2010
Sa Pamamagitan ng Maliliit at mga Karaniwang Paraan
Agosto 2010


Sa Pamamagitan ng Maliliit at mga Karaniwang Paraan

Elaine S. Dalton

Kapag naiisip ko ang mga karanasan ko noong kabataan ko, naiisip ko ang pagkatipon ng maraming maliliit at karaniwang bagay na nagpalakas sa aking patotoo (tingnan sa Alma 37:6–7). Ang ward na kinabibilangan ko noong kabataan ko ay parang isang malaking pamilya. Kapag may hapunan sa ward, dumarating ang lahat. Kapag may bazaar ang Relief Society o may parada ang Primary, lahat ay dumadalo. Ang aming ward ang buhay namin sa labas ng tahanan.

Sa pag-alaala sa unang road show ng aking ward, tandang-tanda ko pa ang mga praktis sa umaga, mga panalangin, pakikipag-usap sa iba habang hinihintay ang oras namin na mapraktis ang aming bahagi, at ang pagkakaibigan na nadama namin habang ipinipinta namin ang tagpo, nagpapraktis, at natututo nang magkakasama. Ito ang mga panahon na nakita ko ang epekto ng ebanghelyo sa tunay na buhay ng mga tao. Nakita ko kung paano nilutas ng mga adviser ko ang mga problema, kung paano tumugon ang mga lider sa kagipitan, kung paano pinakitunguhan ng mga mag-asawa ang isa’t isa, at tahimik akong nagpasiya na ipamumuhay ko ang mga alituntuning itinuturo sa akin tuwing Linggo. Nadama ko ang Espiritu habang nagdarasal kami at humihingi ng mga himala, tulad ng sana matandaan namin ang aming mga sasabihin o kaya’y gumanda ang kalusugan ng isa sa mga kabataan.

Hindi ko na naaalala ang mga linya ko sa road show na iyon, ni natatandaan ang iba pang mga detalye. Ngunit naaalala ko pa ang nadama ko nang magtanghal kami at nang tingnan ko ang mga mukha ng mga miyembro ng aking ward at nakita ang kanilang pagsang-ayon at nadama ang kanilang pagmamahal.