Paglilingkod sa Simbahan
Pagbibigay ng Epektibong Mensahe
Ang pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay higit pa sa pag-upo sa simbahan habang nakikinig sa ibang nagsasalita. Inorganisa ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan upang bigyan tayong lahat ng mga pagkakataong umunlad sa espirituwal. Isa sa mga pagkakataong iyon ang pagsasalita sa simbahan, na karanasang maaaring magpasigla at magpasaya sa ating espritu.
Upang maging kapaki-pakinabang ang kanilang mga mensahe, ang mahuhusay na tagapagsalita ay nagpapakita ng sigasig, nagbabahagi ng mga kuwento at sariling karanasan, gumagamit ng mga siping-banggit at banal na kasulatan, at nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Magpakita ng Sigasig
Kapag mas masigasig tayo tungkol sa ebanghelyo, lalong makikita ng iba ang ating kasigasigan at hahangarin nilang gayundin ang madama nila. Sa kabilang banda, kung ang ating mensahe—lalo na sa simula pa lang—ay puno ng paghingi ng paumanhin o negatibong pangungusap, maaaring maging kasiraan natin ito, magpahina sa ating mensahe, at ipagdamdam ng Espiritu. Sa pagiging masigla at sabik na ibahagi ang kanilang mensahe—ang mensahe ng Panginoon—natutulungan ng mga may kumpiyansang tagapagsalita ang ibang tao.
Magbahagi ng mga Kuwento at Sariling Karanasan
Kapag nagbabahagi tayo ng isang mabisang kuwento o sariling karanasan, ang ating mensahe ay magkakaroon ng epekto na magtatagal sa ating mga tagapakinig. Ang mga tao ay mahilig makinig sa mga kuwento. Kaya nga napapaangat ang mga ulo at nakikinig nang mas mabuti ang mga tao kapag ibinabahagi natin ang mga ito.
Lahat tayo ay nagkaroon na ng di malilimutang mga pangyayari. Kailangan lang ng pagkamalikhain at sigasig upang maging kawili-wili ang pagkukuwento. Kung wala tayong maisip na sariling kuwento na aakma, palagi tayong makakapagbahagi ng isang kuwento mula sa mga magasin ng Simbahan.
Kapag nagbabahagi ng sariling mga karanasan, ang mahuhusay na tagapagsalita ay:
-
Nagpapraktis ng pagkukuwento upang hindi na nila kailangang basahin ang mga ito at makatingin sa mga mata ng mga tao sa kongregasyon.
-
Pinaiikli at ginagawang kawili-wili ang kanilang mga kuwento.
-
Binabago ang tono ng kanilang boses at naipaparating ang damdamin.
-
Nagbibigay ng paglalarawan ng mga detalye kapag angkop.
-
Nagpapatawa paminsan-minsan ngunit nauunawaan na hindi kailangang magbiro sa lahat ng mensahe o pananalita.
-
Binibigyang-diin ang kanilang punto sa wakas ng bawat kuwento.
Gumamit ng mga Siping-Banggit at mga Banal na Kasulatan
Ang mga salita ng Panginoon at ng Kanyang mga tagapaglingkod ay nagtuturo, nagbibigay-inspirasyon, gumagabay, at naghihikayat. Kung mabibigyang-buhay natin ang kanilang mga salita sa ating mga mensahe, maiimpluwensyahan natin ang iba sa positibo at makahulugang paraan.
Kapag nagbabanggit ng mga banal na kasulatan at mga siping-banggit, ang mahuhusay na tagapagsalita ay:
-
Nagbibigay ng background at kasaysayan ng mga banal na kasulatan at siping-banggit upang tulungan ang mga tagapakinig na maunawaan ang kahalagahan ng mga ito.
-
Nakapokus lamang sa iilang talata at siping-banggit.
-
Binibigyang-diin ang mahahalagang bahagi.
Magsalita sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Banal na Espiritu
Ang pagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang pinakamahalagang paraan ng ating pakikipagkomunikasyon. Tulad ng nabatid ni Nephi, “Kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1).
Nagiging marapat tayo sa impluwensyang iyan kapag tayo ay nag-ayuno, nagdasal, at masigasig na naghanda para sa ating mga mensahe. Kung wasto ang ating paghahanda, hindi tayo dapat matakot (tingnan sa D at T 38:30).
Kapag ang pagsama ng Espiritu Santo ay hinaluan natin ng sigasig, pagkukuwento, mga banal na kasulatan at siping-banggit, at pagkatapos sa pagdagdag ng ating patotoo sa mga katotohanang ibinabahagi natin, tayo ay makapagpapasigla at makapagbibigay-inspirasyon.