“Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan
Sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Huwag magpadala sa kasinungalingan ni Satanas na wala kayong oras na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. … Ang pagpapakabusog sa salita ng Diyos bawat araw ay mas mahalaga kaysa pagtulog, pag-aaral, pagtatrabaho, mga palabas sa telebisyon, video games, o social media” (“Unahin Ninyong Manampalataya,” Liahona, Nob. 2014, 93). Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, pag-isipan kung bakit nais ni Elder Scott na bigyan mo ng mataas na prayoridad ang pag-aaral ng banal na kasulatan. Alamin kung ano ang kasalukuyang papel na ginagampanan ng mga banal na kasulatan sa iyong buhay.
Bahagi 1
Ano ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan sa aking buhay?
Matapos maglakbay si Lehi at ang kanyang pamilya nang ilang araw sa ilang, iniutos ng Panginoon kay Lehi na pabalikin ang kanyang mga anak sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban. Ang mga laminang tanso ay isang aklat ng mga sinaunang banal na kasulatan, na maihahalintulad sa ating Lumang Tipan, na naglalaman ng talaan ng mga Judio at ng maraming bagay na isinulat ng mga propeta (tingnan sa 1 Nephi 5:11–16; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Laminang Tanso, Mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Alam ng Panginoon na ang mga banal na kasulatang ito ay magiging mahalaga sa pamilya ni Lehi at sa kanilang mga inapo. Iniutos pa nga ng Panginoon kay Nephi na patayin si Laban upang makuha ang talaan, nagwiwikang, “Higit na mabuting masawi ang isang tao kaysa ang isang bansa ay tuluyang manghina at masawi sa kawalang-paniniwala” (1 Nephi 4:13).
Nang matanggap ni Lehi ang mga laminang tanso at simulan niyang “[saliksikin] ang mga yaon” (1 Nephi 5:10), “siya ay napuspos ng Espiritu, at nagsimulang magpropesiya” (talata 17).
Habang nagsasalita tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan sa sarili niyang buhay, itinuro ni President Julie B. Beck, na naglingkod bilang Relief Society General President:
Ang higit na [kagalakan] ay nagmula sa nakagawiang araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan na sinimulan ko maraming taon na ang nakalipas. Kung minsan [ay nag-uukol] ako ng [maraming] oras sa pagninilay-nilay ng mga banal na kasulatan. Kung [minsan] naman ay ilang talata lang ang pinag-iisipan ko. Tulad ng pagbibigay-buhay ng pagkain at paghinga sa aking katawan, ang mga banal na kasulatan ang nagpapakain at nagbibigay-buhay sa aking espiritu. Masasabi ko na ang sinabi ni Nephi, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon. … Masdan, ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga bagay ng Panginoon; at ang aking puso ay patuloy na nagbubulay sa mga bagay na aking nakita at narinig” (2 Nephi 4:15–16). (“Ang Aking Kaluluwa ay Nalulugod sa mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2004, 109)
Bahagi 2
Paano makatutulong sa akin ang mga banal na kasulatan na mas makilala si Jesucristo?
Sa panahon ng kanyang ministeryo, gumawa si Nephi ng dalawang talaan—ang malalaking lamina at ang maliliit na lamina ni Nephi. Ang malalaking lamina ni Nephi ay naglalaman, una sa lahat, ng sekular na kasaysayan ng mga tao ni Nephi. Ang maliliit na lamina ni Nephi ay ginawa para sa “natatanging layunin” na ingatan ang talaan tungkol sa ministeryo ng mga tao ni Nephi (1 Nephi 9:3). Sinabi ni Nephi na ang “kaganapan ng [kanyang] hangarin” para sa talaang ito ay hikayatin ang lahat ng tao na lumapit kay Cristo at maligtas (1 Nephi 6:4).
Nang ibigay ni Nephi ang responsibilidad para sa maliliit na lamina sa kanyang kapatid na si Jacob, ibinilin niya kay Jacob na isulat lamang kung ano ang “pinakamahalaga” (Jacob 1:1–2).
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na idinagdag nina Nephi, Jacob, at ng iba pang mga propeta sa Aklat ni Mormon ang kanilang patotoo sa mga propeta ng iba pang mga banal na kasulatan. Ipinaliwanag niya:
Sa tila walang-katapusang pagkakasunud-sunod ng mga pagpapahayag ng mga propeta—mga patotoo ng “lahat ng banal na propeta” [Jacob 4:4] para sa “libu-libong taon bago ang kanyang pagparito” [Helaman 8:18]—taimtim na ipinahahayag ng Aklat ni Mormon na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. (“A Testimony of the Book of Mormon,” Ensign, Nob. 1999, 69)
Bahagi 3
Paano ako magagabayan ng mga banal na kasulatan sa paglutas ng mga problema at paggawa ng mga desisyon?
Matapos magawa ni Lehi ang lahat ng iniutos sa kanya, naglaan ang Panginoon ng isang kasangkapan na tinatawag na Liahona (tingnan sa Alma 37:38). Ang Liahona ay nagamit nila tulad ng isang kompas at nagsilbing gabay habang naglalakbay ang pamilya ni Lehi sa ilang. Nagpakita rin ito ng mga personal na mensahe mula sa Panginoon. Nalaman ni Nephi na ang Liahona ay gumagana “alinsunod sa pananampalataya at sigasig na ibinibigay” nila sa mga mensahe ng Panginoon (1 Nephi 16:28–29).
Pagkalipas ng mga 500 taon, nang ipagkatiwala ni Alma sa kanyang anak na si Helaman ang pag-iingat ng mga laminang tanso at ng iba pang mga banal na kasulatan, sinabi niya kung paano gumagana ang Liahona.
Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, itinuro ni Elder W. Rolfe Kerr:
Ang mga salita ni Cristo ay maaaring magsilbing personal na Liahona ng bawat isa sa atin, na nagtuturo sa atin ng daan. Huwag tayong tamarin dahil sa madali ang daan. Mapanampalataya nating isaisip at isapuso ang mga salita ni Cristo ayon sa pagkakatala nito sa banal na kasulatan at pagkakabanggit dito ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag. Mapanampalataya at masigasig tayong magpakabusog sa mga salita ni Cristo, dahil ang mga salita ni Cristo ang ating espirituwal na Liahona na nagsasabi sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin. (“Mga Salita ni Cristo—Espirituwal Nating Liahona,” Liahona, Mayo 2004, 37)