2010
Daddy, Binyagan Po Ninyo Ako!
Agosto 2010


Daddy, Binyagan Po Ninyo Ako!

José Armando González Mondragón, Mexico

Pagpasok ko sa pinto isang gabi, si Jessie, ang anim-na-taong-gulang na anak kong babae ay nakaupo sa isang bangkito sa aming kusina. Nag-alala ako sa hitsura niya. Tinanong ko siya kung ano ang nangyari.

“Daddy, totoo po bang anak ako ng demonyo?” ang tanong niya nang may labis na pag-aalala.

Parang binuhusan ako ng isang timba ng malamig na tubig sa tanong niya. Sinabi ni Jessie na nabinyagan na ang tatlong-buwang-gulang na kapatid ng kanyang kaibigan. Nagulat si Jessie at itinanong sa kanyang kaibigan kung bakit bininyagan na ang maliit niyang kapatid sa napakabatang edad. Sumagot ang kaibigan niya na lahat ng sanggol ay dapat binyagan.

“Hindi ka pa nabibinyagan?” tanong ng kanyang kaibigan. Nang sabihin ni Jessie na hindi, iginiit ng kanyang kaibigan na anak siya ng demonyo.

“Daddy, binyagan po ninyo ako!” ang pakiusap ni Jessie. “Hindi ko po gustong maging anak ng demonyo!”

Naisip ko na kailangang malutas kaagad ang problemang ito. Ipinaliwanag ko ang kahalagahan ng binyag at kung paanong hindi kailangang binyagan ang mga bata hangga’t wala pa silang walong-taong gulang (tingnan sa Moroni 8:11–23). Dahil anim na taong gulang pa lang siya, sinabihan ko si Jessie na kailangan niyang maghintay pa nang kaunti bago siya mabinyagan. Tiniyak ko sa kanya na anak siya ng Diyos at na siya ay mahal Niya. Dahil sa kanyang tanong binuklat namin ang Moroni 10:4–5, kung saan sinasabi sa atin ni Moroni kung paano natin malalaman ang “katotohanan ng lahat ng bagay.”

Matapos basahin ang mga talatang ito, tinanong ko siya kung gusto niyang magdasal sa Ama sa Langit at itanong sa Kanya kung ang mga bagay na pinag-usapan namin ay totoo. Sinabi niyang opo.

Magkasama kaming lumuhod, at iniyuko ni Jessie ang kanyang ulo at nagdasal, “Ama sa Langit, gusto ko pong malaman kung ang mga bagay na sinabi ng daddy ko ay totoo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Natanto ko na naakay ko ang aking anak na bigkasin ang isa sa pinakamahalagang panalangin sa kanyang buhay. Nagsimulang magsumamo ang aking puso nang higit kailanman, na hinihiling sa Ama sa Langit na sagutin ang kanyang dasal.

Makaraan ang ilang minuto, sinabi niya, “Wala po akong narinig na kahit ano.” Niyakap ko siya at sinabing, “Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang Mang-aaliw, na sumasagot sa atin nang …” inilagay ko ang aking kamay sa aking puso. Pinigilan niya ako at sinabing, “Nang mainit na pakiramdam sa aking dibdib! Nararamdaman ko po, Daddy!”

Niyakap ko siya nang mahigpit at nagpasalamat sa Ama sa Langit sa pagsagot sa kanyang panalangin. Nadama ko rin ang pag-aalab sa aking dibdib. Sinabi ko kay Jessie na ang nadama niya ay sagot sa kanyang panalangin at na alam na niya ngayon na siya ay anak ng Diyos at na dapat siyang binyagan kapag walong taong gulang na siya. Sinabi niya sa akin na maghihintay siya.

Maraming taon na ang nakalipas mula noong karanasang iyon, ngunit nagpapaalala pa rin ito sa akin na tinutupad ng Ama sa Langit ang Kanyang mga pangako.

Nagsimulang magsumamo ang aking puso nang higit kailanman, na hinihiling sa Ama sa Langit na sagutin ang panalangin ng aking anak.