2010
Ang Batas ng Ayuno
Marso 2010


Mga Klasikong Ebanghelyo

Ang Batas ng Ayuno

Ang batas ng ayuno ay isang perpektong batas, at hindi tayo magiging perpekto hangga’t hindi natin ipinapasiya na gawin itong bahagi ng ating buhay.

Elder Robert L. Simpson

Ang isa sa pinakamadalas makaligtaan subalit pinaka-kailangang mga batas sa magulong henerasyong ito sa isang makabagong mundong mabilis ang takbo at puno ng kaabalahan ay ang batas ng ayuno. Ang pag-aayuno at pananalangin ay halos itinuturing na iisa ang layunin noon pa mang unang panahon. Ang henerasyon ni Adan ay nag-ayuno at nanalangin, tulad ng ginawa ni Moises sa Sinai ([tingnan sa] Deuteronomio 9:9–11). …

… Kasunod ng pagbisita ng Panginoon … sa Western Hemisphere, sinabihan ang mga tao na magpatuloy sa “pag-aayuno at panalangin, at sa madalas na pagtitipong magkakasama kapwa upang manalangin at makinig sa salita ng Panginoon” (4 Nephi 1:12). Lubos at tapat ang pagsunod ng mga tao sa Kanyang mga utos kaya “hindi nagkaroon ng alitan sa lahat ng tao, sa buong lupain; kundi may mga makapangyarihang himalang ginawa sa mga disipulo ni Jesus” (4 Nephi 1:13). Nakatutuwang matamasa ang gayong kalagayan ngayon!

Panalangin at Pag-aayuno Ngayon

Muling tiniyak ang Kanyang batas sa ating panahon, dahil sa pamamagitan ng isang makabagong propeta … , sinabi Niya, “Binibigyan ko kayo ng isang kautusan na kayo ay magpatuloy sa panalangin at pag-aayuno mula sa panahong ito” [D at T 88:76]. Pagkatapos sa kasunod na talata mismo ay binanggit Niya na pagtuturo ng ebanghelyo halos ang pangunahing bunga ng proseso ng panalangin at pag-aayuno. Sa mga salita ng Panginoon:

“At binibigyan ko kayo ng kautusan na turuan ninyo ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian.

“Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadalo sa inyo, upang kayo ay lalong ganap na matagubilinan sa teoriya, sa alituntunin, sa doktrina, sa batas ng ebanghelyo, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos, na kapaki-pakinabang ninyong maunawaan” (D at T 88:77–78).

Walang lalaki o babaeng makaaasang makapagturo ng mga espirituwal na bagay maliban kung siya ay gabayan ng espiritung iyon, sapagkat “ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo.

“At ang lahat ng ito ay inyong tutuparing gawin tulad ng aking iniutos hinggil sa inyong pagtuturo, hanggang ang kabuuan ng aking mga banal na kasulatan ay ibigay.

“At habang inyong itinataas ang inyong mga tinig sa pamamagitan ng Mang-aaliw, kayo ay magsasalita at magpopropesiya sa inaakala kong mabuti sa akin;

“Sapagkat, masdan, batid ng Mang-aaliw ang lahat ng bagay, at nagpapatotoo sa Ama at sa Anak” (D at T 42:14–17).

Isang Pangako sa Lahat ng Guro

Ah, na lahat ng guro ay maunawaan ang espiritu ng pangakong ito at angkinin ang handog nitong pakikipagtuwang, na para sa lahat ng abala sa pagtuturo ng katotohanan.

Wala nang mas magagandang halimbawa ng pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu kaysa mga anak ni Mosias. Ikinuwento sa atin ng Aklat ni Mormon kung paano sila naging “malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.

“Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos” (Alma 17:2–3).

May lider ba ng priesthood o auxiliary saanman sa Simbahang ito na hindi ibibigay ang lahat upang magtaglay ng gayong kapangyarihan, ng gayong katiyakan? Alalahanin ito, higit sa anupaman, ayon kay Alma, na itinuon nila ang kanilang sarili, sa maraming pag-aayuno at panalangin. Alam ninyo, may ilang pagpapalang makakamtan lamang kapag umayon tayo sa isang partikular na batas. Nilinaw ito nang husto ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith nang ipahayag Niyang, “Sapagkat lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at ang mga batayan nito, gaya ng pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig” (D at T 132:5).

Ngayon, maaari sanang hindi ipahayag nang mas malinaw ng Panginoon ang kundisyon, at, sa aking opinyon, napakaraming magulang ngayon na Banal sa mga Huling Araw na pinagkakaitan ang kanilang sarili at kanilang mga anak ng isa sa pinakamatatamis na espirituwal na karanasang inihanda ng Ama para sa kanila.

Ang Buwanang Araw ng Ayuno

Bukod sa paminsan-minsang karanasan sa pag-aayuno para sa espesyal na layunin, bawat miyembro ng Simbahan ay inaasahang hindi kakain ng dalawang [magkasunod na] kainan sa Linggo ng ayuno at patotoo. …

Sinasabi sa atin ng magagaling na doktor na nakikinabang ang ating katawan sa paminsan-minsang pag-aayuno. Iyan ang nangungunang pagpapala at marahil ay pinakamaliit ang kahalagahan. Pangalawa, nag-aambag tayo ng perang naimpok mula sa pagliban sa pagkain bilang handog-ayuno sa bishop para sa mga maralita at nangangailangan. At pangatlo, nakakamit natin ang partikular na espirituwal na kapakinabangan na maaaring hindi dumating sa atin sa ibang paraan. Pagpapabanal iyon ng kaluluwa para sa atin ngayon tulad noon sa ilang piling taong nabuhay 2,000 taon na ang nakalilipas. Babasa ako nang maikli mula sa Aklat ni Mormon: “Gayon pa man, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos” (Helaman 3:35). Gusto ba ninyong mangyari ito sa inyo? Puwedeng mangyari iyan!

Napansin ba ninyong sinabi rito na ang mga gumagawa nito ay napupuspos ang kaluluwa ng “kagalakan at kasiyahan”? Alam ninyo, karaniwan ay iniisip ng mundo na ang pag-aayuno ay panahon para “[m]anamit ng magaspang at ng mga abo,” para magpakita ng lungkot, isang taong dapat kaawaan. Sa kabilang banda, nagbabala ang Panginoon:

“Bukod dito, pagka kayo’y nangagaayuno, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw, na may mapapanglaw na mukha: sapagka’t kanilang pinasasama ang mga mukha nila, upang makita ng mga tao na sila’y nangagaayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti.

“Datapuwa’t ikaw, sa pagaayuno mo, ay langisan mo ang iyong ulo, at hilamusan mo ang iyong mukha;

“Upang huwag kang makita ng mga tao na ikaw ay nagaayuno, kundi ng Ama mo na nasa lihim: at ang Ama mo, na nakakikita sa lihim, ay gagantihin ka” (Mateo 6:16–18).

Mga Pagpapala ng Pag-aayuno

Ngayon, bumaling tayo sa pinakamahalagang bahagi ng dakilang batas na ito. Sa ngayon natalakay pa lang natin ang mga bahaging nagpapala sa atin. Ang tunay na kagalakan ay kasama sa pagpapala sa mga maralita at nangangailangan. Sapagkat sa pagtupad sa magandang gawaing ito na katulad ng kay Cristo ay naipamumuhay natin ang “dalisay na relihion at walang dungis” na binanggit ni Santiago [tingnan sa Santiago 1:27]. May maiisip ba kayong mas maganda o mas perpektong gawaing Kristiyano kaysa “dalisay na relihion at walang dungis”? Wala akong maisip.

Sinabi ng Panginoon, na nangusap sa pamamagitan ni Moises:

“Kung magkaroon sa iyo ng isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan sa iyong lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid:

“Kundi iyo ngang bubuk[san] ang iyong kamay sa kaniya” (Deuteronomio 15:7–8).

Pagkatapos ay nangako Siya sa kanya na nagbibigay: “Pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong gawa, at sa lahat ng hipuin ng iyong kamay” (Deuteronomio 15:10). Nagtapos Siya sa pagsasabing: “Kaya’t aking iniutos sa iyo, na aking sinasabi, Bubuk[san] mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nagkakailangan sa iyo, at sa dukha mo, sa iyong lupain” (Deuteronomio 15:11). …

Isang Batas na Nagpapasakdal

Ang batas ng ayuno ay isang perpektong batas, at hindi tayo magiging perpekto hangga’t hindi natin ipinapasiya na gawin itong bahagi ng ating buhay. Nasa inyo na kung kailan ninyo gustong simulan o tapusin ang inyong ayuno, ngunit hindi ba magandang tapusin ito at maging napakaespirituwal sa pulong-ayuno at patotoo?

Nasa inyo na rin kung magkano ang ibibigay ninyong donasyon sa bishop, ngunit hindi ba nakatutuwang malaman na kusa at tumpak ang inyong pagsusulit sa Panginoon?

Ang Kasiyahan ay Kasama sa Pagsunod

… Napansin na ba ninyo kung gaano kasaya ang inyong pakiramdam tuwing sumusunod kayo sa gusto ng Ama sa Langit? Walang papantay sa kapayapaan ng isipan na laging dumarating bilang gantimpala sa pagsunod sa katotohanan.

Kailangan ng mundo ang disiplina sa sarili. Matatagpuan ninyo ito sa pag-aayuno at panalangin. Magulo ang ating henerasyon dahil sa kawalan ng kontrol sa sarili. Nakakatulong ang pag-aayuno at panalangin para maikintal ang banal na katangiang ito.

Ang kinabukasan ng mundo ay nakasalalay sa dagliang panunumbalik ng pagkakaisa ng pamilya. Makakatulong ang pag-aayuno at panalangin para tiyak na mangyayari ito. Bawat tao ay may ibayong pangangailangan sa banal na patnubay. Wala nang mas magandang paraan. Lahat tayo ay kailangang daigin ang mga puwersa ng kaaway. Ang kanyang impluwensya ay salungat sa pag-aayuno at panalangin. …

… Idinaragdag ko ang aking patotoo sa patotoo ni Alma noon nang sabihin niyang:

“Masdan, ako ay nagpapatotoo sa inyo na alam ko na ang mga bagay na aking sinabi ay totoo. At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?

“Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu” (Alma 5:45–46).

Detalye ng Ang Pagbabalik-loob ni Nakababatang Alma at ng mga Anak ni Mosias, ni David Linn, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; paglalarawan ni Matthew Reier

Kaliwa, mula itaas: mga paglalarawan nina Jerry Garns at Michael Sandberg; kanan: paglalarawan ni Steve Bunderson