2010
Kilalanin ang Primary General President
Marso 2010


Pagbisita sa Temple Square

Kilalanin ang Primary General President

Samahan ninyo kami sa buwang ito para tingnan ang isang mahalagang lugar sa Temple Square.

Si Emma K. ay nag mula sa Midvale, Utah, para bisitahin si Sister Cheryl C. Lant, Primary general president. Pinag-usapan nina Emma at Sister Lant ang layunin ng Primary habang nililibot nila ang Relief Society Building. Ang Relief Society Building ang kinaroroonan ng mga opisina ng mga general presidency ng Primary, Young Women, at Relief Society. May magagandang displey roon tungkol sa layunin at kasaysayan ng mga organisasyong ito.

“Ano pong magagandang bagay ang ginagawa ng mga bata ng Simbahan?” tanong ni Emma.

“Ang isa sa pinakamagagandang bagay na ginagawa nila ay ang pagkatuto mula sa kanilang mga banal na kasulatan,” sabi ni Sister Lant. “Tuwing Linggo, nakikita nating dala ng mga bata ang kanilang mga banal na kasulatan sa Primary. Binubuklat at binabasa nila ito, at tuwiran nilang nalalaman mula sa mga salita ng Panginoon kung ano ang nais Niyang gawin nila.”

“Ano po ang inaasahan ninyo na matutuhan nilang gawin nang mas madalas?” tanong ni Emma.

“Kailangan tayong maging mas mabait sa ating mga kapatid, magulang, kaibigan, at sa lahat ng tao sa buong mundo,” sabi ni Sister Lant.

Ipinakita ni Sister Lant kay Emma ang isang painting na kasama ni Jesus ang mga bata. “Maiisip mo ba kung bakit iyan ang paborito kong tingnan araw-araw pagpasok ko sa aking opisina?” tanong niya.

“Siguro po dahil nakikita rito ang pagmamahal ni Jesus sa mga bata,” sabi ni Emma.

“Tama,” sabi ni Sister Lant. “Sa Primary, ang pinakamahalagang nais naming ituro sa mga bata ay na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Lahat ng bata sa larawang ito ay nagmula sa iba’t ibang lugar, kaya kinakatawan nila ang lahat ng bata sa buong mundo. Mahal tayong lahat ng Ama sa Langit at ni Jesus, saanman tayo nakatira. Lahat tayo ay Kanyang mga anak.”

Ipinakita ni Sister Lant kay Emma ang apat na larawang nagpapakita noong basbasan at ipagdasal ng Tagapagligtas ang mga batang Nephita matapos Siyang ipako sa Krus. Bumaba ang mga anghel mula sa langit at pinaligiran ang mga bata. “Kapag natuto ang mga bata tungkol kay Jesucristo, malalaman nila ang kailangan nilang gawin para mapalapit sa Kanya at magkaroon ng kapayapaan,” sabi ni Sister Lant.

Sinabi ni Sister Lant kay Emma na ang unang Primary noong 1878 ay may mahigit 200 bata. Ngayon, mahigit isang milyon na ang mga bata sa Primary sa buong mundo!

Noong batang Primary pa si Sister Lant, may suot siyang bandlo na kagaya ng nakadispley dito. Kapag nakakakumpleto siya ng mga mithiin, tumatanggap siya ng mga sagisag para sa kanyang bandlo. Ngayon, kasali ang mga batang Primary sa programang Pananampalataya sa Diyos.

Primary General Presidency

Ang painting na Si Cristo Kasama ang mga Bata mula sa Buong Mundo ni Del Parson ay nakasabit sa opisina ni Sister Lant. Gustung-gustong tingnan ni Sister Lant at ng kanyang mga tagapayo na sina Sister Margaret S. Lifferth at Sister Vicki F. Matsumori, ang painting.

Mga larawang kuha ni Welden C. Andersen, maliban kung iba ang nakasaad; labas ng Relief Society Building na kuha ni John Luke; larawan ng bandlo na kuha ni Craig Dimond; larawan ng Primary general presidency © Busath.com; mga paglalarawan ng mapa at mga icon ni Dilleen Marsh; Ang Unang Miting ng Primary Association, nina Lynn Fausett at Gordon Cope, © IRI