananamit at kaanyuan. Ang mga tuntunin ng katapatan at integridad at moralidad ay binabale-wala na ngayon. Ang pag-uusap ay puno ng kahalayan. Makikita ninyo iyan sa sining at literatura, sa drama at libangan. Sa halip na maging pino, nagiging magaspang ang mga ito. (Tingnan sa I Kay Timoteo 4:1–3; II Kay Timoteo 3:1–9.)
Nagpapasiya kayo halos araw-araw kung susundin ninyo ang mga kalakarang iyon. Marami pang darating na pagsubok sa inyo.
Humawak sa Gabay na Bakal
Sa 1 Nephi 8, mababasa ang tungkol sa panaginip ni Lehi. Sinabi niya sa kanyang pamilya, “Masdan, nanaginip ako ng isang panaginip; o, sa ibang salita, nakakita ako ng pangitain” (1 Nephi 8:2).
Maaaring isipin ninyo na ang panaginip o pangitain ni Lehi ay walang mahalagang kahulugan para sa inyo, ngunit may mahalagang kahulugan ito. Kasama kayo rito; lahat tayo ay kasama rito.
Sabi ni Nephi, “[Lahat ng banal na kasulatan] ay inihahalintulad ko sa amin, upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23).
Nasa panaginip o pangitain ni Lehi tungkol sa gabay na bakal ang lahat ng bagay na kailangan ng isang Banal sa mga Huling Araw upang maunawaan ang pagsubok ng buhay.
Nakita ni Lehi:
-
Ang isang malaki at maluwang na gusali (tingnan sa 1 Nephi 11:35–36; 12:18).
-
Ang isang landas sa kahabaan ng pampang ng ilog (tingnan sa 1 Nephi 8:20–22).
-
Ang abu-abo ng kadiliman (tingnan sa 1 Nephi 12:17).
-
Isang gabay na bakal na daan palabas sa abu-abo ng kadiliman (tingnan sa 1 Nephi 11:24–25).
-
Ang punungkahoy ng buhay, “na ang bunga ay kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao” (1 Nephi 8:10; tingnan din sa 1 Nephi 11:8–9, 21–24).
Basahing mabuti ang panaginip o pangitain; pagkatapos muli itong basahin.
Kung hahawak kayo sa gabay na bakal, madarama ninyong sumusulong kayo taglay ang kaloob na Espiritu Santo, na ipinagkaloob sa inyo noong kayo ay nakumpirmang miyembro ng Simbahan. Aaliwin kayo ng Espiritu Santo. Madarama ninyo ang impluwensya ng mga anghel, tulad ni Nephi, at makasusulong sa buhay.
Ang Aklat ni Mormon ang aking gabay na bakal noon pa man.
Nakakita si Lehi ng napakaraming mga tao na “nagpapatuloy sa paglalakad” patungo sa punungkahoy (1 Nephi 8:21).
Ang malaki at maluwang na gusali “ay puno ng tao, kapwa matanda at bata, kapwa lalaki at babae; at ang paraan ng kanilang pananamit ay labis na mainam; at sila ay nasa ayos ng panlalait at pagtuturo ng kanilang daliri roon sa mga yaong nagsitungo at kumakain ng bunga” (1 Nephi 8:27).
Isang salita sa panaginip o pangitaing ito ang dapat magkaroon ng mahalagang kahulugan sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw. Ang salita ay matapos. Nang matapos matagpuan ng mga tao ang punungkahoy nangahiya sila, at dahil sa panlalait ng sanlibutan sila ay nangagsilayo.
“At matapos na matikman nila ang bunga sila ay nahiya, dahil sa mga yaong humahamak sa kanila; at nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala. …
“At napakarami ng taong pumasok sa loob ng yaong di pangkaraniwang gusali. At matapos silang makapasok sa gusaling yaon ay itinuro nila ang mapanlibak nilang daliri sa akin at sa mga yaong kumakain din ng bunga.” Iyan ay pagsubok; pagkatapos ay sinabi ni Lehi, “Subalit hindi namin sila pinansin” (1 Nephi 8:28, 33; idinagdag ang pagbibigay-diin). At iyan ang sagot.
Isinulat ni Nephi na anak ni Lehi:
“Ako, si Nephi, ay nagnais ding aking makita, at marinig, at malaman ang mga bagay na ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na siyang kaloob ng Diyos sa lahat ng yaong masisigasig na humahanap sa kanya. …
“Sapagkat siya na naghahanap nang masigasig ay makasusumpong; at ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa kanila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, kapwa sa panahong ito at sa sinaunang panahon, at kapwa sa sinaunang panahon at sa panahong darating; anupa’t ang hakbangin ng Panginoon ay isang walang hanggang pag-ikot” (1 Nephi 10:17, 19).
Lahat ng simbolismo sa pangitain ni Lehi ay ipinaliwanag sa kanyang anak na si Nephi, at isinulat ni Nephi ang tungkol dito.
Noong inyong binyag at kumpirmasyon, humawak kayo sa gabay na bakal. Ngunit hindi pa rin kayo ligtas. Pagkatapos ninyong kumain ng bungang iyan ay darating ang pagsubok sa inyo.
Paminsan-minsan ay naiisip ko ang isa sa aming mga kaklase—napakatalino, guwapo, tapat sa Simbahan, at puno ng talento at kakayahan. Maayos ang pag-aasawa niya at mabilis na nakilala. Nagsimula siyang makisama para mapasaya ang mga taong nakapaligid sa kanya. Siya ay pinuri nila nang labis-labis sa pagsunod sa kanilang mga ginagawa, na mga makamundo.
Kung minsan napakasimpleng bagay ang paraan ng pag-aayos ng inyong sarili o kung ano ang inyong isusuot, tulad ng isang dalagita na palaging ginugulo ang kanyang buhok na nagbibigay ng impresyon na hindi ito nasuklay o isang binatilyong maluluwag ang damit dahil gustong sumunod sa uso.
Sa maliliit na bagay, medyo lumuwag ang pagkakahawak ng aking kaklase sa gabay na bakal. Ang isang kamay ng kanyang asawa ay nakahawak sa gabay na bakal at ang isa ay nakahawak sa kanya. Sa huli, bumitiw siya sa kanyang asawa at iniwan ang gabay na bakal. Tulad ng ibinadya sa panaginip o pangitain ni Lehi, siya ay lumayo patungo sa ipinagbabawal na mga landas at naligaw.
Dahil sa malaking impluwensya ng telebisyon, sa halip na tingnan ang loob ng maluwang na gusaling iyan, tayo, sa katunayan, ay namumuhay sa loob nito. Iyan ang inyong tadhana sa henerasyong ito. Kayo ay naninirahan sa malaki at maluwang na gusaling iyan.
Sino ang nagsulat ng kahanga-hangang pangitaing ito? Wala itong katulad sa Biblia. Si Joseph Smith ba ang sumulat nito? Isinulat ba niya ang Aklat ni Mormon? Mas mahirap paniwalaan iyan kaysa sa salaysay tungkol sa mga anghel at laminang ginto. Si Joseph Smith ay 24 na taong gulang lamang nang mailathala ang Aklat ni Mormon.
Magiging ligtas kayo kung mag-aayos kayo at kikilos tulad ng isang ordinaryong Banal sa mga Huling Araw: manamit nang disente, dumalo sa inyong mga miting, magbayad ng ikapu, makibahagi sa sacrament, igalang ang priesthood, igalang ang inyong mga magulang, sundin ang inyong mga lider, basahin ang mga banal na kasulatan, pag-aralan ang Aklat ni Mormon, at manalangin—manalangin sa tuwina. Isang hindi nakikitang kapangyarihan ang hahawak sa inyong kamay habang nakahawak kayo sa gabay na bakal.
Malulutas ba nito ang lahat ng inyong problema? Siyempre hindi! Magiging salungat iyan sa layunin ng inyong pagparito sa mortalidad. Gayunpaman, ito ay magbibigay sa inyo ng matibay na pundasyon na mapagsasaligan ng inyong buhay (tingnan sa Helaman 5:12).
Paminsan-minsan ay lalambungan kayo ng abu-abo ng kadiliman kaya’t hindi ninyo makikita ang inyong daraanan kahit sa malapit. Hindi kayo malinaw na makakakita. Ngunit sa kaloob na Espiritu Santo, madarama ninyo agad ang tamang landas sa buhay. Hawakan nang mahigpit ang gabay na bakal, at huwag bumitiw. (Tingnan sa 3 Nephi 18:25; D at T 9:8.)
Isang Panahon ng Espirituwal na Digmaan
Nabubuhay tayo sa panahon ng digmaan, ang espirituwal na digmaang walang katapusan. Binalaan tayo ni Moroni na ang lihim na pagsasabwatan na pinasimulan ni Gadianton “ay mayroon nito sa lahat ng tao. …
“Kaya nga, O kayong mga Gentil [at ang salitang Gentil sa sitwasyong iyan sa Aklat ni Mormon ay tumutukoy sa atin sa ating henerasyon], karunungan sa Diyos na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa inyo, nang sa gayon kayo ay makapagsisi ng inyong mga kasalanan, at huwag pahintulutan ang mga nakamamatay na pakikipagsabwatan ay manaig sa inyo. …
“Kaya nga, inuutusan kayo ng Panginoon, na kapag nakita ninyo ang mga bagay na ito na naitatag sa inyo na kayo ay magising sa pang-unawa sa inyong kakila-kilabot na kalagayan, dahil sa mga lihim na pakikipagsabwatang mapapasainyo” (Eter 8:20, 23–24).
Ginawang relihiyon ng mga ateista at agnostiko ang kawalan nila ng pananampalataya at ngayo’y nag-organisa sa walang-katulad na mga paraan upang atakihin ang pananampalataya at paniniwala. Sila ngayon ay organisado na, at naghahangad sila ng kapangyarihan sa pulitika. Marami kayong maririnig tungkol sa kanila at mula sa kanila. Karamihan sa kanilang pag-atake ay hindi hayagan sa pagkutya sa matatapat, sa pagtuligsa sa relihiyon.
Ang mga uri nina Serem, Nehor, at Korihor ay kasama nating namumuhay ngayon (tingnan sa Jacob 7:1–21; Alma 1:1–15; 30:6–60). Ang kanilang mga argumento ay hindi gaanong kakaiba sa mga nasa Aklat ni Mormon.
Kayong mga bata pa ay makakakita ng maraming bagay na susubok sa inyong tapang at pananampalataya. Ang lahat ng pangungutya ay hindi nagmumula sa labas ng Simbahan. Hayaang ulitin ko: ang lahat ng pangungutya ay hindi nagmumula sa labas ng Simbahan. Mag-ingat upang hindi kayo mapasama sa mga nangungutya.
Nangako ang Panginoon, “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (D at T 38:30).
Maging si Moroni ay naharap sa gayong hamon. Sabi niya, dahil sa kahinaan niya sa pagsusulat:
“Ako ay natatakot … [na] kutyain ng mga Gentil ang aming mga salita.
“[At sinabi ng Panginoon sa kanya:] Ang mga hangal ay nangungutya, subalit sila ay magdadalamhati; at ang aking biyaya ay sapat para sa maaamo, na hindi sila magsasamantala sa inyong kahinaan;
“At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:25–27).
Nagagalak Tayo Kay Cristo
Nakapaloob sa panaginip o pangitaing iyon ang “mahalagang perlas” (Mateo 13:46).
Nakita nina Lehi at Nephi:
-
Ang isang birhen na may dalang bata sa kanyang mga bisig (tingnan sa 1 Nephi 11:15–20).
-
Ang taong maghahanda ng daan—si Juan Bautista (tingnan sa 1 Nephi 11:27).
-
Ang ministeryo ng Anak ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:28).
-
Ang Labindalawang iba pa na sumusunod sa Mesiyas (tingnan sa 1 Nephi 11:29).
-
Ang kalangitan ay nabuksan at naglingkod ang mga anghel sa mga anak ng tao (tingnan sa 1 Nephi 11:30).
-
Ang mga tao ay nabasbasan at napagaling (tingnan sa 1 Nephi 11:31).
-
Ang Pagpapako kay Cristo sa Krus (tingnan sa 1 Nephi 11:32–33).
-
Ang karunungan at kapalaluan ng mundo na kumakalaban sa Kanyang gawain (tingnan sa 1 Nephi 11:34–36; tingnan din sa 1 Nephi 1:9–14).
Ang lahat ng ito ay nakita nila sa panaginip o pangitain. At iyan ang kinakaharap natin ngayon.
Ngayon, nagsasalita ako sa bawat isa sa inyo na dalawang milyung katao. Tulad ng ginawa ng mga propeta at apostol noon, “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).
“Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo. Samakatwid, sinabi ko sa inyo, magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).
At idinagdag pa ni Nephi:
“Samakatwid, ngayon matapos kong sabihin ang mga salitang ito, kung hindi ninyo naunawaan ang mga ito, iyan ay dahil sa hindi kayo humihingi, ni kayo ay kumakatok; kaya nga, hindi kayo nadadala sa liwanag, kundi tiyak na masasawi sa kadiliman.
“Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:4–5).
Ang mga Pahiwatig ng Espiritu Santo
Kayo ay nabubuhay sa isang kawili-wiling henerasyon, kung kailan palaging may mga pagsubok sa inyong buhay. Matutong sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Ito ay magiging pananggalang at proteksyon at guro ninyo. Huwag kailanman mahiya o ikahiya ang mga doktrina ng ebanghelyo o ang mga pamantayan na itinuturo natin sa Simbahan. Kayo sa tuwina, kung matapat kayo sa Simbahan, ay magiging kakaiba sa mundo sa kabuuan.
Nakalalamang kayo dahil tinitiyak na mabibigyan kayo ng inspirasyon sa lahat ng inyong mga desisyon. Marami kayong gagawing desisyon—mga desisyong may kinalaman sa pag-aaral, paghahanap ng mapapangasawa, paghahanap ng trabaho, pagpapakasal, pagpapalaki ng mga anak sa mundong puno ng kaguluhan. Ang inyong mga anak ay malalantad sa napakaraming bagay nang higit pa sa aming henerasyon.
Napapansin namin, kapag naglilibot kami sa Simbahan, na ang ating mga kabataan ay mas malakas ngayon kaysa noon. Kapag naririnig ko sila na nagsasalita sa mga kumperensya at sacrament meeting, naririnig ko sila na nagbabanggit ng mga banal na kasulatan, at pinoprotektahan ang mga pamantayan. Hindi ako nakakarinig ng mga pangungutya na karaniwan sa mga taong hindi tapat at hindi tunay na nagbalik-loob.
Pinamumunuan natin ang isang simbahan na may mahigit 13 milyong miyembro at patuloy pa itong dumarami. Ang Simbahan ay laganap na sa mundo. Karamihan nito ay nasa iba’t ibang bansa na ngayon. Maraming miyembro ng Simbahan ang walang pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo, ngunit ipinamumuhay nila ang ebanghelyo. At kahanga-hanga, at nakapagpapasigla ang makita at makasama sila.
Kapag iniisip namin kayong mga kabataang Banal sa mga Huling Araw at naiisip ang Aklat ni Mormon at ang tungkol sa panaginip o pangitain ni Lehi, nakikita namin na may mga propesiya roon na angkop sa inyong buhay. Basahin itong muli, magsimula sa 1 Nephi 8, at basahin ang ibinigay na mga payo. Ang Aklat ni Mormon ay nagbabanggit tungkol sa kabilang buhay: kung ano ang nangyayari sa espiritu (tingnan sa Alma 40:11–12) at kung ano ang nangyayari sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa 2 Nephi 2:29; 9:10–13). Lahat ng bagay na kailangan ninyong malaman ay narito. Basahin ito, at gawin itong bahagi ng inyong buhay. Pagkatapos ang pambabatikos o panlalait ng mundo, na kumukutya sa mga nasa Simbahan, ay hindi ninyo papansinin tulad ng hindi namin pagpansin dito (tingnan sa 1 Nephi 8:33). Sumulong lang tayo sa paggawa ng mga bagay na ipinagagawa sa atin nalalamang pinapatnubayan tayo ng Panginoon.
Dalangin ko na mapasainyong gawain ang mga pagpapala ng Panginoon. Dalangin ko na mapasainyo ang mga pagpapala ng Panginoon habang sumusulong kayo mula sa kasibulan ng inyong buhay, kung saan kayo naroon ngayon, hanggang sa takipsilim ng inyong buhay, kung saan ako naroon ngayon, nang sa gayon ay malaman ninyo na totoo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Mahaharap kayo sa napakarami at magulo at mahihirap na bagay sa inyong buhay, at matatamasa ninyo ang malaking inspirasyon at kagalakan sa inyong buhay.
Mas matatag kayo kaysa amin. Naniniwala ako na laban sa tiyak na darating at sa mga propesiyang ibinigay, ang Panginoon ay naglaan ng mga espesyal na espiritu na isisilang sa panahong ito upang tiyakin na mapoprotektahan at maisusulong sa mundo ang Kanyang Simbahan at kaharian. Bilang tagapaglingkod ng Panginoon, hinihiling ko na mapasainyo ang Kanyang mga pagpapala at nagpapatotoo sa inyo na totoo ang ebanghelyo.