Pagkain para sa Buong Linggo
Mariela Torres Meza, San José, Costa Rica
Habang papalapit ang high school graduation, sabik naming inasam ng mga kaibigan ko ang aming sayawan sa graduation. Ngunit nang sabihin ng aming paaralan ang petsa ng sayawan, nalungkot akong malaman na gaganapin iyon sa araw ng Linggo.
“Mariela, minsan lang ito mangyari sa buong buhay mo!” sabi sa akin ng isang kaibigan. “Dapat dumalo ka. Hindi ka na ulit liliban sa pagsisimba. Ngunit sa isang ito, dapat kang lumiban sa simbahan at dumalo sa sayawan.”
Ipinaliwanag ko sa kanya na hindi ito tungkol lamang sa hindi pagsisimba—ito ay tungkol sa pag-uukol ng isang araw sa Panginoon. Ngunit habang iniisip ko ang sinabi niya, naisip kong, “May epekto nga ba kung hindi ko susundin ang Sabbath, kahit ngayon lang?” Tutal, di magtatagal magkakahiwalay na kaming magkakaibigan, at inasam namin nang ilang taon ang kasayahang ito. Sa sayawan ang huling pagkakataon naming magdiwang nang sama-sama.
Habang iniisip ko ang aking desisyon, naalala kong itinuro sa akin ni Itay na ang araw ng Sabbath ay “pagkain” para sa buong linggo. Makakaya ko ba talagang hindi matanggap ang espirituwal at temporal na mga pagpapalang ipinapangako ng Panginoon sa mga masunurin? Tinimbang ko ang mga pagpipilian ko, at nalaman ko kung ano ang dapat maging desisyon ko.
Hindi naintindihan ng mga kaibigan ko nang sabihin ko sa kanila ang tungkol sa desisyon kong huwag nang dumalo. Nang sumunod na ilang linggo, nalulungkot ako sa tuwing maririnig kong binabanggit ng isa sa kanila ang tungkol sa sayawan, ngunit alam kong tama ang desisyon ko.
Habang papalapit ang sayawan, may nangyaring hindi inaasahan. Sa kung anong dahilan nagpasiya ang paaralan na baguhin ang petsa. Sa halip na ganapin sa Linggo ng gabi, ang sayawan ay gaganapin sa Sabado ng gabi! Tuwang-tuwa ako na makakadalo na ako at makakasama ang mga kaibigan ko. Ang lalo pang nagpasaya sa akin ay ang kaalamang tinupad ko ang pangako kong susundin ang Panginoon.
Nagpapasalamat ako na nakadalo ako sa sayawan, ngunit natanto ko na hindi tayo palaging pinagpapala sa ganitong paraan. Kung minsan kailangan tayong gumawa ng malalaking sakripisyo para sa ebanghelyo ni Jesucristo. Gayunman natutuhan ko noon, at alam ko na ngayon, na palagi tayong pagpapalain ng mapagmahal na Ama sa Langit sa anumang paraan kapag sumusunod tayo.
Ang pagiging masunurin ko noon sa hayskul ay nagdudulot sa akin ng malalaking pagpapala bilang young adult. Masyadong abala ang iskedyul ko dahil sa mga asaynment sa kolehiyo, gawain sa trabaho, at mga aktibidad, ngunit alam kong may pagkakataon akong magpahinga mula sa mga gawaing iyon bawat linggo sa pamamagitan ng pag-uukol ng araw ng Linggo sa Panginoon.
Tama ang tatay ko: Ang Linggo ang malaking pinagkukunan ng espirituwal na pagkain. Ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay magiging priyoridad ko palagi upang mapanibago ko ang aking mga tipan, muling mapunan ang mga espirituwal na imbakan, at mapanariwa ang aking isipan para sa susunod na linggo.