Tampok na Templo
São Paulo Brazil Temple
Inilaan noong 1978 ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), ang São Paulo Brazil Temple ang unang templong itinayo sa South America. Bahagi ng ginugol dito ay nagmula sa mga kontribusyon ng mga miyembro sa lugar, at marami sa kanila ang walang maibigay na pera. Sa halip ay nagbigay sila ng mga singsing-pangkasal, pulseras, medalya, at iba pang mga bagay na mahalaga sa kanila.
Ang disenyo ng templo ay moderno at may isang tore. Sapat ang tibay ng pundasyon nito para kayanin pa ang 13 palapag, kaya halos hindi ito maaapektuhan ng lindol.
Ang labas ay yari sa pinatibay na sementong tinapalan ng imitasyong bato na may pira-pirasong quartz at marmol. May 3,000 panel ang labas na may 400 iba’t ibang laki at hugis, na akmang-akma sa partikular na mga lugar sa mga dingding ng templo dahil ang puwang sa pagitan ng mga panel ay hindi hihigit sa isang milimetro.
Noong 2004 muling inilaan ang templo kasunod ng mga renobasyon, kasama na ang paglalagay ng estatwa ng anghel na si Moroni sa tuktok ng dati’y walang palamuting tore.