2010
Naniniwala Ka Ba sa Aklat ni Mormon?
Marso 2010


Naniniwala Ka Ba sa Aklat ni Mormon?

Sonola Oladapo Solomon, Lagos, Nigeria

Noong mga panahong sumapi ako sa Simbahan, nawalan ako ng trabaho dahil sa mahirap na kondisyon ng ekonomiya sa Nigeria. Inakala kong katapusan na ng mundo ko, gayunman ay nagtiwala ako sa Diyos—nagdasal at nag-ayuno na sana tulungan Niya akong makahanap ng ibang trabaho.

Sa loob ng isang buwan ay nainterbyu ako sa isa sa mga pinakamabilis lumagong construction company sa Nigeria. Humarap ako sa panel ng tatlong mag-iinterbyu: ang managing director, ang general manager, at isang consultant. Madali kong nasagot ang kadalasang itinatanong nila, ngunit ang consultant, na isang pastor sa isang lokal na simbahan, ay biglang nagbigay ng nakagugulat na tanong: “Ikaw ba ay Kristiyano, Muslim, o Traditionalist?” tanong niya.

Masigla akong sumagot, “Kristiyano po ako.”

“Ano ang pangalan ng iyong simbahan?” patuloy niya.

Sinabi ko sa kanya, “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

“Ano! Ang simbahang iyon?” sigaw niya. “Hindi ka naman siguro dumadalo sa simbahang iyon, kung saan nababalutan ng lihim ang lahat ng ginagawa?” Habang nakatitig sa aking mga mata, sinabi niyang, “Sabihin mong hindi ito totoo.”

“Totoo po,” ang mabilis kong sagot. At pagkatapos ay idinagdag ko, “Ang mga miting namin ay hindi idinaraos o nababalutan ng lihim. Puwede ho kayong dumalo sa aming mga miting sa susunod na Linggo para makita ninyo mismo.”

“Hindi ako dadalo sa gayong pagtitipon,” sagot niya. Nang mapansin ang kinahantungan ng interbyu, ibinalik ng managing director sa dating usapan ang interbyu at pinasalamatan ako sa pagpunta.

Makalipas ang tatlong araw pinabalik ako para sa pangalawang interbyu. Naroon ang managing director, ang general manager, at ang consultant. Matapos kaming mag-usap tungkol sa pamimili at pagsusuplay, nagtanong ang consultant, “Mormon ka ba?”

“Opo,” ang sagot ko.

“Naniniwala ka ba sa Aklat ni Mormon?”

“Siyempre naman po! Naniniwala ako,” ang sagot ko.

“Naniniwala ka ba na nakaharap ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, noong siya ay 14 na taong gulang pa lamang?”

“Opo,” ang sagot ko. “Alam kong ito ay totoo.”

Pagkatapos ng interbyu, sinabihan ako na maraming nainterbyung mga aplikante. Makalipas ang ilang linggo, laking gulat ko nang makatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa managing director. Sinabi niyang nakapasa ako sa dalawang interbyu, at pinapupunta ako para pirmahan ang kontrata sa trabaho.

Sa pagbabalik-tanaw sa aking karanasan, nagpapasalamat ako na hindi ko itinatwa ang Simbahan o ang aking pananampalataya. Sinagot ng Diyos ang aking mga dasal at biniyayaan ako ng trabaho. Alam ko na kung mananatili tayong matatag, gagantimpalaan Niya tayo nang sagana.

“Hindi ka naman siguro dumadalo sa simbahang iyon?” tanong sa akin ng consultant.