Paglilingkod sa Simbahan
Katanggap-tanggap na Paglilingkod
Pumasok siya sa isang maliit na silid sa Pilipinas para mainterbyu bilang paghahanda sa pagtanggap ng Melchizedek Priesthood. Hindi ko alam ang edad niya, ngunit maging ang mas nakatatandang mga miyembro ng branch ay Tatay (ama) ang tawag sa kanya.
Nang tanungin ko kung mauunawaan kaya niya ang Ingles ko, magiliw siyang ngumiti at malinaw na sinabi, “Oho, maiintindihan ko.”
Pagkatapos ng aming interbyu tinanong ko siya kung mayroon bang anumang dahilan para hindi siya dapat maorden sa priesthood. Makaraan ang isang saglit sinabi niyang, “Siguro hindi ko dapat matanggap ang priesthood.”
Nalilito akong nagtanong, “Ano ang ibig mong sabihin?”
“Isa lang ang ngipin ko,” sagot niya. “Alam kong hindi ako magandang tingnan para tanggapin ang priesthood. Ayos lang kung sasabihin mo sa aking hindi ako dapat tumanggap ng priesthood.”
Saglit kaming naupo habang pinag-iisipan ko ang kanyang sinabi, nangilid ang mga luha sa aking mga mata. Pagkatapos ay hinawakan ko ang kamay niya at sinabi sa kanyang marami na akong nakitang kahanga-hangang mga mayhawak ng priesthood na wala nang buhok, ngunit siya ay may maganda at makapal at maitim na buhok. Sinabi ko rin sa kanya na may mga mayhawak ng priesthood na isa lang ang tainga o isa lang ang mata, pero siya ay may dalawang mata at dalawang tainga.
Pagkatapos ay binanggit ko sa kanya ang isang kaibigan ko na nawalan ng braso dahil sa kanser. Nang magdasal ang lalaking iyon sa aming tahanan at hiniling sa Ama sa Langit na basbasan ang aking asawa at mga anak, alam ko na siya ay dakilang tagapaglingkod ng Panginoon. Ikinuwento ko kay Tatay kung paano ipinatong ng kaibigang ito ang nag-iisa niyang kamay sa ulo ng isang munting batang babae upang basbasan ito dahil nag-aagaw-buhay na ito at na nadama ko ang kapangyarihan ng priesthood noong araw na iyon.
Ang Pilipinong ito na may-edad na ay ngumiti at nagsabing, “Sana maging katanggap-tanggap din sa Diyos ang paglilingkod ko.”
Tayong lahat ay may kapintasan kahit paano, at nadarama nating lahat ang kakulangan na kaakibat ng bagong tungkulin. Ngunit tinatanggap ng Diyos ang pinakaabang handog ng pinakaabang Banal, at bawat isa sa atin ay makagagawa ng kaibhan. Hindi tayo dapat mahiya; ang kailangan lamang ay ibigay natin sa Panginoon ang pinakamainam na magagawa natin. Bilang ganti pagpapalain Niya tayo at daragdagan ang ating kakayahan at, sa kagila-gilalas na paraan ay gagawin tayong ganap.