2010
Bahagi ng Isang Di Pangkaraniwang Bagay
Agosto 2010


Bahagi ng Isang Di Pangkaraniwang Bagay

Elder Neil L. Andersen

Noong matatapos na ang tagsibol ng 1967, sinabihan ang aming ward na pumili ng 16 na kabataang sasayaw sa All-Church Dance Festival. Para sa maliit na bayan namin sa Idaho, talagang kapana-panabik ito. Gaganapin ang kasayahan sa napakalaking istadyum ng University of Utah na may libu-libong manonood. Hindi ako mananayaw at atubili ako sa mga unang pagpapraktis namin, pero di nagtagal nasiyahan na rin akong makasama ang mababait na kabataang naghahanda para sa malaking sayawan. Nahihikayat kami kapag naiisip namin ang pagpunta sa malaking lungsod ng Salt Lake City at pamamalagi sa isang otel na may malaking swimming pool.

Dumating kami sa Salt Lake City sa itinakdang araw at nagsimulang magbihis para sa aming pagtatanghal. Bigla kong natuklasan na hindi ko nadala ang itim na pantalong isusuot ko para sa aming ballroom dance. Naiwan ko iyon sa bahay. Hindi namin inisip na pumunta sa tindahan para bumili ng bagong pantalon dahil napakamahal niyon. Hindi ko alam ang gagawin ko.

Nalutas ang problema nang ipahiram sa akin ng aking lider sa Young Men, si Brother Lowe, ang kanyang itim na pantalon. Nang isuot ko ang pantalon, natuwa ako na tamang-tama ang haba nito sa akin. Pero nalaman ko agad na may problema: maluwang nang ilang pulgada sa baywang ang pantalon. “Ano ang gagawin ko?” naisip ko. Nagpapasalamat ako sa kabaitan ni Brother Lowe pero hiyang-hiya akong isuot ang maluwag na pantalon. Tiniyak sa akin ni Brother Lowe at ng mga kaibigan ko na wala nang makakaalam niyon dahil halos matatakpan naman ng amerikana ko ang pantalon at puwede akong magsinturon para mahigpitan iyon.

Naaalala ko pa ang nadama ko nang dumating kami sa istadyum at nakita ang daan-daang kabataan mula sa iba’t ibang dako ng bansa na katulad ko ang mga paniniwala at pananalig. Maligayang sandali para sa akin ang matanto kung gaano kahalaga ang Simbahan sa napakaraming tao.

Nang kami na ang magtatanghal, pumunta na kami sa gitna. Nang magsimula ang sayaw, laking takot ko nang maramdaman kong bumababa ang maluwag na pantalon. Wala nang oras para gawan ng paraan ang sitwasyon; nagsimula na ang tugtog. Ang mahirap kong sitwasyon ay nagpadagdag ng panibagong mga galaw sa pagsasayaw ko ng ballroom. Hindi ko lang kailangang tandaan ang lahat ng itinuro sa aming galaw, kundi kailangan ko ring mag-isip ng ilang bagong galaw para hindi malaglag ang pantalon ko. May mga pagkakataong nabalisa ang kapartner ko dahil sa mga galaw ko, pero sinagip ako ng mga iyon sa mas kahiya-hiyang sitwasyon.

Hindi ko kailanman nalimutan ang maikling sandali ng walang direksyong pagsasayaw ko ng ballroom. Higit sa lahat, hindi ko kailanman nalimutan ang damdamin na tayong lahat ay bahagi ng isang di-pangkaraniwang bagay—hindi lang ng isang simpleng sayawan—kundi ng ipinanumbalik na Simbahan at ebanghelyo ni Jesucristo.