Ebanghelyo sa Aking Buhay
Kabilang sa Pamilya
Akala ko hindi ko kailanman madaramang tanggap ako ng mga miyembro ng ward ko—pero natuklasan kong mali pala ako.
Sa pakikihalubilo ko sa iba pang mga young single adult, napansin ko na kung minsan masyadong madaling magtuon ng pansin sa aming katayuan sa buhay o marital status kaya’t hindi namin napapansin ang mga nakapaligid sa amin. Halimbawa, sa unang pagdalo ko sa isang family ward sa halip na sa young adult ward, naniwala akong kailangan ko ng dagdag na atensyon, awa, at pangangalaga dahil wala akong asawa. Wala pa akong nakitang pagkakataon na nakabuti sa akin ang ganoong saloobin.
Sa unang taon ko sa aking ward, nagulat ako na marami sa mga ideya ko ang haka-haka lang pala. Nalaman ko na puwedeng maging magkaibigan ang mga may-asawa at walang asawa at may magagawa akong kaibhan sa buhay ng mga tao. May ilang ina na tuwang-tuwa na may kaibigang bumibisita sa kanila kapag ang asawa nila ay nasa trabaho o gumaganap ng tungkulin sa Simbahan. Karaniwang ipinagpapasalamat ng mga magulang ang pagbibigay ng atensyon ng mga nakatatanda sa kanilang mga anak, at karamihan sa mga magulang ay handang “pasamahin” ang kanilang mga anak sa sine o sa iba pang aktibidad.
Nalaman ko rin na hindi lang ako ang walang asawa. Ang iba pang mga miyembro ng ward ay nag-iisa na sa buhay, diborsyada, o balo at mag-isa ring nakikibaka sa mga pagsubok ng buhay. At sa kabila ng paniniwala ko na mas masaya ang mga may asawa, may mga nakilala ako na may problema sa depresyon, nawalan ng trabaho, o may kapansanan o kaya’y suwail ang mga anak. Ang mga taong may ganoong problema ay laging nagpapasalamat sa taong handang makinig.
Pero ang ganitong pagkaunawa at pagkakaibigan ay hindi kaagad nangyari. Nangailangan ito ng panahon at pagsisikap sa palagian kong pagdalo sa mga pulong sa Simbahan, pagganap sa aking mga tungkulin, at paghahanap ng mga pagkakataon upang makatulong. Nang atasan ako ng aking bishop na turuan ang mga batang anim-na-taong gulang, parang hindi ko kaya. Gayunman, makaraan ang isang buwan, pinasalamatan ako ng ilang mga magulang dahil gustung-gusto ng kanilang mga anak na dumalo sa klase. Hanggang sa ngayon ang pinakamatatalik kong kaibigan sa ward ay ang mga kapamilya ng mga batang iyon.
Sinisikap ko na laging handang tumulong sa iba pang miyembro ng aking ward, pero may mga pagkakataong ako ang nangailangan ng serbisyo. Minsan nang kailangan kong pinturahan ang isang kuwarto sa bahay ko bago ako lumipat, nasabay ang paghahanda ko para sa huling pagsusulit at kailangan ko ring umalis para dumalo sa kasal. Nang banggitin ko ito sa isang sister sa aking ward, sinabi niyang kakausap siya ng ilang kababaihan na magpipintura sa kuwarto. Dahil sa serbisyo nila malaking oras at pera ang natipid ko.
Tila hindi nakikita ng mga miyembro ng ward ko ang katayuan ko bilang babaing walang asawa dahil hindi rin ganoon ang tingin ko sa sarili ko. Kapag nangag-uusap kami hindi ko binabanggit na wala akong asawa; sa halip, nagkukuwento ako tungkol sa trabaho ko, pag-aaral, kinahihiligan, at pamilya ko. Sa pagtutuon ko sa mga paksang ito, kadalasan nakikita ng mga tao na marami pa palang puwedeng pag-usapan tungkol sa akin at hindi lang ang bagay na wala sa akin.
Isang matalinong kaibigan ang minsang nagsabi sa akin na ang pagkakaibigan ay pandalawahan; hindi ka makapagbibigay nang hindi ka rin naman nakatatanggap. Natanto ko na ang lahat ng aking pakikipagkaibigan ay hindi kailanman magbibigay sa akin ng karanasang tulad ng maibibigay ng asawa at mga anak, pero alam ko rin na mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak. Anuman ang ating kalagayan sa buhay, posibleng madama ang pagmamahal at pagtanggap.