Bakit Dapat Magbayad ng mga Handog-Ayuno?
Si Rebecca Alison Titz, na young adult mula sa Germany na dumadalo na ngayon sa Winterthur Ward sa Switzerland, ay may patotoo tungkol sa pag-aayuno at sa mga pagpapalang dumarating dahil sa pagbabayad ng malaki-laking halaga sa handog-ayuno. Lumaki si Rebecca na nakikita ang kanyang mga magulang na nagbabayad ng handog-ayuno, at nang magsimula na siyang kumita, sinimulan niyang magbigay ng sarili niyang kontribusyon.
Sabi niya, “May mga pagkakataon na nakapagbayad ako ng malaki-laking halaga sa handog-ayuno.” At sa ganoong mga pagkakataon sabi niya, “Hindi kailanman nagutom ang aking katawan o espiritu.” Ipinapaliwanag niya na ang nadaramang pagkagutom sa pag-aayuno ay madaling napapawi, ngunit ang mga pagpapala ng espirituwal na pangangalaga na nagmumula sa pagtulong sa iba ay tumatagal—hanggang sa walang hanggan.
Noon pa man ay sinisikap palagi ni Rebecca na magbigay ng handog-ayuno. “Hindi ako kailanman nagkaroon ng problema sa pagbibigay nito,” sabi niya. “Hindi ko kailanman naisip na, ‘Puwede kong gamitin ang perang ito sa ibang bagay.’ Ang palagi kong naiisip ay, ‘Nakakatulong ito sa mga taong nangangailangan nito.’”
Idinagdag ng isa sa mga kaibigan ni Rebecca na si Jessica Schwabe ng Halberstadt Branch sa Hannover, Germany: “Ang pagbabayad ng mga handog-ayuno ay lalong nagbibigay kabuluhan sa pag-aayuno; kaya magkaugnay ang mga ito. Ang mga handog-ayuno ay bahagi ng pag-aayuno hindi para sa ating sarili kundi para sa iba, para sa mga taong nangangailangan.” ◼