2010
Paano Gagawing Mabait ang Siga
Marso 2010


Paano Gagawing Mabait ang Siga

Kailangan ko siyang harapin, pero paano?

Kapag ikaw ay 12 taong gulang, ang hirap ng buhay. Sa pagitan ng pagiging bata at pagiging tinedyer, hirap kang malaman talaga kung sino ka. Kasalukuyan akong naguguluhan dito nang ibalita ng mga magulang ko na lilipat kami sa maliit na bayan sa kabila ng burol. Ilang milya lang ang layo ng lilipatan namin, pero para sa akin isang mundo ang layo niyon.

Lumaki ako sa karatig-bayan na may 30,000 mamamayan. Naglalakad ako papasok sa eskuwela. Isang kanto lang ang layo ng palaruan at sentro ng mga kabataan mula sa bahay. At nanonood ako ng sine tuwing Sabado.

Iba ang bagong bahay namin. Bukid iyon na may 6,000 mamamayan—at plano nitong manatiling gayon. Isang milya at kalahati (2.4 km) ang layo mula sa eskuwela at sasakay pa ako ng bus. Ang magiging palaruan ko ay ang kalapit na kakahuyan at mga burol. Magiging paminsan-minsan na lang ang panonood ng sine sa Sabado.

Hindi naman masama ang paglipat mismo. Mahilig akong magsapalaran at maglibot. Pero nahirapan akong makibagay sa eskuwela. Magkababata ang ibang mga estudyante, at ako ang dayuhan. Ang nakasama pa, hindi ko itinago ang nadarama ko at naging madaling target ako ng mga siga.

Ang isa sa mga pinakamatapang na sigang kailangang harapin ko ay si Tracy. Hindi sana mahirap iyon, kaya lang babae si Tracy.

Nakaharap ko na ang mga lalaking siga noon. Pipiliin mong harapin sila o pag-aaralan mong iwasan sila. Pero tila nasa lahat ng lugar si Tracy: sa bulwagan, sa tanghalian, sa mga klase ko. Mahusay siyang mang-insulto at manliliit ka talaga. Inis na inis akong makita siya kahit saan.

Dahil mukhang hindi ko siya maiwasan, kinailangan ko siyang harapin, pero hindi ko alam kung paano. Lahat ng iyan ay binago ng mensaheng narinig ko sa simbahan. Hindi ko maalala kung sino ang nagsalita, pero naaalala ko ang sinabi niya. Binanggit ng tagapagsalita kung paano harapin ang mga taong mahirap pakisamahan. Sabi niya, “Kung hindi ninyo sila mapigilan, subukang lunurin sila sa pagmamahal.” Nagtawanan ang kongregasyon, pero pinag-isipan ko ito nang ilang panahon. Sa huli ay nagpasiya ako kung ano ang gagawin kay Tracy. “Bubusugin [ko siya] ng kabaitan.”

Sinimulan kong hanapin si Tracy kinabukasan. Nang makita ko siya, sabi ko, “Tracy, ang ganda mo.” Nagulat siya at pautal na nagpasalamat pagdaan namin sa bulwagan. Ipinagpatuloy ko iyon. Tuwing makikita ko siya, pinupuri ko siya bago pa siya makapagsalita. Natigil ang mga pang-iinsulto, at napayapa nang kaunti ang buhay ko.

Makaraan ang ilang buwan, papatapos na ang pasukan. Ang isa sa mga aktibidad sa pagtatapos ay isang sayawan sa gym sa oras ng klase. Dumalo ako pero ayaw kong isayaw ang sinumang babae. Ang totoo, wala pa akong nilapitang babae para isayaw. Pero nilapitan ako ng isang babae at niyaya akong magsayaw.

Nagulat akong makita na si Tracy pala iyon. Pumayag ako, at pumagitna na kami. Pagkatapos ng tugtog, sabi ko, “Salamat,” at umalis na si Tracy.

Hindi ko na siya nakitang muli. Lumipat na siya ng bahay noong tag-init na iyon. Sana mas madalian siya sa pakikibagay sa bago niyang eskuwela. Pero nalaman ko noong araw na iyon na umubra ang plano ko. Kung saan ako may kaaway, nakatagpo ako ng kaibigan.

Paglalarawan ni Gregg Thorkelson