2010
Pagkilala sa Liwanag ng Ebanghelyo
Marso 2010


Nangungusap Tayo Tungkol Kay Cristo

Pagkilala sa Liwanag ng Ebanghelyo

Hindi ko sasabihing wala akong mga mithiin bago ako nabinyagang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit masasabi ko na walang malinaw na direksyon ang buhay ko. May mga pagkakataong nadama ko na para akong naglalakad sa dilim, nang hindi alam kung saan pupunta.

Tulad ng karamihan sa mga 19-anyos sa Saint Petersburg, Russia, umasa akong makapag-aasawa balang-araw, magkakaanak, at liligaya magpakailanman. Gayunman, hindi ko pa rin masasabi na alam ko talaga kung paano makamit ang mithiing ito—lalo na ang bahagi tungkol sa maligayang pamumuhay magpakailanman.

Ngunit alam ng Ama sa Langit. Alam Niya na bago ako magtamo ng tunay na kaligayahan, kailangan kong ituon sa Kanya at sa Kanyang Anak ang buhay ko. Nalaman ko kung paano gawin ito bago sumapit ang ika-20 kaarawan ko nang simulang turuan ng mga misyonero ang aking pamilya kung paano lumigaya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan.

Matapos kaming turuan ng mga misyonero, hindi nagtagal ay nalaman ko kung ano ang gagawin. Nagdasal ako at nalaman ko na kung nais kong makamit ang mga mithiin ko sa buhay, kailangan kong magpabinyag bilang miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.

Kasunod ng aking binyag, itinakwil ako ng ilang kaibigan at mga kapamilya ko na hindi maunawaan kung bakit napakahalaga sa akin na magpasiyang sundin ang plano ng Ama sa Langit. Sa kabila nito, masaya ako. Alam kong inaaliw Niya ako sa pagtutulot na pagdaanan ko ang mga pagsubok na ito nang mapayapa.

Pagsapit ko sa edad na 21, nagkaroon ako ng matinding hangaring magpatotoo sa katotohanan ng ebanghelyo at ibahagi sa iba kung paano nagbago ang buhay ko sa pasiya kong sundin ang mga kautusan, kaya naging misyonero ako. Gumanda ang pakiramdam ko nang ibahagi ko sa mga tao ang nangyari sa buhay ko mula nang ipasiya kong unahin ang ebanghelyo.

Napuspos ng mga pagpapala ang buhay ko simula noon. Walong taon na ang nakararaan nakapasok ako sa templo at nakamit ang mithiin kong makapag-asawa. Gayunman, sa halip na makasal lamang, nabuklod ako sa aking asawa hanggang sa kawalang-hanggan.

Nitong huling ilang taon, natupad din ang mithiin kong maging isang ina. Pinagpala akong magkaroon ng tatlong mababait na anak na lalaki.

Hindi pa kalaunan nagkaroon ng pagkakataon ang aming pamilya na bumisita sa open house ng isang templo. Habang naglalakad sa templo, tumingin sa akin ang aking apat-na-taong-gulang na anak at sinabi, “Inay, dahil ikinasal kayo ni Itay sa templo, magkakasama magpakailanman ang pamilya natin.”

Dama kong mapalad ako at nagpapakumbaba kapag naiisip ang huling dekada ng buhay ko. Malapit ko nang marating ang mithiin kong “lumigaya magpakailanman,” salamat sa katotohanang ibinaling ko ang aking buhay sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo. Basta’t sa Kanila nakatuon ang buhay ko, alam kong makakamit ko ang aking mga mithiin. Alam ko na mahal tayo ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas at nais tayong tulungan.

Photograph © iStockphoto.com