2010
Napalitan ng Pagmamahal ang Aking Takot
Agosto 2010


Napalitan ng Pagmamahal ang Aking Takot

Ashley Johnson Evanson, Utah, USA

Nakita ko siyang sakay ng bus araw-araw sa pag-uwi ko mula sa unibersidad. Palagi niyang suot ang maluwang na T-shirt, lumang sapatos na pangtenis, at palaging nakangiti. At palagi siyang mag-isa sa upuan. Kunsabagay, siya ay espesyal na pasahero dahil sa kanyang kakulangan sa pag-iisip.

Araw-araw hinihikayat ako ng Espiritu na batiin siya. Gayunpaman, araw-araw napipigilan ako ng pagmamataas ko. Takot ako na baka may makakita sa akin na nakikipag-usap ako sa taong naiiba sa lahat. At may reputasyon akong iniingatan.

Isang hapon ng taglamig, nang damang-dama ko ang Espiritu at medyo malakas ang loob ko, sumakay ako sa bus, nakita siya sa dati niyang inuupuan, at naupo sa tabi niya—hindi gaanong malapit sakaling madama kong hindi ko kayang gawin ito. Nang halos malapit na akong bumaba, ipinikit ko ang aking mga mata, tahimik na nanalangin, at lumingon sa kanya.

“Hi,” ang sabi ko sa nangangamba ngunit magiliw na tinig, “Ako si Ashley.”

Nang ngumiti siya sa akin, nawala kaagad ang takot ko at pagmamataas.

“Ako si Lenny,” ang nahihiya niyang sagot.

Sa kaunting mga salitang iyon, nagsimula ang aming pagkakaibigan.

Kinabukasan muli akong tumabi kay Lenny, ngunit mas madali ko itong nagawa—magkaibigan na kami. Pag-upo ko, dumukot siya sa kanyang backpack at kinuha roon ang gawang-kamay na Valentine’s Day card. Ito ay para sa “Magandang babae na nakikita ko sa bus araw-araw.”

Matagal nang tapos ang Araw ng mga Puso, pero ginawa ni Lenny ang espesyal na kard na ito para sa akin at matiyagang hinintay ang pagkakataon na maibigay ito sa akin. Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng mga luha sa aking mga pisngi. Lubos akong nagpapasalamat na hindi ako pinabayaan ng Espiritu at naisantabi ko sa huli ang aking pagmamataas at hinarap ang aking takot na makipag-usap kay Lenny.

Ngayon pumupunta siya sa hapunan tuwing Linggo at naging parang miyembro na rin ng aking pamilya. Araw-araw tinutulungan ako ni Lenny na maalala ang mga biyayang dulot ng pagtalikod sa kapalaluan at pagkakaroon ng lakas ng loob na gawin ang tama. Dahil nakikita ko siya sa araw-araw naaalala ko ang I Ni Juan 4:18: “Walang takot sa pagibig; kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot.”

“Hi,” ang sabi ko sa nangangamba ngunit magiliw na tinig, “Ako si Ashley.”