2010
Mga Pagpapala ng Templo
Agosto 2010


Mensahe ng Unang Panguluhan

Mga Pagpapala ng Templo

President Dieter F. Uchtdorf

Naaalala ko pa nang dalhin ng mga magulang ko ang aming pamilya sa bagong tayong Swiss Temple, ang kauna-unahan sa Europa, para maging walang hanggang pamilya. Ako’y 16 anyos lang noon at bunso sa apat na magkakapatid. Sama-sama kaming lumuhod sa altar para mabuklod dito sa lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, kalakip ang napakagandang pangako na maaari kaming mabuklod sa kawalang-hanggan. Hindi ko kailanman malilimutan ang napakagandang sandaling ito.

Noong bata pa ako hangang-hanga ako na nangibang-bayan kami para mabuklod bilang pamilya. Para sa akin sinasagisag nito ang walang hangganang gawain sa templo upang magdulot ng walang hanggang pagpapala sa lahat ng tao sa mundo. Ang mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay sadyang itinayo para sa kapakinabangan ng buong mundo, anuman ang kanilang nasyonalidad, kultura, o sistema sa pulitika.

Ang mga templo ay matibay na saksi na mananaig ang kabutihan. Si Pangulong George Q. Cannon (1827–1901), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan ay minsang nagsabi, “Bawat pundasyong bato na inilalagay sa Templo, at bawat naitayong Templo … ay nagpapahina sa kapangyarihan ni Satanas sa mundo, at nagpapalakas sa kapangyarihan ng Diyos at sa Kabanalan.”1

Bagamat nakadaragdag ang bawat templo sa impluwensya ng kabutihan sa mundo, ang pinakamalalaking pagpapala, mangyari pa, ay dumarating sa mga taong talagang nagpupunta sa templo. Doon ay nakatatanggap tayo ng dagdag na liwanag at kaalaman at gumagawa ng mga sagradong tipan na, kung tutuparin, ay tutulong sa pagtahak natin sa landas ng pagiging disipulo. Sa madaling salita, itinuturo sa atin ng templo ang sagradong layunin ng buhay at tinutulungan tayong mahanap ang ating totoong pisikal at espirituwal na patutunguhan.

Gayunpaman, hindi tayo pumupunta sa templo para lamang sa ating sarili. Sa tuwing papasok tayo sa mga sagradong gusaling ito, may ginagampanan tayong tungkulin sa banal, mapantubos na gawain ng kaligtasan na matatamo ng lahat ng anak ng Diyos bilang bunga ng Pagbabayad-sala ng Bugtong na Anak ng Ama. Ito ay taos-puso at banal na paglilingkod at nagtutulot sa ating mga mortal na makibahagi sa maluwalhating gawain ng pagiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.

Sa mga hindi makapunta ngayon sa templo sa anumang kadahilanan, hinihikayat ko kayo na gawin ang lahat ng inyong makakaya na magkaroon ng current temple recommend. Ang temple recommend ay simbolo ng ating katapatan at determinasyong paglingkuran ang Panginoon. Ito ay simbolo ng ating pagmamahal sa Panginoon, dahil tulad nang itinuro ni Jesus, “Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya’y iibigin ko, at ako’y magpapakahayag sa kaniya” (Juan 14:21).

Habang patuloy na pinagaganda ng mga sagradong gusaling ito na inilaan sa Panginoon ang mga lupain ng daigdig, dalangin ko na gawin natin ang ating bahagi na lalo pang ilapit ang langit sa mundo sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat na magkaroon ng temple recommend at sa paggamit nito. Sa paggawa nito, tiyak na mag-iibayo ang kabutihan hindi lamang sa ating buhay at tahanan kundi pati sa ating mga komunidad at sa lahat ng panig ng mundo.

Tala

  1. George Q. Cannon, sa “The Logan Temple,” Millennial Star, Nob. 12, 1877, 743.

Kaliwa: MGA RETRATO NG Bern Switzerland Tample NA KUHA NI Chris Mills, Hong Kong China Temple ni Craig Dimond, Copenhagen Denmark Temple ni Craig Dimond, at Accra Ghana Temple ni Matthew Reier; kanan: paglalarawan ni J. Scott Knudsen, pinagsamang mga retrato na kuha nina Craig Dimond at Charles W. Carter