2010
Nangungusap ang Diyos sa Pamamagitan ng mga Propeta
Marso 2010


Oras ng Pagbabahagi

Nangungusap ang Diyos sa Pamamagitan ng mga Propeta

Paano ninyo malalaman ang sasabihin sa inyo ng Ama sa Langit kung Siya ay narito? Nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng propeta ngayon tulad ng ginawa Niya noong araw. Itinuturo sa inyo ng propetang si—Pangulong Thomas S. Monson—ang nais ng Ama sa Langit na malaman at gawin at kahinatnan ninyo. Pagpapalain kayo kapag nakikinig at sumusunod kayo sa propeta. Ang mga tagubilin ni Pangulong Monson ay tumutulong sa atin na maging higit na katulad ni Jesucristo.

Narito ang ilang bagay na malalaman ninyo mula sa sinabi ni Pangulong Monson. Malalaman ninyo na mahal kayo ng Ama sa Langit. Sabi ni Pangulong Monson: “Tinitiyak ko sa inyo na alam ng ating Ama sa Langit ang mga hamong kinakaharap natin sa mundo ngayon. Mahal Niya ang bawat isa sa atin at pagpapalain tayo habang sinisikap nating sundin ang Kanyang mga utos at lumalapit sa Kanya sa panalangin.”1

Malalaman ninyo na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Sabi ni Pangulong Monson: “Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ay Kanyang Anak. … Siya ang ating Manunubos. … Mahal Niya tayo. … Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin.”2

Malalaman ninyo kung paano tulungan ang inyong pamilya. Sabi ni Pangulong Monson: “Nawa’y kakitaan … tayo ng kabaitan at pagmamahal sa ating sariling mga pamilya.”3

Malalaman ninyo kung paano tulungan ang mundong tinitirhan ninyo. Sabi ni Pangulong Monson: “Nawa’y maging mabubuti tayong mamamayan ng mga bansang tinitirhan natin at mabubuting kapitbahay sa ating mga komunidad, na tumutulong sa mga taong iba ang relihiyon, gayundin sa mga kapwa natin miyembro.”4

Marso 2010 Journal Tungkol sa mga Banal na Kasulatan

Basahin ang Lucas 1:70 sa Bagong Tipan.

Manalangin upang hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kayong maunawaan ang banal na kasulatang ito at malaman na ito ay totoo. Manalangin upang malaman na si Pangulong Thomas S. Monson ang propeta ngayon.

Isaulo ang banal na kasulatang ito.

Gawin ang isa sa mga aktibidad na ito, o lumikha ng sariling inyo:

  • Gawin ang aktibidad sa pahina 69. Gumawa ng maliliit na hiwa sa mga tulduk-tuldok na linya; pagkatapos ay gupitin ang mga strip, at ihabi ang mga ito sa ilalim ng mga larawan ng mga propeta para nakalinya ang mga banal na kasulatan sa mga larawan. Hanapin ang mga banal na kasulatan para makita ang mga pangalan ng mga propeta. Isulat ang mga pangalan sa mga blangkong linya.

  • Tingnan ang mga larawan ng mga propeta sa pahina 69. Talakayin sa inyong pamilya ang mga turo ng mga propetang ito.

  • Basahin ang sumusunod na mga sipi o iba pang bagay na naituro sa atin ng mga propeta:

  • “Maghanap ng isang taong nahihirapan, … at gumawa ng isang bagay para sa kanya.”5—Pangulong Thomas S. Monson

  • “Huwag na huwag kalilimutang manalangin. Lumuhod sa araw at gabi.”6—Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008)

  • “Nawa’y basahin nating lahat ang Aklat ni Mormon nang may panalangin, pag-aralan itong mabuti, at tanggapin ang patotoo tungkol sa kabanalan nito.”7 —Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985)

Paano nakakatulong ang inyong nagawa para kayo makaunawa Lucas 1:70?

Magsulat sa inyong journal o magdrowing ng isang larawan tungkol sa nagawa ninyo.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Nob. 2008, 106.

  2. Thomas S. Monson, “Paglingon at Pagsulong,” Liahona, Mayo 2008, 90.

  3. Thomas S. Monson, Liahona, Mayo 2008, 90.

  4. Thomas S. Monson, Liahona, Nob. 2008, 106.

  5. Thomas S. Monson, sa Gerry Avant, “Prophet’s Birthday: Milestone of 81,” Church News, Ago. 23, 2008, 4.

  6. Gordon B. Hinckley, “Don’t Ever Forget to Pray,” Friend, Abr. 2006, 11.

  7. Spencer W. Kimball, “How Rare a Possession—the Scriptures!” Ensign, Set. 1976, 5.