Ang Plano ng Kaligtasan
Sa kuwentong “Isang 10-Taong-Gulang na Titser,” itinuro ni Chance ang tungkol sa plano ng kaligtasan. Tingnan ang mga larawan sa pahinang ito, at pagkatapos ay gumawa ng sarili mong drowing sa ibang papel. Gupitin ang iyong mga drowing, hanapin ang mga banal na kasulatan, at pagkatapos ay sabihin sa isang kapamilya o kaibigan ang tungkol sa plano ng kaligtasan. O itanong sa iyong mga magulang kung maaari mo itong talakayin sa family home evening.
Ano ang Plano ng Kaligtasan?
Bago tayo isinilang, namuhay tayo sa piling ng Ama sa Langit bilang Kanyang mga espiritung anak. Tinanggap natin ang Kanyang plano na isisilang tayo sa lupa, magkakaroon ng katawan, at susubukan. Ipadadala ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, upang daigin ang kamatayan at tubusin ang ating mga kasalanan. Sa matapat na pagsunod sa plano ng Ama sa Langit, makababalik tayo sa Kanya. (Tingnan sa Abraham 3:23–28.)
Saan ako nanggaling?
Nabuhay tayo sa piling ng ating mga magulang sa langit sa ating buhay bago ang buhay sa mundo. Nakakalungkot na isangkatlo ng mga espiritung anak ng Ama sa Langit ang hindi tumanggap sa Kanyang plano. Pinili nilang sumunod kay Satanas, na kilala noon bilang si Lucifer. Ayaw ni Lucifer na makagawa tayo ng sarili nating mga pagpili. Pinagtalunan sa langit ang magkaibang mga ideya, at itinaboy si Lucifer at ang kanyang mga tagasunod. Narito kayo sa lupa ngayon dahil pinili ninyo ang plano ng Ama sa Langit. (Tingnan sa Apocalipsis 12:7–9.)
Bakit ako narito?
Sa pagpunta natin sa lupa, nagkaroon tayo ng katawan, namuhay na kasama ang mga pamilya, at dumaranas ng kagalakan sa pagsunod sa plano ng Ama sa Langit para sa atin. Habang narito tayo, kailangan nating matanggap ang mga ordenansa na tutulong sa atin na makabalik sa Ama sa Langit: binyag, kumpirmasyon, mga ordenasyon sa priesthood para sa mga kabataang lalaki, at mga ordenansa sa templo, kabilang na ang walang hanggang kasal. Tumutulong ang Espiritu Santo sa paggabay sa atin na gawin ang tama habang malayo tayo sa ating tahanan sa langit. (Tingnan sa 2 Nephi 32:5.)
Saan ako pupunta kapag namatay ako?
Kapag namatay ang iyong katawan, ang espiritu mo ay patuloy na mabubuhay, at pupunta ito sa daigdig ng mga espiritu. Ang daigdig ng mga espiritu ay isang magandang lugar kung saan makakapiling mong muli ang mga miyembro ng iyong pamilya na pumanaw na. Inilarawan ng propetang si Alma ang daigdig ng mga espiritu bilang “kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan” para sa mabubuti (Alma 40:12).
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli. Ang pagkabuhay na mag-uli ay ang muling pagsasama ng iyong katawan at espiritu. Pagkatapos ng panahon ng kapayapaan na tinatawag na Milenyo, hahatulan ng Panginoon ang lahat ng tao, at karamihan sa mga tao ay papasok sa isa sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian: ang telestiyal, terestriyal, o selestiyal na kaharian. Ang masasamang tao na kumalaban kay Jesucristo at ikinaila ang Espiritu Santo ay papupuntahin sa isang lugar na tinatawag na malayong kadiliman. (Tingnan sa 2 Nephi 9:15; Alma 40:11–12.).