Dinoble Namin ang Aming Handog-Ayuno
Brooke Mackay, California, USA
Habang nakaupo kami sa sacrament meeting isang Linggo ng umaga, hiniling ng aming bishop sa mga miyembro ng aming ward “na magbigay ng mas malaking handog-ayuno. Kaming mag-asawa ay bagong kasal noon at nagsisikap makaraos habang nagtatapos siya sa pag-aaral. Hindi ba dapat ay mayayamang miyembro ng ward ang magdagdag sa kanilang handog-ayuno?
Nangako ang bishop sa mga miyembro ng ward na makakaranas sila ng mga himala sa kanilang buhay kung dodoblehin nila ang kanilang handog-ayuno. Sa kabila ng aking pag-aalala, pinagtibay sa akin ng Espiritu na totoo ang kanyang pangako.
Nanginginig na isinulat ko ang tseke para sa aming handog-ayuno nang sumunod na linggo, at dinoble ko ang halaga. “Magugutom kami,” sabi ko sa sarili habang isinasara ko ang sobre.
Ilang araw ang lumipas pagsakay ko sa kotse para pumasok sa trabaho, sumindi ang pulang ilaw na babalang paubos na ang langis. Nagdagdag ako ng langis, pero agad itong tumagas mula sa makina habang ibinubuhos ko ito. Nang tawagin ko ang mekaniko namin, sinabihan niya akong dumeretso sa kanyang talyer. Pigil ang luhang nagmaneho ako nang ilang milya papunta sa kanyang talyer at tahimik akong nanalangin.
Nagbabala ang mekaniko na malamang na malaki ang magastos sa pagpapakumpuni pero kailangan itong gawin. Sinabi din niya na halos panahon na para palitan ang timing belt ng kotse—isa pang gastos na hindi namin kakayanin. Iniwan ko ang kotse sa talyer at pumasok na sa trabaho na litung-lito.
Kalaunan, nang tumawag ang mekaniko, masaya siya at masigla. “Siyempre naman,” naisip ko, “malaking pera ang kikitain niya sa amin.”
Ang totoo, tumawag siya para magbahagi ng isang kamangha-manghang kuwento. Habang kinukumpuni niya ang kotse namin, napadaan ang isang kaibigan sa talyer niya. Tinanong ng kaibigang ito, na nagtatrabaho sa isang dealership na nagkukumpuni ng klase ng kotse ko, ang mekaniko namin kung ano ang ginagawa niya. Nang ipaliwanag ng mekaniko namin ang problema, sabi ng kaibigan niya, “Alam mo, puwedeng ipagawa sa kumpanya namin ang problemang iyan. Sagot iyan ng gumawa ng kotse.”
Hindi ako makapaniwala! Pagkatapos ay ipinaliwanag ng mekaniko namin na napuno ng langis ang buong makina, kaya sagot din ng gumawa ng kotse ang pagpapalit ng timing belt at iba pang mga belt!
Dumaloy ang mga luha ng pasasalamat mula sa aking mga mata nang matanto ko ang pagpapalang natanggap ko mula sa Panginoon. Naantig ako sa Kanyang pagmamahal at nahiya sa kakulangan ko ng pananampalataya.
Hindi pa ganap ang pananampalataya ko mula nang maganap ang insidenteng ito ilang taon na ang nakararaan, ngunit alam kong batid ng Panginoon ang mga pangangailangan at kahirapan natin. Alam kong mahal Niya tayo at nais tayong tulungan. Alam ko rin na susubukan tayo ng Ama sa Langit at hindi Niya laging sasagutin ang ating mga dalangin nang simbilis ng ginawa Niya sa pagkakataong ito.
Ang pinakamahalaga, may patotoo ako tungkol sa mga pagpapalang matatanggap natin sa pagbabayad ng malaking handog-ayuno at sa mga pagpapalang natatanggap ng iba dahil sa ating pagbibigay.