Isang Patotoo ng Propeta
“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko … ; maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).
Pagkatapos akong mabinyagan at makumpirma, sinabi ng lola ko, “Nasa iyo na ngayon ang Espiritu Santo, at mahalagang magkaroon ka ng patotoo tungkol sa propeta.” Di nagtagal nagpunta ako sa pangkalahatang kumperensya sa unang pagkakataon—ang kumperensya sa buwan ng Oktubre noong 1949.
Magandang karanasan iyon. Natulog ako sa bahay ng mga lolo’t lola ko. Naaalala kong gumising ako nang napakaaga sa araw ng Sabado at sumakay ng bus papunta sa kabayanan ng Salt Lake City kasama ng lola ko. Naglakad kami papunta sa Temple Square at napakatagal na pumila. Nang nakapasok na kami sa Tabernacle, sa likuran kami umupo.
Ilang sandali bago magsimula ang miting, naging matahimik at tumindig ang lahat. Pagkatapos ay pumasok si Pangulong George Albert Smith (1870–1951). Nakita ko si Pangulong Smith at ang kanyang mga tagapayo. Hindi ko kailanman nalimutan ang nadama ko noong una kong makita ang propeta. May nadama akong kakaiba at napakaespesyal. Nalaman ko noon na siya ay propeta ng Panginoon.
Napakahalagang pangyayari iyon. Ganoon pa rin ang pakiramdam ko kapag nakikita ko ang Pangulo ng Simbahan ngayon. Tatlong Pangulo na ng Simbahan ang napaglingkuran ko bilang General Authority. At kapag pumapasok na ang Pangulo, nasa akin pa rin ang patotoong iyon: “Siya ang propeta.”
Hindi kayo napakabata para magkaroon ng patotoo na ang Pangulo ng Simbahan ay ang propeta ng Panginoon. Kapag may ganyan na kayong patotoo habang bata pa kayo, palalakasin kayo nito sa inyong buhay. Malalaman ninyo na ang Panginoon ay totoong may propeta at na pinagpapala tayo kapag nakikinig tayong mabuti sa mga itinuturo niya.