Mensahe ng Unang Panguluhan
Lakas ng Loob na Gawin ang Tama
Isa sa mga layunin ng buhay sa lupa ay patunayan sa Diyos na susundin natin ang Kanyang mga kautusan kapag kailangan itong gawin nang may lakas ng loob. Nakapasa tayo sa pagsubok na iyon sa daigdig ng mga espiritu. Ngunit sangkatlo ng mga hukbo ng langit ang naghimagsik laban sa panukala na sila ay subukin sa isang mortal na buhay kung saan may panganib na hindi sila makapasa.
Bago tayo isinilang, personal na nating kilala ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Nakikita natin Sila at napapakinggan Sila habang tinuturuan at hinihikayat Nila tayo. Ngayon ay may tabing na inilagay sa ating isipan at alaala. Si Satanas, na ama ng mga kasinungalingan, ay nakalalamang dahil kailangan nating makita ang tunay nating pagkatao sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, samantalang ang ating katawan ay sumasailalim sa mga tukso ng kamunduhan at kahinaan ng katawan.
Maraming tutulong sa atin na magbibigay sa atin ng lakas ng loob sa buhay na ito. Ang pinakamalaking tulong ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil sa ginawa Niya, ang mga kasalanan ay maaaring mahugasan sa mga tubig ng binyag. Maaari nating mapanibago ang pagpapalang iyon kapag nakikibahagi tayo ng sacrament nang may pananampalataya at nagsisising puso.
Ang mga espirituwal na kaloob ay isa pang tulong. Natatanggap natin ang Espiritu ni Cristo sa pagsilang. Binibigyan tayo niyan ng kapangyarihang malaman kung ang gagawin nating pagpili ay hahantong sa buhay na walang hanggan. Ang mga banal na kasulatan ay maaasahang gabay kapag binasa natin ang mga ito sa tulong ng Espiritu Santo.
Hinahayaan tayo ng Espiritu Santo na magpakita ng pasasalamat at manalangin na tulungan nang may kalinawan at tiwalang minsan na nating tinamasa sa piling ng ating Ama sa Langit at matatamasa natin kapag bumalik tayo sa Kanya. Ang pakikipag-ugnayang iyon sa Diyos ay tumutulong sa pagpawi ng takot sa ating mga puso habang pinatatatag nito ang pananampalataya at pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Ang banal na priesthood ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob sa ating paglilingkod. Sa mga ordenansa nito ay tumatanggap tayo ng kapangyarihan upang paglingkuran ang mga anak ng Diyos at malabanan ang impluwensya ng kasamaan. Kapag tinatawag Niya tayong maglingkod, nasa atin ang pangakong ito: “At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).
Si Propetang Joseph Smith ay may dahilang matakot sa kanyang paglilingkod. Ngunit binigyan siya ng Diyos ng lakas ng loob sa katiyakang ito ng halimbawa ng Guro:
“At kung ikaw ay itatapon sa hukay, o sa mga kamay ng mga mamamatay-tao, at ang kahatulan ng kamatayan ay ihahatol sa iyo; kung ikaw ay itapon sa kalaliman; kung ang dumadaluyong na alon ay magkaisa laban sa iyo; kung ang malakas na hangin ay iyong maging kaaway; kung ang kalangitan ay magtipon ng kadiliman, at ang lahat ng elemento ay magsama-sama upang harangan ang daan; at higit sa lahat, kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.
“Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?” (D at T 122:7–8).
Higit pa sa kailangan natin ang tulong na ibinigay ng Diyos upang pawiin ang takot at bigyan tayo ng lakas ng loob, anuman ang makaharap natin sa buhay. Sa paghingi natin sa Kanya ng tulong, maiaangat Niya tayo tungo sa hinahangad nating buhay na walang hanggan.