Kaming Lahat ay mga Sapatos
“Ang Panginoong Diyos ang nagbibigay-liwanag sa pang-unawa; sapagkat siya ay nagsasalita sa mga tao alinsunod sa kanilang wika, sa kanilang ikauunawa” (2 Nephi 31:3).
Ang mga bata sa lugar nina Ryan ay nagmula sa iba’t ibang panig ng daigdig: Australia, Canada, Egypt, England, India, Kuwait, Mexico, Saudi Arabia, Scotland, sa Estados Unidos, at Vietnam.
Namamangha si Ryan na makakita ng mga tao na nagmula sa iba’t ibang lugar, pero napansin niya na kung minsan, nakikipaglaro lang ang mga bata sa ibang bata na kapareho nila ang wika. Hindi maintindihan ni Ryan kung bakit ayaw ng bawat isa na maglaro nang sama-sama, kahit saan man sila nagmula o anuman ang gamit nilang wika. Kung minsan ang mga bata mula sa isang bansa ay hindi mabait sa mga batang mula naman sa iba pang bansa. Ikinalungkot iyon ni Ryan.
Inisip ni Ryan kung ano ang magagawa niya, pero mahirap mag-isip ng kahit ano. Hindi puwedeng basta na lang niya sabihin sa lahat na maging magkakaibigan—dahil iba’t iba ang wika nila, hindi sila magkakaintindihan.
Isang araw naglakad-lakad sa daan ang pamilya ni Ryan. Nasa labas ang ilang salbaheng batang lalaki. Isa sa kanila ang may hawak na football. Gusto ring maglaro ni Ryan ng football. Lakas-loob na lumapit si Ryan sa mga batang lalaki. May kaunti siyang alam sa wika nila, at may kaunti rin silang alam sa wika niya. Nagsimulang magngitian at magtawanan sina Ryan at ang mga batang lalaki habang sinusubukan nilang salitain ang magkakaibang wika. Pagkatapos itinuro ni Ryan ang football. “Gusto ba ninyong makipaglaro sa akin ng football?” ang dahan-dahan niyang pagtatanong, umaasang maiintindihan nila. Ngumiti siya nang todo.
Tumingin sa kanya ang mga batang lalaki, at pagkatapos ay tumingin sa isa’t isa. Nag-usap sila sandali, pero hindi maintindihan ni Ryan ang sinasabi nila. Pagkatapos ay tiningnan nilang muli si Ryan at tumango. Ngumiti si Ryan, at nagtakbuhan sila sa kalapit na parke. Kinawayan ni Ryan ang mga kaibigan niyang nagsasalita ng Ingles, at medyo nahihiya silang lumapit. Inihanda ng isang bata ang football, at nagsimula na ang laro.
Maya-maya umuwi muna sandali si Ryan para uminom ng tubig.
“Kumusta ang paglalaro ninyo?” tanong ni Inay.
“Ayos po!” sabi ni Ryan. “Alam po ninyo, Inay. Kaming lahat ay mga sapatos!”
“Mga sapatos?” tanong ni Inay.
“Opo. Magkakaiba kami, pero pare-parehong dalawang sapatos ang suot namin—at iyan lang ang kailangan sa football.”
“Ang galing ng natuklasan mo,” sabi ni Inay. “Lahat kayo ay mga anak ng Ama sa Langit, at marami pa kayong pagkakatulad kaysa inaakala ninyo.”
Kumaway si Ryan habang papalabas ng pinto para makipaglaro sa mga bago niyang kaibigan.
Mula nang araw na iyon ang mga bata sa komunidad ay nagpupunta na sa parke tuwing Huwebes para sama-samang maglaro ng football. Hindi na mahalaga kung ano ang mga wikang sinasalita nila o kung saan sila nanggaling—lahat sila ay mga sapatos, at sapat na iyon.