Maiikling Balita sa Buong Mundo
Parangal para sa Pag-aanunsyo ng Serbisyong-Pampubliko ng Simbahan
Isang advertising at marketing firm na nakabase sa Washington, D.C. ang kumilala sa pag-aanunsyo ng serbisyong-pampubliko ng Simbahan. Ang “Swashbucklers,” isang maikling paunawa sa kahalagahan ng pagiging ama, ay kinilala dahil sa kabuluhan nito, mataas na kalidad ng pagkakagawa, at pambihirang kombinasyon ng sigla, tuwa, at pagmamahal, ayon sa National Media Survey. Ang pag-aanunsyong ito ng serbisyong-pampubliko ay bahagi ng mga serye ng Homefront. Mapapanood ito sa MormonMessages YouTube channel, www.youtube.com/mormonmessages. Hanapin ang “swashbuckler.”
Konseho para sa Autism Kinilala ang Disabilities Web Site ng Simbahan
Binigyan ng Autism Council of Utah ang Simbahan ng Outstanding Organization of the Year award noong Oktubre 14, 2009, bilang pagkilala sa Disabilities Resources Web site ng Simbahan. Nagbibigay ang site ng mga mapagkukunang tulong para sa mga may kapansanang—gaya ng mga taong may problema sa pandinig, paningin, pagsasalita, pagkatuto at marami pang iba—at sa kanilang mga tagapag-alaga, pamilya, at mga lider ng Simbahan. Matatagpuan ang site sa www.disabilities.lds.org.
Nagkaisa sa Pag-awit ang mga Kongregasyon sa Washington
Mahigit 170 tinig mula sa anim na iba’t ibang relihiyon, kabilang na ang mga Banal sa mga Huling Araw, ang nakiisa sa pagtatanghal na tinawag na “An Ecumenical Musical Gathering—One Voice in Song and Praise” sa Redmond, Washington, USA, noong 2009. Ang St. Jude Catholic Church ang naging punong-abala sa seremonya—na kinabibilangan din ng mga kongregasyon ng Anglican, Presbyterian, Lutheran, at Methodist—para pasalamatan ang lahat ng magkakalapit na simbahan at komunidad sa kanilang pagsuporta sa Tent City 4, isang kampo ng mga walang tirahan sa lugar.