2010
Kapag Tila Mali ang mga Bagay-Bagay
Marso 2010


Ebanghelyo sa Aking Buhay

Kapag Tila Mali ang mga Bagay-Bagay

Sinisikap kong ipamuhay ang ebanghelyo. Pero bakit napasama ang takbo ng aking buhay?

Nagsimula iyon nang maiwala ko ang Aklat ni Mormon na ibinigay ng “aking” misyonerang si Sister High, mahigit limang taon na ang nakararaan. Alam kong makakakuha naman ako ng isa pa, pero ang kopya ko ay puno ng sarili kong mga marka at cross-reference. Nakaipit sa mga pahina nito ang mahahalagang quotation, isang liham na nakapagpapasaya sa akin mula sa isang kaibigan, at kopya ng aking patriarchal blessing. Kahit na paulit-ulit akong naghanap, hindi ko makita ang aklat. Hindi ako makapaniwala na naging napakapabaya ko.

Di pa nagtatagal matapos ang pangyayaring iyon, natanggal ako sa isa sa aking mga trabaho. Kalahati na lang ngayon ang sinasahod ko. Naipangako ko sa mga magulang ko na ako na ang sasagot sa mga bayarin ko sa kolehiyo. Paano pa ako makakatapos sa aking pag-aaral?

Sinusunod ko ang mga kautusan sa abot ng aking makakaya; bakit naging masama ang takbo ng mga bagay-bagay? Hindi pinalampas ng mga kaibigan ko sa paaralan ang pagkakataong banggitin ang mga problema ko at kung paanong hindi ito nalutas ng Simbahan. Sabi ng isa, “Dapat bawasan mo na ang pagsisimba mo. Makakatipid ka sa pamasahe sa bus.” Sabi pa ng isa, “Bakit hindi ka muna tumigil sa pagsisimba nang isa o dalawang buwan? Baka matuklasan mong wala naman itong masyadong pagkakaiba.”

Pansamantalang naging makabuluhan ang kanilang mga sinabi. Naisip ko na baka ang buhay ko ay mas bumuti kung wala ang Simbahan.

Nagbalik ako sa silid ko sa dormitoryo, kung saan nakita ko ang retrato ng aming pamilya na kuha noong Chinese New Year. Naisip ko kung gaano ko sila kamahal at kung gaano nila ako napapasaya. At naisip ko ang aking Ama sa Langit, na mahal ko at nagmamahal sa akin. Natanto ko na marahil kailangan kong pagtuunan ng pansin kung ano ang mayroon ako kaysa sa kung ano ang wala sa akin. Pero inisip ko pa rin kung paano ko malalampasan ang mga pagsubok na ito.

Di nagtagal, ipinagtapat ko ang dinaranas ko sa aking guro sa institute na si Sister Ou, na nagsabing, “Naranasan na ng maraming miyembro ang panahong tapos na ang ‘kay inam’ na buhay ng pagiging isang bagong miyembro at nagsisimulang maharap sa mga pagsubok ng pananampalataya. Sinasabi ng mga banal na kasulatan, ‘Gayon pa man, minarapat ng Panginoon na pahirapan ang kanyang mga tao; oo, sinusubukan niya ang kanilang tiyaga at kanilang pananampalataya’ (Mosias 23:21).”

“Ano ngayon ang dapat kong gawin?” tanong ko.

“Maging lalong masigasig sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at mas taimtim pang manalangin,” sabi niya. “Ang tunay na pananampalataya ay dumarating kapag mayroon kang mga pagsubok at pasakit. Lalago ang iyong pananampalataya, ikaw ay uunlad, at lalakas ang iyong patotoo.”

Nagpasiya akong sundin ang kanyang payo at manampalataya sa Diyos. Sinikap kong gawin ang tulad ng itinuturo sa Alma 38:5: “Habang ibinibigay mo ang iyong lubos na tiwala sa Diyos ikaw ay maliligtas mula sa iyong mga pagsubok, at iyong mga suliranin, at iyong mga paghihirap, at dadakilain ka sa huling araw.”

Ang kinalabasan nga, nakakita ako ng isa pang trabaho—na mas maganda kaysa sa dati. Ang mas maganda pa, nahanap ko ang aking kopya ng Aklat ni Mormon.

Nalaman ko na ang ating mga kabiguan, kalungkutan, at madidilim na sandali ng ating buhay ay makatutulong sa ating pag-unlad. Maaakay tayo ng mga ito sa malaking kaligayahan kung, tulad ng itinuro sa akin ni Sister Ou, mananampalataya at magtitiwala tayo sa mapagmahal na Ama sa Langit. Nagpapasalamat ako na muling napagtibay ang aking patotoo na ang Simbahan at ebanghelyo ay totoo.

Mga paglalarawan ni Steve Kropp

Ang pagiging bagong miyembro ng Simbahan ay tapos na, at natagpuan ko ang sarili ko na nahaharap sa pagsubok ng pananampalataya. Mabuti na lang, tinulungan ako ng aking guro sa institute na makita ang kagalakang naghihintay sa hinaharap.