Bakit pinapahiran ng langis ang mga tao kapag tumatanggap sila ng basbas ng priesthood?
Madalas banggitin sa mga banal na kasulatan ang pagpapahid ng langis, na kadalasan ay may kinalaman sa pagpapagaling ng maysakit. Halimbawa, sa Marcos 6:13 nababasa natin na ang mga Apostol ay “nangagpahid ng langis sa maraming may-sakit, at pinagaling sila.” At sa Santiago 5:14 mababasa natin: “May sakit baga ang sinoman sa inyo? ipatawag niya ang mga matanda sa iglesia; at ipanalangin nila siya, na pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon.”
Ang ibig sabihin ng pahiran ay lagyan ng langis o ointment ang ulo o katawan ng isang tao. Noong unang panahon ay ginagawa ito sa maraming kadahilanan. Kung minsan ito ay tanda ng malugod na pagtanggap o ng karaniwang pag-aayos ng sarili. Ang mga maysakit o nasugatan ay pinapahiran ng langis o ointment bilang gamot. Gayunman ang pagpapahid ay ginagawa rin para sa sagradong mga kadahilanan. Halimbawa, ang banal na langis na pamahid ay ginamit sa ilalim ng batas ni Moises (tingnan sa Exodo 40:15). Ang mga propeta ay humirang ng mga saserdote at hari, at ang mga maysakit ay pinahiran ng langis bilang bahagi ng pamamaraan ng pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagpapatong ng mga kamay.
Sa Simbahan ngayon, ang langis ng olibo na inilaan (binasbasan ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood) para sa mga sagradong layunin ay gamit sa iba’t ibang sagradong seremonya, pati na sa pagbabasbas sa maysakit. “Bagamat hindi tahasang binabanggit ng mga banal na kasulatan, maaari nating ipagpalagay na ang pagpapahid ng langis ay naging bahagi ng totoo, at inihayag na relihiyon simula pa noong unang ipakilala ang ebanghelyo kay Adan sa mundong ito.”1
Bakit langis ng olibo ang gamit sa halip na ibang uri ng langis? Hindi kailanman tuwirang isinaad sa mga banal na kasulatan, bagamat gamit sa mga talinghaga sa Bagong Tipan ang langis bilang simbolo kapwa ng pagpapagaling at liwanag (tingnan sa Mateo 25:1–13; Lucas 10:34). Ang sanga ng olibo ay madalas gamitin bilang simbolo ng kapayapaan, at ang puno ng olibo ay ginamit sa banal na kasulatan bilang simbolo ng sambahayan ni Israel (tingnan sa Jacob 5). Ang langis ng olibo ay sumasagisag din sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, dahil ang mapait na olibo, kapag dinurog, ay nagbibigay ng matamis na langis. ◼