2010
Matapos ang 180 Taon, Halos 150 Milyon na ang Kopya ng Aklat ni Mormon
Marso 2010


Matapos ang 180 Taon, Halos 150 Milyon na ang Kopya ng Aklat ni Mormon

Habang papalapit ang ika-180 anibersaryo ng pagkalathala sa Aklat ni Mormon sa Marso, may isa na namang mahalagang pangyayari na magaganap sa sagradong kasulatang ito: ang paglimbag ng ika-150 milyong kopya nito.

Ang unang mga kopya ng Aklat ni Mormon ay ipinagbili sa E. B. Grandin’s bookstore noong Marso 26, 1830. Sa kabuuan, 5,000 kopya ang unang inilimbag. Sa pagitan ng 1830 at 1987, mahigit 39 milyong kopya ang nailimbag.

Noong 1988 sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “Noon pa man ay panahon na para punuin ang mundo ng Aklat ni Mormon” (“Flooding the Earth with the Book of Mormon,” Ensign, Nob. 1988, 4).

Noong 1990 ang ika-50 milyong kopya ay nailimbag para ipamahagi ng mga miyembro at misyonero. Dumoble ang bilang na iyon noong 2000, at tinatayang naglilimbag ang Simbahan ng isang kopya kada pitong segundo sa loob ng sampung taon—ang bilis ng paglimbag na pinanatili ng Simbahan para maabot ang tinatayang 150 milyong kopya sa katapusan ng 2010. Ang karamihan ng paglimbag ay ginawa sa Salt Lake City, USA, ngunit ginamit din ang mga limbagan sa Brazil, Germany, Japan, Korea, at Taiwan.

Isang Napakalakas na Impluwensya

Isa sa maraming dahilan na ibinigay ni Pangulong Benson sa pagpuno sa mundo ng Aklat ni Mormon ay ang impluwensya nito. Itinuro ni Propetang Joseph Smith sa mga lider ng Simbahan noon na “ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan, Joseph Smith p. 74).

Mula noon nadama ng maraming tao ang impluwensya ng aklat. Noong 2003 pinangalanan ng magasing Book ang Aklat ni Mormon bilang isa sa “20 Aklat na Nagpabago sa Amerika,” at napabilang ito sa mga gawang tulad ng Common Sense ni Thomas Paine at The Grapes of Wrath ni John Steinbeck.

Noong Agosto 2005 ipinangako ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa mga miyembrong nagbabasa ng Aklat ni Mormon na “darating sa inyo at sa inyong tahanan ang Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa paninindigan ninyong sundin ang Kanyang mga utos at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos” (“Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tapat,” Liahona, Ago. 2005, 6).

Ganito ang sinabi niya tungkol sa aklat noong Oktubre 2007: “Sa paglipas ng mga taon ay sinikap ng mga kritiko na ipaliwanag ito. Nagsalita sila laban dito. Binatikos nila ito. Ngunit nanaig ito sa kanilang lahat, at ang impluwensya nito ngayon ay mas malakas pa kaysa alinmang panahon sa kasaysayan nito” (“Ang Batong Tinibag Mula sa Bundok,” Liahona, Nob. 2007, 83).

Ang Gawain ng Pagsasalin

Bahagi ng impluwensyang iyon ang bilang ng mga wika na paraan ng paglaganap ng aklat sa mundo.

Ang Aklat ni Mormon ay nailathala na sa kabuuan nito sa 82 wika, na may mga piling bahagi sa aklat na isasalin pa sa karagdagang 25 wika. Ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon matapos ang Ingles ay sa wikang Danish noong 1851, na sinundan ng French, Italian, Welsh, at Aleman noong 1852.

Kasalukuyang ginagawa ang pagsasalin sa karagdagang mga wika. Kabilang sa mga natapos nang pagsasalin nitong mga nakaraang taon ang Guarani, wikang gamit sa Paraguay; Sinhala, wika sa Sri Lanka; Yoruba, wika sa West Africa; at Serbian, wika sa buong timog-silangang Europa.

Si Mojca Zeleznikar ay sumapi sa Simbahan bago naisalin ang Aklat ni Mormon sa kanyang katutubong wikang Slovenian. Nagkaroon siya ng patotoo sa ebanghelyo nang makinig siya sa mga misyonero at sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa wikang Croatian at Ingles.

Ilang taon matapos mabinyagan si Sister Zeleznikar, isinalin ang Aklat ni Mormon sa Slovenian. Nang mabasa niya ang isinaling texto, nadama niya ang ganap na kapangyarihan ng mga salita. “Nadama ko ang pagkahayag ng katotohanan sa simpleng kalinawan at sa malalim na kadalisayan,” paggunita niya. “Ang tinig ng aking Manlilikha [ay nangusap] sa akin sa sarili kong wika—ang wikang gamit ng aking ina sa pakikipag-usap sa akin.”

Punuin ang Mundo

Bukod sa patuloy na pagdami ng mga saling-wika, ginagamit din ng Simbahan ang makabagong teknolohiya sa pagpuno sa mundo ng Aklat ni Mormon sa iba’t ibang format.

Sinabi ni Pangulong Benson, “Sa panahong ito ng electronic media at maramihang pamamahagi ng nakalimbag sa salita, papananagutin tayo ng Diyos kung hindi natin palalaganapin ang Aklat ni Mormon sa pambihirang paraan” (“Flooding the Earth,” 4).

Ang mga audio recording ng Aklat ni Mormon sa Ingles, Portuges, at Espanyol ay mapapakinggan sa www.audio.lds.org, kasama ang iba pang mga wika sa taong 2010. Ang electronic text ng Aklat ni Mormon ay kasalukuyang mababasa sa 16 na wika sa www.scriptures.lds.org (mag-klik sa English para sa listahan ng mga wika); mahigit sa 600,000 katao ang gumagamit ng online edition ng mga banal na kasulatan bawat buwan.

Ang buong nilalaman ng mga pamantayang banal na kasulatan at mga pantulong sa pag-aaral ay nasa maraming wika na rin sa CD-ROM The Scriptures: Electronic Study Edition, na mabibili sa mga distribution center sa inyong lugar. Ang bagong DVD-ROM edition na may karagdagang 20 wika ay ilalabas sa huling bahagi ng taong ito.

Maglalabas din ang Simbahan ng official application ng mga banal na kasulatan para sa mga mobile device na makukuha sa wikang Ingles sa 2010, kasunod ang iba pang mga wika.

Hindi maikakaila ang mga bunga ng pagbabahagi ng Aklat ni Mormon. Ang saligang batong ito at karagdagang tipan ni Jesucristo ay tumutulong sa daan-daang libong bagong miyembro bawat taon na malaman at matanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Dahil mas maraming kopya ng Aklat ni Mormon ang mababasa at mapapakinggan sa mas maraming wika at sa mas maraming format at mas maraming misyonero at miyembro ang magbabahagi nito, patuloy na lalaganap ang Aklat ni Mormon at ang impluwensya nito.

Gayunpaman, dahil bilyun-bilyon pang tao ang dapat marating nito, ang nadama ni Pangulong Benson noong 1988 na paglalathala at pamamahagi ng aklat ay kailangan pa rin ngayon.

“Nasa atin ang Aklat ni Mormon,” sabi niya. “Mayroon tayong mga miyembro, mayroon tayong mga misyonero, at may pangangailangan ang mundo. Ngayon na ang panahon!” (“Flooding the Earth,” 4).

Dagdag pa sa nakalimbag na edisyon, nasa maraming digital format na rin ang Aklat ni Mormon.

Nailimbag na ang Aklat ni Mormon sa kabuuan nito sa 82 wika.