Ang Depensa
Kung alam ko lamang sanang ipaliwanag kung bakit hindi ako kailanman dumalo sa mga party.
“Bakit ba ayaw mong sumama sa amin?” sigaw ng babae. “Ayaw mo bang maging kagrupo namin?”
Tapos na noon ang tagsibol, at halos wala nang pasok sa eskuwela. Kapag may bakanteng oras naglalaro kami ng football sa labas, at ako ang goalkeeper. Bilang goalkeeper sanay akong umilag at sumangga ng paparating na atake mula sa field o mga manlalaro. Gayunman, kaiba ang larong ito dahil kailangan ko ring ilagan at sanggahin ang mga pagbatikos mula sa manonood.
Sa pagitan ng mga opensiba ng kabilang team, tinatanong pa ako ng ilang kabataang babae sa klase ko na nakatayo sa gilid ng palaruan. Para maiwasan ang kanilang pagtatanong, papupuntahin ko na sana ang kabilang team para sa isang free shooting contest, pero medyo minamalas ako nang araw na iyon.
“Eh, bakit nga ba hindi ka dumadalo sa mga party namin?” patuloy niya. “Ayaw mo bang magkaroon ng kaunting kasayahan?”
“Konting kasayahan!” naisip ko. Ang pagpunta sa isang party kasama ang mga kaklase ko, ang walang-saysay na paglalaro, at sapilitang mapunta sa di komportableng situwasyon ay hindi kasiyahan para sa akin. Mas gugustuhin kong lumagi na lang sa bahay.
“Sinisikap nating lahat na makilala ang isa’t isa, at palagi kang wala,” ang isa pang pag-atake mula sa tabi.
“totoo iyan!” sabi ko. At magpapaliwanag naman sana ako kung nadama ko na talagang gusto niya at ng iba pa na maunawaan. Pero duda ako. Paano nila gugustuhing maunawaan? Ako lang ang Banal sa mga Huling Araw sa aking paaralan, at wala ni isa sa kanila na nakakaunawa sa Simbahan o sa mga pamantayan nito.
“Wala ka bang gusto kahit kanino sa mga babae sa klase natin?” tanong niya.
“Hindi ito tungkol sa pagkakagusto sa kanila,” sabi ko. “Hindi lang ako magiging komportable.”
“Pero bakit?” tanong niya.
Naagaw sa team ko ang bola, at lahat ay tumatakbo na ngayon papunta sa akin.
“Bakit hindi ka magiging komportable?” muli niyang tanong.
Parang naka ‘slow motion’ ang lahat habang nakatuon ang mata ko sa paparating na bola. Boses lang niya ang tanging narinig ko, at ang paulit-ulit na “bakit,” “bakit” ang umalingawngaw sa isipan ko. Talagang masu-shoot ng kalaban ko ang bola, at nakikita kong malakas na tatama sa akin ang bola. Pero handa ako. Sinipa niya ang bola, na tumalbog mula sa mga kamay ko dahil sa malakas na hampas. “Yehey!” Isa pang bigong pagtatangka,” ang naisip ko, habang nakangiti. Sinunggaban ko ang bola at ibinato sa mga ka-team ko at pagkatapos ay lumingon para harapin ang iba ko pang kalaban.
“Bakit nga?” sabi niya.
Kumakabog pa ang dibdib ko dahil sa kasiyahan sa laro. “Ang dahilan kung bakit hindi ako nagpupunta sa mga party ninyo ay …” pagsisimula ko, at tumigil sandali, na nag-iisip.
“Ay?” pag-ulit niya nang may kaunting pananabik.
Tumingin na naman ako at muling nakitang papalapit nang mabilis ang kalaban. Lalong bumilis ang kabog ng dibdib ko, at alam kong kailangan kong tapusin ang nasimulan ko nang sabihin. “Ay dahil inilalaan ko ang sarili ko sa isang espesyal na babae!” ang sigaw ko.
“Ano!” sigaw niya.
Papunta na naman sa akin ang mga kalaban, at natuon muli ang pansin ko sa laro. Humagibis ang bola sa ere at nakalusot sa aking depensa. Naghiyawan sa tuwa ang kabilang team, habang ang mga nakatayaong babae roon ay nagtatawa.
“Inilalaan mo ang sarili mo para sa isang tao,” sabi niya, na nakabungisngis pa. “Ano’ng pangalan niya?”
Medyo nahiya ako. Bagamat wala pa namang espesyal na babae sa isip ko, alam ko na balang-araw ay makikilala ko ang magiging asawa ko, at kailangan kong maging karapat-dapat para madala ko siya sa templo. Iyon ang dahilan kung bakit hindi ako nagpupunta sa kanilang mga party.
Nangangatog pa rin ang mga kamay ko at mabilis pa rin ang kabog ng dibdib ko habang naglalakad na ako pauwi, pero may ngiti sa aking mukha. Maaaring napahiya nga ako sa laro noong araw na iyon; gayunman, nakadama ako ng tagumpay habang naglalakad palayo.