Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Paglalarawan sa Pagiging Ama
Hindi pambihira ang makakita ng dalawang taong nagbibisikleta, pero ngayong Linggo nang makita ko ang simpleng hitsura nila naalala ko ang nakaraan at nagtiwala ako sa hinaharap.
Linggo noon, at pumunta kami ng pamilya ko sa paglalaan ng isang binagong modelo na meetinghouse sa lugar namin. Ilang minuto lang bago ang sacrament meeting, hiniling ng stake president na magmaneho ako papunta sa gusali ng ward namin, na tatlong kilometro ang layo, para kunin ang isang bagay na kailangan niya. Sapat lang ang oras ko para makapunta roon at makabalik. Habang ginagawa ko ang simpleng utos, may naranasan ako na espirituwal na nakaantig sa akin—isang magandang paalaala kung ano ang mahalaga.
Nang ilang kanto na lang para makabalik ako sa miting, nakita ko sa banda roon ang dalawang bisikleta, isang malaki at isang medyo maliit, bawat isa ay masiglang pinatatakbo ng nakasakay. Nakilala ko kaagad ang mga siklista. Kilalang-kilala ko ang dalawang ito, isang mabait na brother sa ward ko at ang anak niyang binatilyo. Papunta sila sa simbahan sakay ng bisikleta—tulad ng ginagawa nila tuwing Linggo.
Habang pinagmamasdan sila, may pumasok sa isip ko mula sa hinaharap, na maaalala ng batang iyon—at maging ng kanyang ama—ang pagbibisikletang iyon. Naisip ko, “Kayganda ng halimbawang ipinapakita ng amang ito at ng magiging walang hanggang impluwensya niya sa mahal na anak ng Diyos na ibinigay sa kanya. Ang batang iyon,” napag-isip ko, “ay maaaring lumaki na pinahahalagahan ang karanasang iyon, at marahil ay gagawin din niya ito kapag naging ama na siya.”
Nang maabutan ko sila, nalarawan sa isipan ko ang isa sa mga alaala ng aking kabataan tungkol sa sarili kong ama, na madalas magsakay sa akin sa kanyang bisikleta. Ang malapit na ugnayang ito na nabubuo mula sa ganitong mga uri ng karanasan ay nakasisiyang taglayin at masayang alalahanin.
Pagdating ko sa simbahan, nginitian ko ang mga nagbibisikleta at ngumiti rin sila para ipakita ang payapang kaligayahang dulot ng pagsisimba. Sa miting ng priesthood sa hapong iyon, nagkaroon ako ng pagkakataong ipahayag sa brother na ito kung gaano ko hinangaan ang larawan ng pagiging matwid na ama na nakita ko kanina. Nagningning ang kanyang mukha, at marahil ay nagulat siya dahil ang sinabi ko ay karaniwang pangyayari para sa kanya.
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, mapalad tayong makita ang larawan ng maraming amang tulad nito na nagtataguyod ng espirituwal at emosyonal na kapakanan ng kanilang mga anak. At bilang mga batang nabiyayaan ng gayong mga magulang, madarama natin ang lubos na pasasalamat sa simple ngunit malalim na mga halimbawa at sakripisyo nila.