2010
Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako
Marso 2010


Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako

Mga Young Women sa Liberia Natutuhan ang Tungkol sa Pansariling Pag-unlad

Ang mga kabataang babae sa Liberia, Africa, ay tinuruan ang isa’t isa tungkol sa kanilang banal na katangian at sa programa ng Pansariling Pag-unlad sa kaunting tulong ng iba pang mga kabataang babae sa kabilang panig ng mundo sa isang espesyal na district Young Women conference na ginanap noong Agosto 2009.

Sa nakalipas na tatlong buwan nagsimula ang pagsasanay at paghahanda para sa mga kabataang babae, na nakatira sa Monrovia Liberia Bushrod Island District ng Sierra Leone Freetown Mission. Ang tema ng kumperensya ay “Princess for a Day, Queen for Eternity” [Prinsesa sa Isang Araw, Reyna sa Kawalang-Hanggan]. Bawat branch sa district ay dapat makapagsagawa ng workshop tungkol sa isang pinahahalagahan at bumuo ng maikling dula na nagtuturo ng isa pang pinahahalagahan, binibigyang-diin kung paano pakikitunguhan ng isang anak na babae ng Diyos ang iba at ang kanyang sarili.

“Ang mga kabataang babaeng ito ang kinabukasan ng Africa, ang mga pioneeer ng kanilang bansa sa maluwalhating ebanghelyong ito,” sabi ni Sister Belinda Wire, isang full-time missionary na nakibahagi sa kumperensya kasama ang kanyang asawang si Elder Bill Wire.

Pagkatapos ng mga workshop, dula, at iba pang mga aktibidad, ibinigay ng mga nag-organisa sa mga kabataang babae ang mga liham na ipinadala ng mga kabataang babae mula sa ibang bansa, na nagbabahagi ng kanilang mga patotoo sa ebanghelyo at sa Pansariling Pag-unlad.

“Ang mga puso sa iba’t ibang panig ng mundo ay pinag-isa,” sabi ni Sister Wire. “Habang hawak ng mga kabataang babaeng ito ang mga liham, alam nila na ang mga kabataang babaeng iyon ay naniniwalang tulad nila, nagbabasa ng mga aklat na binabasa nila, sumusunod sa pareho ring mga programa, ginagabayan ng pareho ring propeta, at minamahal ng pareho ring Diyos.”

Pananampalatayang Ginantimpalaan sa Galapagos

Bagaman kaunti lamang ang bilang, ang mga Banal sa Galapagos Islands, na nasa baybayin ng Ecuador sa Pacific Ocean, ay matatag ang pananampalataya. Noong Setyembre nasaksihan ng mga miyembro ang pagtapos sa unang meetinghouse ng pulo.

Ang inupahang gusali kung saan dating nagdaraos ng mga pulong ang Galapagos Islands Branch na tinawag na “el Castillo Blanco” ng mga miyembro, ay hindi kalakihan para makapagdaos ng sacrament meeting sa iisang silid, kaya kinailangang magpulong ang mga miyembro sa tatlong silid.

Sa unang pagpasok sa gusali nina Elder Floyd at Sister Susan Baum, mga senior missionary couple na nakadestino sa lugar, napaluha sila. “Napakaganda nito,” sabi ni Elder Baum. “Napakataas ng kalidad ng pagkagawa.”

Naalala ni Emma Bastidas ang panahong kinailangan nila ng kanyang pamilya na magbiyahe papuntang Ecuador para mabinyagan noong 1985. Nakita niya at ng kanyang pamilya ang pagkakatatag ng branch, at naiyak siya nang dumating ang mga unang misyonero sa pulo.

“Ngayon nakapagtayo sila ng kapilya na malapit lang sa amin at kaya ko nang lakarin,” sabi ni Sister Bastidas.

Maliban pa sa naibigay na bahay-pulungan para sa maliit na grupo ng mga Banal, may hatid na iba pang mga pagpapala ang bagong kapilya. Nabalitaan ni Leonor Machua ang tungkol sa bagong meetinghouse bago siya umalis papuntang Guayaquil, Ecuador. Habang nasa Ecuador tinanong niya sa isang tao ang tungkol sa bagong gusali at ang relihiyong kinakatawan nito. Sinagot ng taong iyon ang kanyang mga tanong at iminungkahing makipagkita siya sa mga misyonero sa oras na makauwi siya. Makaraan ang ilang araw nakita niya ang mga misyonero sa kanto at tinanggap ang paanyayang maturuan siya. Nabinyagan si Sister Machua pagkatapos na pagkatapos ng sesyon sa Sabado ng hapon ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2009, ang unang taong nabinyagan sa bagong baptismal font ng meetinghouse.

Lubhang bago pa lang ang Simbahan sa lugar. Bago ang pormal na pagkakatatag ng branch, nagsimulang magpulong ang apat na pamilya sa bayan ng Puerto Ayora sa pulo ng Santa Cruz. Noong 1998 itinatag ng mga lider ng Simbahan ang branch na sakop ng Guayaquil Ecuador South Mission at nagsimulang magpulong ang mga miyembro sa pulo ng San Cristobal bago lumipat sa el Castillo Blanco.

Ngayon mga 120 miyembro na ang dumadalo linggu-linggo sa bagong meetinghouse sa pulo ng Santa Cruz.

Bagaman maliit lang ang pulo at malayo sa kabayanan, ang mga Banal sa Galapagos Islands ay pinagpapala, sabi ng branch president na si Daniel Calapucha.

“Talagang hindi ko dama na napakalayo namin dahil pinapatnubayan kami ng ating Ama sa Langit,” sabi niya.

Ang mga Batang Taga-Columbia Bumisita sa Templo

Mahigit labindalawang batang Primary mula sa Fusagasuga Ward, Soacha Colombia Stake, ang gumugol ng espesyal na araw sa Bogotá Colombia Temple, sa pag-aaral tungkol sa kahalagahan ng templo.

Noong Nobyembre 2009 sinamahan ng ward Primary presidency ang 15 batang Primary sa templo. Doon nagkaroon ng oportunidad ang mga bata na makilala ang temple president na si Jorge J. Escobar, at makapagtanong. Nalaman ng mga bata kung bakit kailangan silang maghintay hanggang sa mag-12 taon sila bago makapasok sa templo at magsagawa ng mga gawain sa templo, bakit may hawak na trumpeta ang anghel na si Moroni na nasa taluktok ng templo, at bakit kadalasang nakaharap siya sa silangan.

Sa katapusan ng aktibidad, ibinahagi ng mga bata ang kanilang mga nadama tungkol sa karanasan.

Ayon kay Maria Fernanda Sanchez, ward Primary secretary, isa itong espirituwal na karanasan. “Espesyal at di malilimutan ang araw na ito hindi lamang sa kanila kundi pati sa amin bilang mga lider nila sa Primary,” sabi niya.

Ang mga kabataang babae sa Liberia at ang kanilang mga lider ay nagtipon para sa isang espesyal na district Young Women Conference tungkol sa Pansariling Pag-unlad.

Larawan sa kagandahang-loob ni Bill Wire