2010
Yaong mga Naiiba
Agosto 2010


Nagsalita Sila sa Atin

Yaong mga Naiiba

Mula sa mensaheng ibinigay sa stake conference broadcast sa Utah County, Utah, noong Setyembre 7, 2008.

Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos na matanto na ang mahalagang sukatan ng ating pag-unlad sa paglapit kay Cristo ay ang paraan ng pakikitungo natin sa iba, lalo na sa mga taong naiiba sa atin.

Elder Marlin K. Jensen

Dalawang taon bago ako ipanganak noong 1942, ipinanganak ng aking ina ang kuya kong si Gary. Si Gary ay isang napakaespesyal na tao. Nang ipanganak siya, napinsala ang kanyang utak dahil sa kakulangan ng oxygen. Umabot lang sa antas ng isang anim o pitong taong gulang na bata ang abot ng isip niya.

Sa loob ng mahigit 60 taon, nakita ko ang pag-aalaga ng aking mga magulang kay Gary. Tinulungan nila siya sa kanyang pagsesepilyo, pagsusuklay, at pagtatali ng kurbata tuwing Linggo. Dahil mahilig siya sa mga kabayo at kowboy, dinala siya ng mga magulang namin sa mga rodeo at ipinanood ng mga pelikulang Western. Nagpakita sila ng pagmamahal at kabaitan sa kanya sa maraming paraan.

Sa kasamaang-palad, hindi laging mababait ang mga tao sa mga taong naiiba. Ipagpaumanhin ninyo kung sabihin ko na may mga bata—kahit mga anak ng mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw na aktibo sa Simbahan—na hindi mabait sa aking kapatid. Hindi nila siya isinasali sa mga laro, binabansagan nila siya ng di magagandang pangalan, at walang awang tinutukso.

Si Gary ay tulad ng isang musmos na laging mabilis magpatawad. Mahal at tanggap niya ang kahit sino. Palagay ko bukod sa mga magulang ko, higit kanino man ay may nagawa ang espesyal kong kapatid sa paghubog ng pananaw ko sa buhay noong kabataan ko. Kung minsan iniisip ko kung ano kaya ang mangyayari matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli, kung kailan ayon kay Alma, “lahat ng bagay ay magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo” (Alma 40:23). Noon natin makikilala ang tunay na Gary, at palagay ko pasasalamatan natin ang lahat ng mabubuting bagay na ginawa natin para sa kanya at labis na ikalulungkot ang mga sandali na sana ay naging mas mapagmahal at maunawain tayo sa kanyang naiibang kalagayan.

Kailangan ang Pagmamahal at Pang-unawa

Maraming katulad ni Gary sa ating mundo. Kahit sa Simbahan ay may mga kapatid na maituturing na “naiiba” at mas nangangailangan ng ating pagmamahal at pang-unawa. Ang pangangailangan nila ng pagmamahal at pang-unawa ay bahagyang nag-uugat sa isang kulturang umiral bunga ng pagsisikap nating mamuhay ayon sa plano ng Diyos para sa atin. Tulad ng lahat ng kultura, ang kulturang nagmumula sa ating pagsisikap na mamuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo ay kinabibilangan ng ilang bagay na inaasahan at mga kaugaliang batay sa moralidad. Halimbawa, ang pag-aasawa at pamilya ay lubos na pinahahalagahan, at ang mga ama at ina ay may banal na tungkuling dapat gampanan. Ang mga bata at kabataan ay hinihikayat na mamuhay ayon sa tiyak na mga pamantayan at tahakin ang wastong landas upang makamtan ang partikular na mga mithiin sa pag-aaral at sa espirituwal.

Ang minimithing mga bunga ng buhay na nakasentro sa ebanghelyo na itinuturing na mga huwaran ay sinasabing sikapin nating kamtin. Bagama’t ang gayong mga huwaran ay nakabatay sa doktrina at kumakatawan sa kanais-nais na layunin sa paghahangad natin ng buhay na walang hanggan, kung minsan ito pa ang pinagmumulan ng kabiguan at pasakit para sa mga taong naiiba ang buhay kumpara sa karaniwan.

Halimbawa, maaaring makadama ng pagkaasiwa at pagkabigo sa mga inaasam ang diborsyadong miyembro ng Simbahan, ang isang wala pang asawa bagamat nasa hustong gulang na, ang isang taong nagsisikap na paglabanan ang depresyon o kawalang-gana o katakawan sa pagkain, o ang mga magulang ng suwail na anak. Ang ibang miyembro ng Simbahan na maaaring makadamang naiiba sila ay ang mga taong kabilang sa minoriya, mga taong naaakit sa kapwa nila lalaki o babae, o mga kabataang lalaki, na sa anumang dahilan, ay piniling hindi maglingkod sa misyon sa tamang edad. Ang mga miyembrong nagsisisi at ang mga paglabag ay nangangailangan ng pormal na pagdisiplina ng Simbahan ay karaniwan ding naaasiwa sa kanilang pakikihalubilo sa Simbahan.

Kahit mabubuting miyembro sila, ang miyembrong hindi huwaran ang pamumuhay at dahil dito ay itinuturing na naiiba ay madalas makadama na mas mababa ang katayuan nila at nababagabag sila. Lumalala ang saloobing ito kapag tayo na kanilang mga kapatid ay hindi mapagmalasakit at maingat sa pakikitungo sa kanila na siyang nararapat nating gawin. Isaalang-alang, halimbawa, ang di sinasadyang magiging epekto sa isang mag-asawang walang anak kapag tinanong sila ng isang miyembro ng ward kung kailan sila mag-aanak, na hindi iniisip ng miyembro na matagal na nilang gustong magkaanak ngunit hindi pa nga lang nangyayari ito.

Habang sinisikap nating lutasin ang ganitong mga hamon, mahalagang matukoy natin na hindi solusyon ang alisin o kaya’y pababain ang antas ng pamantayan. Noon pa man tungkulin na ng mga propeta at apostol na turuan at hikayatin tayo na sikaping sundin ang huwaran. Ito ang ginawa ng Tagapagligtas. Ang Kanyang utos ay “Kayo nga’y mangagpakasakdal” (Mateo 5:48), hindi lang “Magpakasaya kayo.”

Lahat Tayo ay Kakaiba

May isang ideyang nakatulong sa akin ilang taon na ang nakalipas nang binabasa ko ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa lalaking may alagang tupa na naligaw. Itinanong ng Tagapagligtas, “Hindi baga iiwan niya ang siyam na pu’t siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw?” (Mateo 18:12).

Bilang lider ng priesthood, noon pa man ay iniisip kong ako ay isang pastol—na naghahanap ng nawawalang tupa. Ngunit sa aking pagninilay, naisip ko na kahit paano, tayong lahat ang tupang iyon na naligaw. Lahat tayo’y may mga pagkukulang, at kahit paano ang ating buhay ay kaiba sa ideyal o huwaran. Lahat tayo ay naiiba! Nakapagpapakumbaba ngunit nakakatulong ang kaalamang ito.

Makabubuti ring alalahanin na sa pagtuturo ng ideyal o huwaran, batid ng Tagapagligtas na hindi palaging madaling maabot ito. Sa pagbanggit sa mga espirituwal na kaloob—ang mga kagila-gilalas na kaloob na Espiritu Santo—sinabi ng Tagapagligtas, “Ang mga ito ay ibinigay para sa kapakinabangan ng mga yaong nagmamahal sa akin at sumusunod sa lahat ng aking kautusan.” Ang pagsunod sa lahat ng kautusan upang matamasa ang mga espirituwal na kaloob ay tila napakataas na pamantayang imposibleng maabot, ngunit salamat at idinagdag ng Tagapagligtas na ang mga espirituwal na kaloob ay ibinibigay rin para sa kapakinabangan “[niya] na naghahangad na gumawa nito” (D at T 46:9; idinagdag ang diin). Ang paghahangad na sundin ang lahat ng utos—kahit bigo tayo kung minsan na maabot ang ideyal o huwaran—ay isang bagay na kaya nating gawin at katanggap-tanggap sa ating Ama sa Langit.

Yamang nakipagtipan tayong lahat sa binyag na “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9), ang pagiging mahabagin at sensitibo sa mga taong espesyal ang kalagayan—mga taong naiiba—ay mahalagang aspeto ng pagsisikap nating maging mga disipulo ni Cristo. Tungkol kay Jesus, isinulat ni Nephi, “Hindi siya gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan” (2 Nephi 26:24). Hindi maiisip na gagawa o magsasalita ang Tagapagligtas ng anumang bagay na makapagpapalala sa sakit o makakapinsala sa sinuman sa mga anak ng Diyos. Sa katunayan, itinuro ni Alma na bilang bahagi ng Pagbabayad-sala, kusang-loob na dinanas ni Cristo ang lahat ng sakit, karamdaman, at kahinaan “upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao” (Alma 7:12).

Magkakaroon tayo ng malaking kaaliwan sa kakayahan ni Cristo na makaugnay sa ating mga nararanasan—isang katangiang tinatawag na empatiya o pagdamay. Ang tala tungkol sa ministeryo ni Cristo ay puno ng pagpapakita ng Kanyang empatiya o pagdamay at kabaitan sa mga taong naiiba.

Nang tipunin ang kasalukuyang Aklat ng mga Awit Pambata noong 1989, kinailangan ang isang awiting mangungusap sa mga bata—at sa ating lahat—tungkol sa mga taong nangangailangan ng ating pagmamahal at pang-unawa dahil sila ay naiiba. Ang simpleng awiting iyan na, “Palaging Sasamahan Ka,” ay isang magandang buod ng paraan ng pagpapakita ng ating pagmamahal at pang-unawa:

Kung ang lakad mo ay kaiba,

Sa ‘yo’y umiiwas sila,

Ngunit ‘di ako!

Kung kakaiba’ng pagbigkas mo,

Mayro’ng natatawa sa ‘yo,

Ngunit ‘di ako!

Palaging sasamahan ka.

Ipapakitang mahal ka.

‘Di namili si Jesus.

Lahat minahal nang lubos.

Gayon din ako!

Tinulungan n’yang lahat

at nagwikang, “Sundan ako.”

At ‘ya’y gagawin!

’Ya’y gagawin!

Palaging sasamahan ka.

Ipakikitang mahal ka.1

Nawa pagpalain tayo ng Diyos na matanto na ang mahalagang sukatan ng ating pag-unlad sa paglapit kay Cristo ay ang paraan ng pakikitungo natin sa iba, lalo na sa mga taong naiiba sa atin. At nawa alalahanin nating tayong lahat ay naiiba sa ilang paraan.

Tala

  1. “Palaging Sasamahan Ka,” Aklat ng mga Awit Pambata, 78--79.

Minsang Naligaw, ni Del Parson, hindi maaaring kopyahin

Paglalarawan ni Robert Casey