Dakilang Diyos
Jonathan D., edad 18, Switzerland
Katatapos ko lang magsagawa ng mga binyag para sa mga patay nang matanggap ko ang mensahe na namatay ang isa sa mga pinakamatalik kong kaibigan. Kahanga-hanga siyang binata, at napakasaya namin kapag magkasama kami sa mga aktibidad ng Simbahan.
Nagpunta ako sa kanyang libing makalipas ang tatlong araw at nakita ko ang kanyang mga magulang at mga kaibigan. Isang babaing ka-ward ko ang katabi kong naupo sa kapilya, at nagsimula ang seremonya sa isang awitin at panalangin. Sumunod ang ilang napakagagandang mensahe, at tinugtog ang ilang awitin.
Hindi pa ako nagkakaroon ng malakas na patotoo tungkol sa buhay na walang hanggan, ngunit nang simulang kantahin ang himnong “Dakilang Diyos,” nagsimula akong umiyak. Tinanong ng katabi kong babae kung OK lang ako dahil nakita niyang matindi ang pag-iyak ko. Ngunit hindi iyon mga luha ng pait at kalungkutan. Iyon ay dahil sa nadama ko nang napakalakas ang Espiritu, at simula noon nalaman ko na makikita kong muli ang aking kaibigan.