Binalaan ng Diyos si Noe tungkol sa Baha at sinabi sa mabubuti kung paano makaliligtas. Sinabi ng Diyos kay Jose sa Egipto ang tungkol sa parating na taggutom at kung paano maghahanda. Ang Diyos ding iyon ay nagsasalita ngayon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, nagbibigay ng payo na nagdudulot ng kapayapaan at kaligtasan kapag sinunod.
“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. … Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27). Sa sagradong katahimikan ng silid sa itaas, sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na mahaharap sila sa mga pag-uusig at kalungkutan. Pagkatapos ay sinabi Niya: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33).
Sa Kanyang paunang salita sa Doktrina at mga Tipan, nagbabala ang Panginoon na “ang kapayapaan ay aalisin sa mundo, at ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan.” Ngunit nangako rin ang Tagapagligtas, “Ang Panginoon ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang mga banal, at maghahari sa gitna nila” (D at T 1:35–36).
Tungkol sa kaguluhan sa mga huling araw, sinabihan tayo na “ang puso ng mga tao ay magsisipanlupaypay” (D at T 45:26; 88:91). Ngunit noon pa man ang mensahe na ng ebanghelyo ay tungkol sa kapayapaan—kapayapaan sa mundo at kapayapaan mula, o sa kabila, ng [magulong] mundo. Tiyak na tinuturuan tayo ng “laksan ninyo ang loob” na huwag hayaang manlupaypay ang ating puso.
Bawat dispensasyon ay nakakita na ng kaguluhan at digmaan, sindak at kahirapan. At sa bawat dispensasyon ay nagsugo ang Panginoon ng mga propeta upang balaan ang masasama at muling bigyang katiyakan at ihanda ang mabubuti. Wala itong ipinagkaiba dito sa dakila at huling dispensasyon. Sa walang patid na paghalili simula kay Joseph Smith, nagkaroon tayo ng mga propeta at apostol, tagakita at tagapaghayag, na gumagabay at nagpapayo sa atin. Binabanggit nila ang mensahe ng Tagapagligtas tungkol sa kapayapaan at pag-asa. Tinutulungan nila tayong ihanda ang ating mga tahanan at ating puso upang magkaroon tayo ng pag-asa, sa halip na takot; kapayapaan, sa halip na pagkabahala.
Ang sumusunod na time line ay muling nagbibigay ng katiyakan. Kahit magulung-magulo na ang daigdig at kahit dumanas ang mga Banal ng matinding pang-uusig, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nananatiling matatag sa tinatahak nitong landas. Dumarami ang mga miyembro, lumalaganap ang mga stake at templo sa iba’t ibang panig ng mundo, at patuloy tayong ginagabayan ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga piling tagapaglingkod.
Anumang kahirapan ang naghihintay sa atin, bilang mga indibiduwal at bilang isang grupo ng mga tao, ang tinig ng Panginoon ay dapat umalingawngaw sa ating mga puso: “Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang daigdig, at kayo ay bahagi nila na ibinigay ng Ama sa akin” (D at T 50:41).