2010
Paghahanap sa Tamang Simbahan
Marso 2010


Paano Ko Nalaman

Paghahanap sa Tamang Simbahan

May simbahan na ba sa mundo na pinamunuan ng isang buhay na propeta?

Magka-chat kami online ng kaibigan kong si Julyette nang sabihin niya sa akin na naghahanap siya ng simbahan na may buhay na propeta na nakikipag-usap nang harapan sa Diyos. Akala ko tumigil na ang Diyos sa pakikipag-usap sa mga tao sa mundo dahil mayroon na tayong Biblia, at akala ko sapat na iyon para sa ating kaligtasan.

Ngunit sabi niya, “Kung hindi na tumatawag ng propeta ang Diyos sa mundo, magiging sinungaling Siya, dahil nangako Siya na hindi Siya gagawa kailanman ng anumang bagay nang hindi tumatawag ng mga propeta” (tingnan sa Amos 3:7).

Tanong ko sa kanya, “Nasaan ang buhay na propetang ito?” Hindi niya alam.

Nagsimula akong mag-isip kung paano namin matutuklasan ang tamang simbahan. Alam kong maraming iba’t ibang simbahang Kristiyano na magkakaiba ang mga doktrina. Naisip ko, “Kunsabagay, maraming sanggunian sa Internet,” kaya’t sinaliksik ko “ang totoong pinag-uusig na simbahan.” Hindi ko alam kung bakit sa ganoong paraan ko nai-type ito, ngunit lumitaw ang ilang listahan ng mga simbahan, kabilang na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maraming simbahang Kristiyano sa Brazil, ngunit hindi ko kailanman narinig ang tungkol sa simbahang ito.

Pagpasok ko sa Web site, nabasa ko ang kuwento ng isang batang lalaking 14-na taong gulang na nakita ang Diyos at si Jesucristo nang harapan at nagsalin ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Wala akong narinig noon na anuman tungkol kay Joseph Smith o sa Aklat ni Mormon, at naisip kong kawili-wili ito. Ngunit ang nakaagaw ng aking pansin ay ang pagbanggit ng Aklat ni Mormon tungkol sa pagpapakita ni Jesucristo sa mga naninirahan noon sa kontinente ng Amerika.

Nagkaroon ako ng matinding hangarin na basahin ang aklat na ito, kaya’t humiling ako ng isang kopya. Sinabi ko kay Julyette ang tungkol sa site, at matapos niyang mabasa ang kuwento ni Joseph Smith, natitiyak niya na ang simbahang ito ang Simbahan ni Jesucristo. Sinabi niyang inihanda ako ng Panginoon para mahanap ang Simbahan para sa kanya.

Humanga ako sa kanyang matibay na paniniwala at hinangad kong malaman ito mismo sa sarili ko. Tinanong ko si Inay kung alam niya ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Sinabi niya na may asul na aklat ang kapatid ko mula sa dalawang misyonero. Hiniram ko ang aklat at binasa ito mula sa simula hanggang sa katapusan sa loob ng isang linggo; hindi ako nagkaroon ng interes sa iba pang bagay. Kaylaking kapayapaan ang nadama ko! Naalala ko ang isang pangako na ang lahat ng makakabasa sa aklat ay dapat magtanong sa Diyos kung ito ay totoo, at Siya ay sasagot (tingnan sa Moroni 10:3–4).

Kinaumagahan pumasok ako sa aking silid para manalangin. Nagtiwala ako sa Diyos at nagtanong sa Kanya kung totoo ang aklat, at nakadama ako ng nag-aalab na pakiramdam. Hindi ko alam kung ano ang damdaming iyon, ngunit nakadama ako ng kagalakan. Nang gabing iyon nanaginip ako kung saan nagpakita ang isang propeta sa Aklat ni Mormon. Tinanong ko siya kung totoo ang aklat, at sinabi niyang totoo ito. Paggising ko naisip kong, “Ang Aklat ni Mormon ay talagang totoo.”

Nagtanung-tanong ako sa paligid hanggang sa matagpuan ko ang isang taong nakaaalam kung paano pumunta sa simbahan. Isang araw ng Biyernes nagbisikleta ako papunta sa kapilya, pero walang tao roon. Nanalangin ako na tulungan ako na malaman kung kailan ginaganap ang mga miting. Nagpunta akong muli nang sumunod na linggo. Pagdating ko, isang babaing may-edad na ang nagsabi sa akin na ang mga miting ng Simbahan ay ginaganap sa Linggo ng umaga. Umuwi akong masaya at sabik at mabilis ang pintig ng aking puso.

Pagdating ko sa Linggo ng umaga, malugod akong tinanggap ng mga miyembro. Humanga ako sa organisasyon ng Simbahan. Nakadama ako ng kapayapaan at galak sa aking puso sa oras ng mga miting, at sinabihan ko ang mga misyonero na magpunta sa aming bahay para turuan ako. Umuwi ako at sinabi ko sa nanay ko na natagpuan ko ang tamang relihiyon.

Itinuro sa akin ng mga misyonero ang tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Alam ko na noon ang kuwento ni Joseph Smith, kaya’t nang anyayahan nila akong ipagdasal na malaman ang katotohanan, sinabi ko sa kanila na nakatanggap na ako ng sagot at ikinuwento sa kanila ang aking karanasan. Humanga sila sa aking patotoo at nagmungkahi ng petsa, Mayo 15, 2004, para sa aking binyag. Samantala, nabinyagan din ang kaibigan kong si Julyette. Ang binyag ko ang pinakamalaking kagalakan sa buhay ko, at napakasaya naming magkaibigan na natagpuan namin ang totoong Simbahan ni Jesucristo.

Mga paglalarawan ni Scott Greer; larawan ni Pangulong Hinckley na kuha ni Drake Busath