2010
Nabitag sa Cumbuca
Marso 2010


Nabitag sa Cumbuca

Huwag kang pabibitag tulad ng isang unggoy. Maaari kang bumitaw.

Elder Marcos A. Aidukaitis

Ang mga katutubo sa Brazil ay gumagamit ng patibong sa unggoy na tinatawag na cumbuca. Binubutasan nila ang isang gourd (parang upo), nang sapat upang maipasok ang kamay ng unggoy. Pagkatapos ay itinatali nila sa lupa ang gourd at sa loob ng gourd ay naglalagay sila ng isang bagay na nakaaakit sa unggoy, karaniwan ay prutas tulad ng saging. Susunggaban ng hangal na unggoy ang saging, ngunit dahil nakatikom na ang kanyang kamay, hindi na niya ito maaalis palabas. At hindi niya bibitiwan ang saging, kaya’t siya ay nabibitag.

Si Satanas ay maglalagay ng gayong mga bitag o patibong para sa atin. Ngunit hindi tayo kailangang maging hangal tulad ng unggoy. Maaari tayong bumitaw. Gagawin niyang kaakit-akit at maganda ang kanyang mga bitag o patibong. Ngunit sa huli ay hindi naman maganda o kaakit-akit ito; pangit ito, at terible ang resulta sa huli. Ang buhay nating walang hanggan ay nanganganib, kaya’t kailangan tayong maging mas matalino kaysa sa unggoy. Dapat nating iwasan ang mga bitag o patibong hangga’t makakaya natin at bumitaw kapag may nahawakan tayong isang bagay na hindi naman dapat hawakan.

Huwag Magsapalaran sa Sayawan

Isang gabi noong ako ay 16 na taong gulang, naaalala kong pauwi na ako mula sa isang aktibidad ng Simbahan kasama ang tatlong kaibigan. Lahat kami ay nasa priests quorum at masayang magkakasama. Ipinarada namin ang kotse sa harap ng aming bahay, at pinag-uusapan namin ang kasiyahan namin sa simbahan nang may imungkahi ang isa sa mga kaibigan ko.

Sa di kalayuan ay may isang club na popular sa mga tinedyer. May mga sayawan sila roon tuwing Biyernes at Sabado. Sabi niya, “Dapat magpunta tayo sa isa sa mga sayawan na iyon.” Iminungkahi niya na pagkakataon na rin iyon upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga kabataang naroon. Ang tatlong natitira, kasama ako, ay nagsabi sa kanyang tila hindi magandang ideya iyon. Ang mga pamantayan ay hindi katulad ng sa mga aktibidad ng Simbahan. May mga tao roon na maninigarilyo at iinom ng alak. Hindi disente ang mga kasuotan ng mga tao. Karamihan sa tugtog ay hindi magiging angkop, masyadong malakas, at maingay, at kadalasan ay puno ng mahahalay na salita.

Ito ay isang mabuting kaibigan, isang napakaaktibong binatilyo. Ngunit patuloy niyang iginiit na dapat kaming magpunta. “Basta hindi tayo nakikisali sa masasamang gawain,” sabi niya, “ayos lang.” Sinikap naming tatlo na pigilan siya ngunit hindi namin siya napigil. Sa huli ay sinabi niyang, “Kung ganoon, pupunta akong mag-isa. Ipapakita ko sa inyo na walang masama roon. At hindi ninyo mararanasan ang kasiyahan.” Determinado siyang ilagay pa rin ang kanyang kamay sa cumbuca.

Nagpunta siya sa sayawan nang Biyernes. Kinabukasan, Sabado, dumalo siya sa mga aktibidad ng Simbahan na bukambibig ang kasiyahan doon. Niyaya niya kaming magpunta sa susunod na linggo. Hindi kami nagpunta kahit kailan, ngunit naging regular na ang pagpunta niya hanggang sa huli ay nagsimula na rin siyang magpunta sa mga sayawan sa Sabado ng gabi. At nahuhuli na siya sa pagsisimba sa Linggo dahil pagod siya mula sa pagpupuyat. Sa huli ay nagsimula na siyang pumalya sa pagsisimba.

Ayaw Bumitaw ang Kaibigan Ko

Sa paglipas ng panahon ay hindi na siya regular na nagsisimba. Hanggang sa hindi na siya nakapagmisyon. Tinawagan ko siya sa telepono ilang taon na ang nakararaan. Sa ibang bayan na siya nakatira at malayo sa akin. Nang mapag-usapan namin ang tungkol sa Simbahan, wala na siyang pakialam, hindi na siya ang dati kong kakilala.

Sa pagbabalik-tanaw, naiisip ko kaming apat na nakasakay sa kotseng iyon. Ang tatlo ay nanatiling aktibo sa Simbahan, ikinasal sa templo, at nakapaglingkod at naging mga lider sa priesthood. Ngunit ang isang mabuting kaibigang iyon ay naligaw ng landas, ikinasal sa labas ng Simbahan, at talagang hindi na aktibo ngayon. Hindi alam ng kanyang mga anak ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Kahit na maaari pa rin siyang magsisi, at umaasa akong gagawin niya iyon, nawawala sa kanya ang mahalagang panahon at mga pagkakataon.

Noong gabing iyon sa loob ng kotse, kaming apat ay nasa mga sangang-daan. Hindi ko alam na ang desisyon ay mahalaga sa oras na iyon. Basta ang alam lang namin ay hindi marapat na magpunta sa gusto niyang puntahan. Naaalala kong sinabi niya, “Pupunta tayo roon, at sa pamamagitan ng mabuti nating halimbawa ay mapababalik-loob natin ang ilan sa mga kabataang iyon.” Ngunit siya ay nalilinlang, at sa huli siya ang nabago at napunta sa ibang landas. Kapag nagbabalik-tanaw ako, nakikita ko na ang isang bagay na tila maliit ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa paglipas ng mga taon. Masaya ako na nagawa kong piliin ang tama.

Saan Tayo Dapat Manindigan

Sa Doktrina at mga Tipan 87:8 pinayuhan tayo na, “Tumayo kayo sa mga banal na lugar.” Dapat tayong manindigan sa inaasahan ng Panginoon na paninindigan natin. Kailangang magpasiya tayo ngayon na hindi natin ilalagay sa alanganin ang ating mga pamantayan. Hindi natin hahayaang linlangin tayo ni Satanas. Hindi tayo pabibitag.

Sa Biblia ay nababasa natin ang tungkol kay David, na bilang batang pastol ay sinasabing may pusong tulad ng sa Panginoon (tingnan sa I Samuel 13:14; 16:7). Bunso sa walong anak na lalaki, siya ay hinirang ni Samuel na maging hari ng Israel, at “ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang suma kay David mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin” (I Samuel 16:13). Nakipaglaban siya at tinalo si Goliath sa ngalan ng Panginoon (tingnan sa I Samuel 17:45–51). Kahit nang tumakas siya, siya ay pinagpala, ginabayan, at kinilala bilang hinirang ng Panginoon, at sa huli ay naging makapangyarihang hari ng Israel (tingnan sa I Samuel 19–26; II Samuel 5:3, 8, 10).

Ngunit dumating ang sandali nang hindi tumayo si David sa banal na lugar. Sa halip, tumayo siya sa itaas ng bubong at minasdan ang magandang babaing naliligo. Bagamat asawa na ito ng ibang lalaki, naakit si David sa kanya at ayaw niyang iwaksi ang naisip niyang masama. Nangalunya sila, at nang mabuntis ang babae, isinaayos ni David ang kamatayan ng asawa nito. (Tingnan sa II Samuel 11:2–17.) Sa halip na bitiwan ang tukso nang dumating ito, si David ay nagpatangay sa tukso. Iniukol niya ang nalalabi niyang buhay sa pagsisisi sa kanyang ginawa.

Maliliit na Pagpili, Malalaking Bunga

Kung gayon, paano ninyo malalaman kung saan maninindigan at ano ang gagawin? Ang isang sanggunian ay ang Para sa Lakas ng mga Kabataan. Kailangang maging pamilyar kayo sa buklet na iyon. Napakalinaw ng mga turo tungkol sa angkop na pananamit at musika, sa uri ng pananalitang dapat gamitin, anong uri ng mga kaibigan dapat mayroon kayo, at marami pang iba. Kailangan kayong maging pamilyar sa mga pamantayang ito, at kailangan kayong gumawa ng desisyon ngayon na susundin ninyo ang mga ito at hindi ikokompromiso. Ang desisyon ay hindi dapat gawin sa oras ng tukso.

Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang mga positibong bagay na gusto ninyong maisakatuparan ay minsan lamang kailangang desisyunan—tulad ng pagmimisyon at pamumuhay nang marapat upang maikasal sa templo—at pagkatapos ang lahat ng iba pang mga desisyon na may kaugnayan sa mga mithiing ito ay madali na lang magagawa. Dahil kung hindi, ang bawat pagsasaalang-alang ay mapanganib, at bawat hindi maliwanag na pagsasalita ay maaaring magbunga nang mali. May ilang bagay na ginagawa ang mga Banal sa mga Huling Araw, at may iba pang mga bagay na basta hindi natin ginagawa. Kapag mas maaga kayong nagpasiya na gawin ang tama, mas makabubuti para sa inyo!”1

Mga kaibigan kong kabataan, maging mas matalino kayo kaysa sa unggoy! Huwag ninyong sunggaban ang isang bagay na tila kaakit-akit at pagkatapos ay tumangging bitiwan ito. Manindigan kung saan gusto ng Panginoon na kayo ay manindigan, gawin ang gusto Niyang gawin ninyo, at hindi kayo kailanman mabibitag sa cumbuca.

Tala

  1. “President Kimball Speaks Out on Planning Your Life,” Tambuli, Hunyo 1982, 38.

Paglalarawan ni Brian Call

Kanan: paglalarawan ni Matthew Reier