Ipinagmamalaki Kita
Richard Domeng Asante, Ghana
Bilang mga misyonero sa Ghana, kami ang naglalaba ng mga damit namin gamit ang aming mga kamay kapag preparation day. Ang aking kompanyon, si Elder Moss, na kagagaling lang sa Estados Unidos, ay hindi pa nakaranas ng ganitong klase ng paglalaba. Pero dahil lumaki ako sa Ghana, sanay ako rito.
Tuwing Lunes sisimulan na ni Elder Moss ang pag-iskoba ng mga damit niya, pero kapag nangangalahati na siya sa paglalaba, magdurugo na ang mga kamay at buko ng daliri niya. Ako naman ang tatapos sa labahin niya, bukod pa sa labahin ko.
Isang araw ng Lunes sa oras ng paglalaba, mukhang balisa si Elder Moss. Nasugatan ang kamay ko bago ang araw na iyon, at alam niyang hindi ko siya matutulungan sa paglalaba. Ni hindi ko kayang labhan ang sarili kong mga damit. Sinimulan niyang labhan ang mga damit niya, pero tulad ng dati, kailangan niya ng tulong kapag nangangalahati na.
Dahil hindi ko matulungan ang kompanyon ko sa paglalaba, hinikayat ko siyang magtiis—ipahinga muna ang mga kamay niya at subukan muling maglaba. Huminto siya sandali at pagkatapos ay nagpatuloy. Sinabi ko sa kanya na matatapos niya iyon. Sugat-sugat pa rin ang mga kamay at mga buko ng daliri niya, pero nagpatuloy siya. Nang matapos ang paglalaba, sinabi niya, “Ipinagmamalaki ko ang sarili ko. Elder Asante, ipinagmamalaki mo ba ako?”
“Oo naman, ipinagmamalaki kita,” sagot ko.
Habang iniisip ko ang pangyayaring ito, natanto ko na alam ng Ama sa Langit ang ating potensyal, pero sinusubok Niya tayo para maging masigasig, matiyaga, at matapat tayo. Nalulugod Siya sa atin kapag pinipili natin ang tama at pinatutunayang kaya natin ang ating mga paghihirap.
Kapag masigasig tayo at tinitiis ang mga pagsubok na nakakaharap natin, masasabi nating, “Ama sa Langit, ipinagmamalaki po ba Ninyo ako?” Alam kong nalulugod ang Ama sa Langit at si Jesucristo kapag nagtitiis tayo at sasabihin Nila ito sa atin balang-araw kapag tatanggapin na Nila tayo sa Kanilang piling.