2010
Ano ang ilang paraan na maigagalang natin ang mga pagdiriwang ng ibang mga relihiyon?
Marso 2010


Ano ang ilang paraan na maigagalang natin ang pagdiriwang ng ibang mga relihiyon?

Ang paggalang sa relihiyon ng ibang tao ay isa sa ating mahahalagang pinaniniwalaan: “Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila”(Ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11).

Ang mga pagdiriwang ng mga relihiyon ay kadalasang may kasamang isang uri ng pagsamba. Tulad ng pagdiriwang ng Pasko at Paskua ng mga miyembro ng ating Simbahan, ipinagdiriwang ng mga miyembro ng ibang pananampalataya ang mga banal na araw na ito o ang iba pang mga pista-opisyal bilang papuri sa isang partikular na diyos o upang gunitain ang isang pangyayari sa kasaysayan ng kanilang relihiyon.

Maaari ninyong igalang ang pagdiriwang ng ibang relihiyon una sa pamamagitan ng pag-alam kung kailan ginaganap ang mga araw na iyon. Maaari kayong magbasa ng tungkol sa mga pagdiriwang ng relihiyon at kausapin ang inyong mga kaibigan kung paano nila ipinakikita ang pagmamahal nila sa Diyos sa mga espesyal na araw na ito. Hindi ninyo dapat pagtawanan ang kanilang mga paniniwala, kaugalian, o ginagawa. Igalang ang mga simbolo ng relihiyon na gamit nila sa pagdiriwang at pagsamba.

Kung inanyayahan kayong makilahok, magalang na itanong ang maimumungkahi nila kung paano ninyo angkop na magagawa ito. Maaaring masiyahan na sila sa pagmamasid ninyo sa ginagawa nila, o maaari silang magmungkahi ng ilang aktibidad na masasalihan ninyo at ng iba pang dapat ninyong iwasan. Halimbawa, kung ang isa sa kanilang mga kaugalian sa relihiyon ay labag sa inyong paniniwala, tulad ng pag-inom ng alak, maaari kayong magalang na tumangging sumali, o marahil tubig na lang ang inumin ninyo. Kapag mas maaga kayong nagkasundo tungkol dito, mas malaki ang pagkakataong maiwasan ang pagkapahiya.

Maipapakita ninyo ang paggalang sa pag-alam kung paano sumamba ang iba, at maaari din ninyong anyayahan ang iba na sumali sa mga pagdiriwang ng ibang relihiyon upang maunawaan nila ang inyong pinaniniwalaan.