2010
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Marso 2010


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.

“Ang Batas ng Ayuno,” p. 26: Pag-isipang gumawa ng plano para sa pamilya sa susunod na Linggo ng ayuno. Magpasiya kung kailan magdarasal ang pamilya para simulan at tapusin ang ayuno. Pag-usapan kung ano ang inyong ipag-aayuno at paano kayo mapagpapala sa pamamagitan ng pagbabahagi ng inyong mga patotoo sa oras ng ayuno. Kung hindi puwede para sa isang miyembro ng pamilya na huwag kumain at uminom, pag-usapan kung sa paanong paraan siya makikibahagi.

“Huwag Magtiwala sa Bisig ng Laman,” p. 40: Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi kung paano sila o ang iba pang miyembro ng pamilya naging mas mabuting tao noong nakaraang taon. Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magtakda ng mithiin na tutulong sa kanilang maging ang uri ng mga tao na nais ng Diyos na kahinatnan nila.

Para mailarawan kung paano mapag-iibayo ng Ama sa Langit ang ating mga pagsisikap, anyayahan ang mga nakababatang anak na dumampot ng isang mabigat na bagay. Pagkatapos ay paalalayan sila sa isang magulang o nakatatandang anak. Alin ang mas madali at bakit? Ano ang mga bagay na magagawa lang natin sa tulong ng Ama sa Langit?

“Nabitag sa Cumbuca,” p. 48: Bilang pamilya, pag-isipang gumawa ng sarili ninyong cumbuca na may mahalagang laman sa loob. Pagkatapos ay maghalinhinan sa pag-arte na parang “unggoy.” Talakayin kung paano tayo tinatangkang bitagin ni Satanas, paano natin maiiwasan ang mga patibong, at ano ang magagawa natin kung makita nating nabitag na tayo sa patibong.

“Basbas ng Priesthood ni Lindsay,” p. 66: Talakayin kung ano ang mga basbas ng priesthood, at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng sariling karanasan sa pagtanggap ng mga basbas ng priesthood. Maaari ninyong itanong: Ano ang nadama ninyo nang matanggap ninyo ang basbas? Paano ito nakatulong sa inyo? Bakit ninyo pinasasalamatan ang priesthood?