2010
Isang Yakap para kay Jennifer
Agosto 2010


Isang Yakap para kay Jennifer

“Laksan mo ang iyong loob” (Mateo 9:22).

Isinara ni Jennifer ang pinto sa kanyang silid at nahiga sa kama. Pinahid niya ang mainit na luha sa kanyang mga pisngi at sinikap pigilan ang kanyang paghikbi.

Katatapos lang niyang makipagtalo sa kanyang ate at kuya. Sina Inay at Itay ay nagpunta sa groseri, at parang hindi na sila uuwi.

Nakadama ng takot si Jennifer. Kahit na pinipigilan niya ang panginginig ng kanyang labi, dama pa rin niya ang labis na lungkot. “Kung narito sina Inay at Itay, magiging mas maayos ang lahat,” ang naisip niya.

Pagkatapos ay naalala ni Jennifer ang isang bagay na natutuhan niya sa Primary tungkol sa panalangin. “Makapagdarasal kayo kahit anong oras,” sabi ng kanyang titser sa Primary. “Maaari kayong magdasal kapag masaya kayo at malungkot.”

Lumuhod si Jennifer sa tabi ng kanyang kama. Nagtalukbong siya ng kumot para hindi siya maistorbo kung may magbukas ng pinto. Muli niyang pinahid ang kanyang luha, humalukipkip, at nagsimulang magdasal.

“Ama sa Langit,” sabi niya, “patawarin po ninyo ako sa pakikipag-away sa mga kapatid ko ngayon. At tulungan po ninyong bumuti ang pakiramdam ko. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Ngayon hindi na naiiyak si Jennifer. Dahan-dahan, ang hinanakit na nadama niya ay napalitan ng mainit, payapang damdamin. Maganda na ang kanyang pakiramdam at dama niya ang pagmamahal na para bang may yumayakap sa kanya.

Nang dumating kalaunan ang kanyang mga magulang, nakahingi na ng tawad si Jennifer at nakikipaglaro na muli sa kanyang mga kapatid. Pagpasok ni Inay sa pinto, sinalubong siya ng yakap ni Jennifer. Ang yakap ni Inay ay masarap sa pakiramdam, pero natutuhan ni Jennifer na kahit wala sa bahay si Inay, madarama niya ang nakaaaliw na pagmamahal ng Ama sa Langit.

Paglalarawan ni James Johnson