Isipin ang maraming kaloob at pagpapalang ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo. Sa pagkilala sa mga kaloob at pagpapalang ito sa ating buhay, nagpapakita tayo ng pagpipitagan sa Diyos at napapalakas ang ating mga patotoo. Ang ating pananampalataya ay maipapahayag sa mga nota ng isang himno, sa paghubog ng luwad, o sa mga hagod ng pinsel.
Ang pagpasok ko sa exhibit ng Eighth International Art Competition sa Conference Center sa Salt Lake City, Utah, ay parang pagpasok sa isang pulong-patotoo ng mga miyembro mula sa 44 na bansa. Sa (Doktrina at mga Tipan 115:5) mababasa natin, “Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa,” at ito mismo ang ginagawa ng gawang-sining nitong mga artist na Banal sa mga Huling Araw.
Kasama sa mga entry sa paligsahang ito na idinaraos tuwing ikatlong taon ang mga dibuho at gawang-kamay na mga disenyong kakikitaan ng temang “Pag-alaala sa mga Dakilang Bagay na Ukol sa Diyos.” Ang ating tahanan sa lupa, ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at ang mahalagang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas ay ilan sa mga paksang ipinakita ng mga artist. Sa 1,089 na isinumite, halos 200 ang napiling idispley, kasama na ang 20 Merit Award at 18 Purchase Award. Kahit tapos na ang eksibit sa Conference Center, makikita pa rin ito online sa ArtExhibit.lds.org. Ang pagkakita sa sining ay nagbibigay ng pagkakataong espirituwal na mapalakas ng nahahawakang mga patotoong ito.