Ang Tungkulin Natin sa Diyos at sa Bagong Henerasyon Bilang mga Magulang
Inutusan tayo ng Panginoon na “palakihin ang [ating] mga anak sa liwanag at katotohanan.” Nawa’y sundin natin ang utos na ito nang may pananampalataya at determinasyong gampanan ang ating tungkulin sa bagong henerasyon.
Isa sa mga pinakamahalagang responsibilidad ng isang magulang ang magturo. Tulad ng nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” “ang mga magulang ay may banal na tungkuling … turuan [ang kanilang mga anak—na lalaki at babae na] magmahal at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan.”1
Naaalala ko pa ang isang napakabisang pagtuturo ng aking ina noon sa Brooklyn, New York, USA, 70 taon na ang nakalilipas. Matapos akong binyagan ng tatay ko at habang suot ko pa ang aking basang damit-pambinyag, iniupo ako ng nanay ko sa makalawang na upuang bakal na naitutupi sa harapan ng bautismuhan. Nirepaso niya sa akin ang kahalagahan ng pagpapabinyag sa awtoridad ng priesthood, ang layunin ng aking tipan sa binyag na taglayin sa aking sarili ang pangalan ni Jesucristo, at ang batas ng pagsunod. Pagkatapos ay itinanong niya kung ano ang pakiramdam ko. Naaalala ko na sinabi ko sa kanya ang mainit na damdaming bumalot sa akin at na gusto kong maramdaman iyon habang ako ay nabubuhay.
Tinitigan ako ng nanay ko at itinuro sa akin na sa loob ng ilang sandali ay ipapatong ng tatay ko ang kanyang mga kamay sa aking ulunan at kukumpirmahin akong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Igagawad sa akin ng tatay ko ang kaloob na Espiritu Santo, wika niya, at kung mananatili akong kaparat-dapat, tunay, at tapat sa mga kautusan, ang Espiritu Santo ay mapapasaakin upang gabayan ako at patnubayan habambuhay. Kahit matagal nang nangyari ang karanasan kong ito sa nanay ko, hindi ko kailanman nalimutan ang mahalagang sandaling iyon ng pagtuturo.
Natatanto ba nating mga magulang ang kapangyarihan ng mga sandali ng pagtuturo sa buhay ng ating mga anak? Natatanto ba natin ang kahalagahan ng ating tungkulin na tulungan ang ating mga anak na maunawaan at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo? Ang pundasyon ng pananampalataya at patotoo ay makakatulong sa ating mga anak hindi lamang na tiisin ang mga hirap ng buhay kundi matamasa rin ang buong pagpapala ng Ama sa Langit.
Isaayos Mo ang Iyong Sambahayan
Ang layunin ng gawain ng Panginoon ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Makakatulong ang mga magulang na maisakatuparan ang dakilang gawaing ito sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng “doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay” (D at T 68:25).
Sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith, pinagalitan ng Panginoon si Frederick G. Williams (1787–1842), miyembro ng Unang Panguluhan, dahil hindi niya tinuruan ang kanyang mga anak tulad ng nararapat niyang gawin:
“Hindi mo tinuruan ang iyong mga anak ng liwanag at katotohanan, alinsunod sa mga kautusan; at yaong masama ay may kapangyarihan, sa ngayon, sa iyo, at ito ang dahilan ng iyong pagdurusa.
“At ngayon isang kautusan ang ibinibigay ko sa iyo—kung ikaw ay maliligtas ay isasaayos mo ang iyong sambahayan, sapagkat maraming bagay na hindi wasto sa iyong sambahayan” (D at T 93:42–43).
Malakas ba ang loob nating ituro ang liwanag at katotohanan sa ating tahanan? O dumaranas tayo ng kahirapan sa loob ng ating mga pamilya dahil kinaliligtaan natin ang mga tungkuling ito? Sa ating pagninilay at pagdarasal, bibigyan tayo ng espirituwal na lakas at patnubay upang maisaayos natin ang ating tahanan.
Isang Bahay ng Pagkakatuto
Inuutusan tayo sa mga banal na kasulatan na “magtayo ng … isang bahay ng pagkakatuto” (D at T 88:119). Magmumungkahi ako ng ilang paraan upang magampanan natin ang tungkuling ito sa Diyos at sa ating mga anak bilang mga magulang.
Ituon ang puso’t isipan ng ating mga anak sa Tagapagligtas. Kailangang isentro ang pananampalataya at patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Dapat nating ipakita sa ating mga anak ang sarili nating damdamin tungkol sa Tagapagligtas at ibahagi ang mga banal na kasulatan o mga karanasang nagpalakas sa ating patotoo sa Kanya. Dapat nating ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng Pagbabayad-sala at kung paano nito pagpapalain ang kanilang buhay sa araw-araw.
Nalaman ni Enos ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo dahil “madalas [niyang] marinig [ang] sinasabi ng [kanyang] ama hinggil sa buhay na walang hanggan” (Enos 1:3). Ang mga kabataang mandirigma ay “tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos” (Alma 56:47). Nagkakaroon tayo ng inspirasyon sa mga salitang ito ng mga Nephita: “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Mamuno at magturo sa pamamagitan ng halimbawa. Sa maraming paraan, mas mabisa ang epekto ng ating mga gawa kaysa ating mga salita. Itinuro ni Pangulong Brigham Young (1801–77): “Dapat tayong magpakita [sa ating mga anak] ng halimbawa na nais nating gayahin nila. Nauunawaan ba natin ito? Gaano kadalas nating nakikita ang mga magulang na humihingi ng pagsunod, magandang asal, mga mabuting pananalita, kalugud-lugod na anyo, magiliw na tinig, maaliwalas na mukha mula sa isang anak o mga anak samantalang sila ay puno ng sama ng loob at pagpapagalit! Gaano ito kasalungat at kawalang katwiran!”2 Mapapansin ng ating mga anak ang paiba-iba nating pag-uugali at marahil pangangatwiranan nila ang paggawa rin ng gayon.
Makabubuti sigurong itanong natin sa ating sarili ang ganito: Nakikita ba ng mga anak natin ang tapat nating pagtupad sa ating mga tungkulin sa Simbahan, regular na pagpunta sa templo hangga’t maaari, at paglilingkod sa iba na may malasakit at habag na tulad ni Cristo? Nakikita ba nila sa ating mga kilos na ang pamumuhay ng ebanghelyo ay hindi isang pasanin kundi isang kagalakan? Tiyakin natin na naipapaunawa ng mga halimbawa natin sa ating mga anak ang kahulugan ng pagsalig ng ating buhay sa pundasyon ng pananampalataya at patotoo.
Bumuo ng mabubuting huwaran sa tahanan. Kailangan nating samantalahin ang bawat pagkakataong anyayahan ang Espiritu ng Panginoon sa ating tahanan. Ang isang paraan para magawa natin ito ay regular tayong magsanay sa paggawa ng “maliliit na bagay”—panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya, at family home evening. Kapag ginawa nating bahagi ng ating huwaran sa buhay ang mga bagay na ito, malaking kaibhan ang magagawa nito sa paglago ng patotoo ng ating mga anak. Tandaan natin ang mga salita ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33).
Ang isa pang mahalagang huwarang dapat itatag sa tahanan ay ang ipamuhay ang mga pamantayan ng Panginoon sa paggamit ng media. Sa paglitaw ng digital media ay dumami rin ang mga materyal na nagpapababa sa pagkatao, ngunit mas madali rin tayong makakuha ng mga bagay na maganda at nagpapasigla. Hikayatin natin ang ating mga anak sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa na hangarin yaong “marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).
Maghikayat ng makabuluhang personal na panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Lubhang nakasalalay ang paglago ng pananampalataya at patotoo ng ating mga anak sa kanilang personal na mga gawing nauukol sa relihiyon. Matutulungan natin silang mithiin na makagawian sa kanilang buhay ang panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Mas magtatagumpay tayong gawing bahagi ng buhay ng ating mga anak ang mga banal na kasulatan kung ang mga banal na kasulatan ay bahagi rin ng ating buhay. Sa pakikisama natin sa ating mga anak, makasasangguni tayo nang madalas sa mga banal na kasulatan sa iba’t ibang pagkakataon. Ang mga sandali ng pagtuturo ay maaaring maganap kahit saan basta’t handa tayong samantalahin ang mga pagkakataong ito.
Ang mga oras ng pagkain, halimbawa, ay napakagandang pagkakataon ng mga magulang at anak na magbahagi ng kanilang iniisip at nadarama. Maitatanong natin sa ating mga anak kung ano ang natututuhan nila sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ano ang mga itinatanong nila tungkol sa kanilang binabasa? Ano ang ilan sa kanilang mga paboritong talata? Maaari nating ibahagi sa kanila ang ilan sa ating mga paborito at sabihin sa kanila kung bakit napakahalaga ng mga talatang ito sa atin. Dapat nating isama sa ating mga pag-uusap ang mga salita ng mga buhay na propeta at hikayatin ang ating mga anak na basahin ang mga salitang ito na matatagpuan sa mga magasin ng Simbahan.
Gamitin ang mga kasangkapang laan ng Simbahan sa mga magulang. Alam ng bawat mabuting manggagawa ng gusali ang halaga ng mahuhusay na kasangkapan—magagawa nitong tila mas madaling gawin ang napakabibigat na gawain. Ang Simbahan ay naglaan ng maraming kapaki-pakinabang na kasangkapang magagamit ng mga magulang upang matulungan ang kanilang mga anak na magkaroon ng pundasyon ng pananampalataya at patotoo.
Ang isang pinakabagong halimbawa ay ang binagong bersyon ng Tungkulin sa Diyos para sa mga kabataang lalaki. Ang Pansariling Pag-unlad, na binago rin kamakailan, ay isang napakaganda at napakabisang kasangkapan para sa mga kabataang babae. Ang mga pakinabang na nararanasan ng ating mga kabataan mula sa Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad ay lalong madaragdagan kapag nakilahok at sumuporta ang mga magulang sa kanilang mga pagsisikap.
Halimbawa, hinihikayat ng mga pagbabago sa Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad ang mga kabataan na ibahagi sa mga kapamilya ang mga mithiin, karanasan, at damdamin nila habang ipinaplano at ginagawa nila ang mga bagay na natututuhan nila. Mga magulang, ginintuang pagkakataon ito upang kausapin ang inyong mga anak tungkol sa ebanghelyo na magpapayaman sa inyong pakikipag-ugnayan sa kanila. Hindi kailangang maging pormal ang gayong mga pag-uusap; ang ilan sa pinakamaiinam na pagkakataong mapatatag ang inyong mga anak ay maaaring mangyari sa mga di-pormal na “pag-uusap habang daan.”3
Mag-ukol ng panahon upang maging pamilyar sa mga pagbabago sa Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad at masuportahan ang inyong mga anak sa kanilang mga mithiin. Habang gumagawa kayong kasama ng inyong mga anak at ibinabahagi sa kanila ang inyong mga karanasan, lagi silang tanungin kung ano ang natututuhan at nararanasan nila. Pakigamit na mabuti ang mga kasangkapang ito upang patatagin ang pundasyon ng pananampalataya at patotoo ng inyong mga anak.
Sana sa pagsunod sa mga mungkahing ito, matulungan natin bilang mga magulang sa Simbahan ang ating mga anak na maglatag ng pundasyon ng pananampalataya at patotoo na magiging matatag anumang mga unos ang dumating. Sa proseso, tayo mismo ay lalago sa espirituwal at magkakaroon ng bigkis ng pagmamahal sa ating mga anak na tatagal hanggang sa kawalang-hanggan. Inutusan tayo ng Panginoon na “palakihin ang [ating] mga anak sa liwanag at katotohanan” (D at T 93:40). Nawa’y sundin natin ang utos na ito nang may pananampalataya at determinasyong gampanan ang ating tungkulin sa bagong henerasyon.