2010
Isang Tanawin Mula sa Mas Mataas na Lugar
Agosto 2010


Mga Kabataan

Isang Tanawin Mula sa Mas Mataas na Lugar

Noong kabataan ko nagkaroon ako ng maraming pagkakataon na magpabinyag para sa mga patay sa San Diego California Temple. Bagamat palaging maganda ang karanasan ko noon, isang pagbibiyahe ang lagi kong naaalala.

Ako’y 16 anyos noon, at katutuntong pa lang ng 12 anyos ng nakababata kong kapatid na babae at unang biyahe niya iyon para magpabinyag para sa mga patay. Dahil iyon ang kanyang unang pagbiyahe, nagpasiya kaming maglakad-lakad sa labas ng templo pagkatapos ng binyag.

Sa isang panig ng bakuran ng templo ay may ilang lugar kung saan tanaw mo ang nasa ibaba, kaya doon kami nagpunta. Dahil ang San Diego Temple ay katabi ng isang highway na daanan ng mga sasakyan, kapag tumayo ka sa mataas nitong lugar, makikita mo sa ibaba ang freeway.

Ang pagtayo sa mas mataas na panig ng templo nang araw na iyon ay nagbigay sa akin ng bagong pananaw sa buhay. Nakatanaw ako sa mundo na puno ng humahagibis na mga sasakyan, mga shopping center na puno ng mga tao, at mga karatula o babala sa daan na natatakpan ng graffiti.

May pumasok sa isipan ko sa sandaling iyon: “Hindi mo gustong maging bahagi niyan; hindi ganyan ang buhay.” Noon pa man ay itinuturo na sa akin na ang layunin ng buhay ay makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit at maging katulad Niya. Alam kong hindi ko kailangan ang mga bagay ng mundo upang maisakatuparan ang layuning iyan.

Pumihit ako at tumingin sa magandang templo, at nagpasalamat ako sa kaalaman tungkol sa ebanghelyo at sa pananaw na bigay nito sa akin. Alam ko na sa gitna ng magulo at mapanganib na mundo, natagpuan ko ang mas mataas na lugar na tatayuan ko.

Nang araw na iyon sa templo nangako ako sa aking Ama sa Langit na palagi akong papanig sa Kanya at hindi sa mundo. Kahit ano pa ang ibato sa atin ng mundo, mapaglalabanan natin ito sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tipang ginawa natin at sa pagtayo sa mga banal na lugar (tingnan sa D at T 87:8).