2010
Tunay Kaming Pinrotektahan ng Panginoon
Marso 2010


Tunay Kaming Pinrotektahan ng Panginoon

Noong Hunyo 7, 1994, pauwi na ako sakay ng barko kasama ang lima pang ibang misyonero pagkatapos ng zone conference sa Eastern Samar, Philippines. Maalinsangan at mainit ang hangin sa gabi. Matapos iligpit ang mga bagahe namin sa aming higaan sa ikalawang palapag, nagtungo kaming apat sa kubyerta sa harapan para matakasan ang init. Gayunman, hindi sumama sina Elder Dunford at Elder Bermudez at natulog sila.

Kausap ko si Elder Kern nang marinig namin ang pagsabog na parang mga paputok mula sa kanang panig ng barko. Dagliang tinupok ng apoy, na pinasiklab ng krudong nasa kinaroroonan ng makina, ang likuran ng barko. Napuno ng usok ang mga daanan, na sinundan ng pagkawala ng ilaw kaya naiwan sa dilim ang takot na mga pasahero.

Magkakama kaming apat sa kubyerta, at ipinagdasal namin na mapayapa at magliwanag ang aming isipan at gabayan kami ng Espiritu. Pagkatapos ay agad bumalik si Elder Valentine sa loob ng barko para maghanap ng mga life jacket. Sa loob ng cabin nakita niya si Elder Dunford, na nagbigay sa kanya ng dalawang life jacket at umalis para hanapin si Elder Bermudez. Pagkatapos ay nakakita si Elder Valentine ng dalawa pang life jacket sa dilim. Himalang sa kabila ng kaguluhan ay nakalusot siya sa daanan nang walang sagabal at nakabalik sa kubyerta sa loob ng 20 segundo. Sa sandaling ito ay siksikan na ang mga pasahero sa gawaing harapan ng barko, at papalapit na ang apoy. Wala nang ibang magagawa kundi ang tumalon. Isinuot namin ang mga life jacket at nag-alay ng maikling panalangin bago tumalon. Naitulak ng takot na grupo sa likuran namin si Elder Valentine, ngunit bumagsak siya sa tubig na 10 talampakan (3 m) ang taas mula sa barko nang hindi nasasaktan.

Maliwanag ang paligid ng barko dahil sa apoy, at naririnig namin ang tilian ng mga tao sa aming paligid. Nagkita-kita kaming apat ilang dipa mula sa barko, sa gitna ng mga taong nagsitalon na rin, at lumangoy kami para makalayo sa nagliliyab na tatlong palapag na barko. Muli kaming nagdasal, at nagpasalamat sa ating Ama sa Langit sa proteksyong natanggap namin at humingi kami ng tulong sa paghahanap sa mga kasama naming sina Elder Dunford at Elder Bermudez. Nakita sila ni Elder Valentine na may suot na life jacket, ngunit hindi namin sila nakita sa kubyerta.

Nang maapula na ang apoy, madilim na ang gabi, at rumaragasa ang mga alon, kaya nahirapan kaming manatiling nakalutang kahit may suot kaming life jacket. Muli kaming nagdasal, sa pagkakataong ito para sa patnubay na makakita ng taong matutulungan. Di nagtagal nakakita kami ng dalawang babaeng may kasamang mga anak at isang matandang lalaki, at nagpalitan kami para mapanatiling nakalutang ang lahat. Nakaya naming gawin ito hanggang sa makakita kami ng isang maliit na balsa at isinakay namin ang mga pasahero doon, ngunit naisip namin na magagamit iyon ng iba, kaya nanatili na lang kami sa tubig.

Pagkaraan ng 30 minuto lumakas ang hangin, nagsimulang umulan, at naglakihan pa ang mga alon. Hindi pa rin namin tiyak kung ano ang nangyari sa iba pang mga elder at alam namin na dahil sa unos ay matitigil ang anumang pagsagip. Ipinagdasal ni Elder Kern, na naging tinig ng grupo, na pumapaya na ang unos at maprotektahan ang iba pang mga elder. Sa loob ng ilang minuto, nawala na ang unos.

Naghintay kami, sindak sa aming nasaksihan, pagkatapos ay narinig namin si Elder Dunford na humihiyaw kay Elder Kern. Sumigaw kami at lumangoy papunta sa kanila. Nakuhang tumalon nina Elder Dunford at Elder Bermudez mula sa barko sa pag-akyat sa bintana, at may dalawang babae na nakakapit sa likod nila na walang mga life jacket.

Matagal kaming nanatiling magkakasama, pagkatapos ay nakita namin ang mga ilaw ng bangkang pangisda na paalis ng pampang ng Guiuan. Hindi nagtagal nakita kami ng isang bangka, ngunit halos puno na ito, kaya isinakay namin ang dalawang babae rito at naghintay kami.

Dalawang oras na kaming nasa tubig nang makita kami ng isa pang bangka at dinala kami sa pampang. Nakarating kami sa missionary apartment sa Guiuan noong madaling araw ng Hunyo 8, na ika-21 kaarawan ko. Ipinagdasal naming masagip ang ibang naroon pa sa dagat at muli kaming nagpasalamat sa ating Ama sa Langit sa proteksyong natanggap namin.

Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasang ito, at sana’y hindi ko malimutan ang kapanatagang nadama ko sa kahindik-hindik na karanasang iyon. Talagang pinrotektahan kami ng Panginoon. Mula sa karanasang ito, mas lumakas ang aking patotoo na ang Panginoon ay palaging nasa tabi ng Kanyang mga anak at pinagkakalooban tayo ng kapayapaan at tulong na kailangan natin sa oras ng mga pagsubok.

Paglalarawan ni Michael T. Malm