“Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Kabilang-buhay,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 8 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Kabilang-buhay
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi natin kailangang ituring na kaaway ang kamatayan. Nang may lubos na pag-unawa at paghahanda, ang takot ay napapalitan ng pananampalataya. Ang kawalang-pag-asa ay napapalitan ng pag-asa” (“Doors of Death,” Ensign, Mayo 1992, 74). Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito sa paghahanda, isipin kung ano ang itinuturo ng Aklat ni Mormon tungkol sa kamatayan at kabilang-buhay na makatutulong sa iyo na “maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 12:24).
Bahagi 1
Ano ang nangyayari pagkatapos nating mamatay?
Nang si Corianton, na anak ni Nakababatang Alma, ay tumalikod sa ministeryo at makagawa ng kasalanang seksuwal, kinausap siya ng kanyang ama tungkol sa bigat ng nagawa niya. Nahiwatigan ni Alma na nababahala si Corianton tungkol sa kabilang-buhay at sa kaparusahang naghihintay sa nagkasala. Itinuro ni Alma sa kanyang anak na bagama’t ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli, ang mabubuti lamang ang makapananahan sa piling ng Diyos (tingnan sa Alma 40:1, 9–10, 25–26). Ipinaliwanag din niya kung ano ang mangyayari sa ating mga espiritu sa pagitan ng kamatayan at ng Pagkabuhay na Mag-uli.
Ganito ang itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith tungkol sa pariralang “dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay”:
Ang simpleng ibig sabihin ng [pariralang ito] ay natapos na ang kanilang buhay sa mundo, at bumalik na sila sa daigdig ng mga espiritu, kung saan itatalaga sila sa isang lugar ayon sa kanilang mga gawa kasama ang mabubuti o ang masasama, at doon sila maghihintay ng pagkabuhay na mag-uli. (Joseph Fielding Smith, Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr. [1958], 2:85)
Sinabi rin ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod tungkol sa daigdig ng mga espiritu:
Alam natin mula sa mga banal na kasulatan na pagkatapos mamatay ang ating mga katawan ay patuloy tayong mabubuhay bilang mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu. Itinuturo din ng mga banal na kasulatan na ang daigdig ng mga espiritu ay nahahati sa pagitan ng mga yaong naging “mabuti” o “matwid” noong nabubuhay sila at ng mga naging masama. Inilalarawan din ng mga ito ang ilang matatapat na espiritu na itinuturo ang ebanghelyo sa masasama o rebelde (tingnan sa 1 Pedro 3:19; Doktrina at mga Tipan 138:19–20, 29, 32, 37). Higit sa lahat, ibinubunyag ng makabagong paghahayag na ang gawain ng kaligtasan ay nagpapatuloy sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga TIpan 138:30–34, 58), at bagama’t tayo ay hinihimok na huwag ipagpaliban ang ating pagsisisi habang nasa mortalidad (tingnan sa Alma 13:27), itinuturo sa atin na maaari pa ring magsisi roon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:58). (“Magtiwala sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2019, 26)
Bahagi 2
Paano makapagbibigay ng pag-asa sa akin ang paniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli?
Nang magturo sina Alma at Amulek sa mga tao ng Ammonihas, isang abugado na nagngangalang Zisrom ang nagtangkang baluktutin ang mga salita ni Amulek at siraan ang kanyang mga turo tungkol kay Jesucristo. Bilang tugon, buong tapang na nagpatotoo si Amulek na ang Pagkabuhay na Mag-uli at kaligtasan mula sa kasalanan ay darating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo.
Sa pagpapatotoo tungkol sa kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli, itinuro ni President Susan W. Tanner, dating Young Women General President:
Ang mga sagradong katawang ito, na lubos nating ipinagpapasalamat, ay may mga likas na limitasyon. May mga taong ipinanganak na may kapansanan, at [may ilan na buong buhay nagdurusa dahil sa sakit]. Lahat tayo’y nakakaramdam na habang tumatanda tayo ay unti-unting nanghihina ang ating katawan. Kapag nangyari ito, inaasam natin na sana ay gumaling at lumakas ang ating katawan balang-araw. Umaasa tayo sa Pagkabuhay na Muli na ginawang posible ni Jesucristo. … Alam ko na sa pamamagitan ni Cristo makararanas tayo ng lubos na kagalakang madarama lang kapag … hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan [ng espiritu at elemento] (tingnan sa D&at&T 93:33). (“Ang Kabanalan ng Katawan,” Liahona, Nob. 2005, 15)
Bahagi 3
Ano ang magagawa ko upang maging mas handa sa pagharap sa Diyos?
Ilang taon matapos magturo sa Ammonihas, humayo muli sina Alma at Amulek upang magmisyon, at sa pagkakataong ito, sa mga nag-apostasiyang Zoramita. Nagsimulang magtagumpay sina Alma at Amulek sa mga mas mapagpakumbabang tao. Matapos turuan ang mga tao na umasa kay Jesucristo at maniwala sa kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, inanyayahan sila ni Amulek na maghanda sa pagharap sa Diyos.
Sa pagtalakay ng kahalagahan ng paghahanda ngayon sa pagharap sa Diyos, itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
May panganib sa salitang, balang araw, kapag nangahulugan ito ng, “hindi ngayon.” “Balang araw magsisisi ako.” “Balang araw patatawarin ko siya.” …
Nililinaw ng mga banal na kasulatan ang panganib ng pagpapaliban. … Ang araw na ito ay mahalagang kaloob ng Diyos. Ang pag-iisip ng, “Balang araw gagawin ko,” ay maaaring magkait sa atin ng mga oportunidad sa buhay na ito at mga pagpapala ng kawalang-hanggan. (“Saa Araw na Ito,” Liahona, Mayo 2007, 89)
Nang maglingkod si Nakababatang Alma sa mga tao sa lupain ng Zarahemla, nagtanong siya ng maraming nakapupukaw na tanong upang matulungan sila na pag-isipan kung ano ang dapat nilang gawin upang maging handa sa pagtayo sa harapan ng Diyos (tingnan sa Alma 5).