2010
Nagkakaisa ang Ating mga Puso
Agosto 2010


Nagkakaisa ang Ating mga Puso

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2008.

Ang mga propeta ng Panginoon ay laging nananawagan ng pagkakaisa.

President Henry B. Eyring

Inanyayahan akong lumuhod para manalangin bago matulog kasama ang isang pamilya nang dalawin ko sila sa bahay. Ang bunsong anak ang hinilingang magdasal. Ipinagdasal niya ang bawat miyembro ng pamilya, na binabanggit ang pangalan. Nagmulat ako para tingnan ang mukha ng iba pang mga bata at mga magulang. Nakita kong nagkaisa ang kanilang pananampalataya at puso sa panalangin ng batang iyon.

Ang himala ng pagkakaisa ay napapasaatin sa pagdarasal at sa pagsisikap nating gawin ito. Ang ating mga puso ay nabubuklod sa pagkakaisa.

Sa Mosias ay mababasa natin: “At sila ay inutusan niya na hindi nararapat na magkaroon ng pakikipag-alitan sa isa’t isa, sa halip sila ay tumingin sa iisang layunin, na may iisang pananampalataya at iisang binyag, na ang kanilang mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).

Mas marami ang pagkakatulad kaysa pagkakaiba ng mga anak ng Diyos. Magsalita nang mabuti tungkol sa isa’t isa. Maaaring naaalala ninyong sinabi ng inyong ina—sinabi ito ng aking ina—“Kung wala kang masabing mabuti tungkol sa isang tao, tumahimik ka na lang.” Nangangako ako na madarama ninyo ang kapayapaan at galak kapag maingat kayong magsalita tungkol sa iba.

Iniiwan ko sa inyo ang taimtim kong patotoo na buhay ang Diyos Ama. Dinirinig at sinasagot Niya ang ating mga dalangin. Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay buhay at buong awang tinutulungan tayo. Ito ang Kanyang totoong Simbahan. Si Pangulong Thomas S. Monson ang buhay na propeta ng Diyos. Kung nagkakaisa tayo sa pagsang-ayon sa kanya nang buong puso, na handang sumunod sa ipinagagawa ng Diyos, sama-sama tayong tutungo nang buong lakas saanman tayo papuntahin ng Diyos at magiging ang taong nais Niyang kahinatnan natin.

Paglalarawan ni Matthew Reier; paglalarawan ni Avalone