Nagsalita Sila sa Atin
Ni Magtiwala sa Bisig ng Laman
Mula sa mensahe sa pagtatapos sa Brigham Young University na ibinigay noong Abril 23, 2009.
Kahit maalam kayo sa mga paraan ng mundo, huwag ninyong kalimutan ang kapangyarihan ng Diyos.
Sa pambungad ng Doktrina at mga Tipan, nalalaman natin ang mga limitasyon ng bisig ng laman: “Ang mahihinang bagay ng sanlibutan ay magsisilabas at bubuwagin ang mga makapangyarihan at ang malalakas, na ang tao ay hindi dapat magpayo sa kanyang kapwa tao, ni magtiwala sa bisig ng laman” (D at T 1:19). Kung babaguhin natin ang mga salita sa babalang iyan: kahit maalam kayo sa mga paraan ng mundo, huwag ninyong kalimutan ang kapangyarihan ng Diyos.
Natutuhan namin ng mga kaklase ko sa medisina ang aral na iyan sa isang di-malilimutang paraan mahigit 30 taon na ang nakararaan. Ang aming karanasan ay naganap sa munting bayan ng Manzanillo, sa kanluraning baybayin ng Mexico. Ang taon ay 1978. Dumalo kaming mga estudyanteng nagtapos noong 1947, kasama ang aming mga asawa, sa isang medical symposium.
Isang gabi nang matapos na ang mga scientific session, biglang nagkasakit nang malubha ang isa sa mga doktor. Bigla na lang siyang naglabas ng buu-buong dugo mula sa kanyang tiyan. Sa kasindakan, pinaligiran namin siya, at pinanood ang pagdaloy ng mahalagang dugo mula sa kanya. Naroon kami, mga espesyalistang dalubhasa sa iba’t ibang medisina, pati na mga surgeon, anesthesiologist, at internist, bawat isa ay may karunungang natamo mula sa 30 taong karanasan. Ano ang magagawa namin? Ang pinakamalapit na ospital ay nasa Guadalajara, mahigit 100 bulubunduking milya (160 km) ang layo. Gabi na noon. Walang makalipad na mga eroplano. Hindi maaaring magsalin ng dugo dahil walang kagamitan. Lahat ng pinagsama-samang kaalaman namin ay hindi magamit para pigilin ang pagdurugo niya. Walang-walang pasilidad o kagamitang kailangan namin para iligtas ang buhay ng aming mahal na kaibigan.
Alam ng kasamahan na tinamaan ng sakit, at isang tapat na Banal sa mga Huling Araw, ang kalagayan niya. Putlang-putla, pabulong siyang humiling ng basbas ng priesthood. Ilan sa amin ang maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Kaagad kaming tumugon sa kanyang kahilingan. Ako ang nahilingang magbasbas matapos maipahid ang langis. Idinikta ng Espiritu na basbasan siya hanggang sa puntong tumigil ang pagdurugo at mabuhay pa siya at makauwi sa kanyang tahanan. Iginawad ang basbas na iyon sa pangalan ng Panginoon.
Kinaumagahan, gumanda na ang kanyang kalagayan. Himalang tumigil ang pagdurugo. Bumalik sa normal ang presyon ng kanyang dugo. Sa loob ng ilang araw, nakauwi na siya sa kanyang tahanan. Nagkakaisa kaming nagpasalamat sa Panginoon sa lubhang kakaibang pagpapalang ito.
Simple lang ang aral na natutuhan namin: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan” (Mga Kawikaan 3:5). Naranasan namin ito mismo. Ang doktrinang ito, na paulit-ulit na itinuro sa mga banal na kasulatan,1 ay naging tiyak na kaalaman na namin ngayon.
Huwag sana kayong magkamali ng pag-unawa sa akin, mga kapatid. Totoong kailangang handa tayong gawin ang nararapat gawin. Oo, kailangan nating gawin nang mahusay ang ating gawain, anuman ang piliin nating gawin sa buhay. Kailangan tayong gumawa ng makabuluhang paglilingkod. At bago natin magawa iyan nang mahusay, kailangan nating makapag-aral. Sa atin, ang pag-aaral ay banal na responsibilidad. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay talagang katalinuhan (tingnan sa D at T 93:36).
Ngunit ang dunong ng tao ay may mga limitasyon. At kung minsan, tulad ng nangyari sa amin sa lalawigan ng Mexico, ang pinagsama-samang dunong ng maraming dalubhasa ay maaaring hindi magamit sa oras na talagang kailangan natin. Kailangan nating magtiwala sa Panginoon.
Isa pang mahalagang aral ang itinuro sa amin ng karanasang iyon sa Mexico. Tungkol iyon sa ating mga pinakamahalagang priyoridad at pinakadakilang tadhana bilang mga mortal na nilalang. Nalaman namin na ang pinakadestinasyon ng isang doktor ay hindi sa ospital. Ang isang abugado ay hindi sa hukuman. Ang isang jet pilot ay hindi sa cockpit ng Boeing 747. Ang piniling gawain ng isang tao ay paraan lamang para makamit ang isang mithiin; hindi ito ang mismong mithiin.
Ang mithiing dapat pagsikapan ng bawat isa sa inyo ay maging ang taong maaari ninyong kahinatnan—ang taong nais ng Diyos na inyong kahinatnan. Darating ang araw na magwawakas ang inyong propesyon. Ang propesyong pinagsikapan ninyo nang husto na makamit—ang trabahong bumuhay sa inyo at sa inyong pamilya—ay magiging bahagi ng inyong nakaraan balang-araw.
Doon ninyo matututuhan ang dakilang aral na ito: mas mahalaga kaysa hanapbuhay ninyo ang uri ng taong inyong kinahinatnan. Pagpanaw ninyo sa mundong ito, ang kinahinatnan ninyo ang magiging pinakamahalaga. Ang mga katangiang tulad ng “pananampalataya, karangalan, kaalaman, kahinahunan, tiyaga, kabaitang pangkapatid, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao, kababaang-loob, [at] sigasig” (D at T 4:6) ay susukating lahat sa timbangan ng Panginoon.
Paminsan-minsan, itanong sa inyong sarili ang mga ito: “Handa ba akong humarap sa aking Lumikha?” “Karapat-dapat ba ako sa lahat ng pagpapalang inilaan Niya para sa Kanyang matatapat na anak?” “Natanggap ko na ba ang aking endowment at mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo?” “Nanatili ba akong tapat sa aking mga tipan?” “Karapat-dapat ba ako sa pinakadakila sa lahat ng pagpapala ng Diyos—ang pagpapala ng buhay na walang hanggan?” (tingnan sa D at T 14:7).
Ang mga nagpapahalaga sa kanilang pananampalataya sa Diyos—ang mga nagtitiwala sa Kanya—ay pinangakuan nito sa mga banal na kasulatan: “Walang sinumang magmamapuri sa tao, bagkus magmapuri siya sa Diyos. … Ang mga ito ay mananahan sa kinaroroonan ng Diyos at ng Kanyang Cristo magpakailanman at walang katapusan” (D at T 76:61–62). Nawa’y iyan ang maging huling tadhana ng bawat isa sa atin.